
ANG SAPA NI KAYMALABO
By: Roy Masilang Macatangay
Totoo bang may nagbabantay sa kaymalabo?
oo, totoo. Halos lahat ng tao sa Baryo Pina na kinalakihan kong probinsya sa Batangas ay kilala ang sapang ito. At hindi lang iilan sa kanila ang sumumpang na kakita, nakaramdam at nakaengkwentro ng di-maipaliwanag na karanasan tungkol sa sapa. At isa ako sa kanila. Ang Kaymalabo ay ang sapang naghahati sa tatlong maliliit na nayon-Duhat, Conde at Labak- na bumubuo sa Baryo Pina. Halos lahat ng tao dito ay magkakamag-anak at magkakilala, kaya hindi kaila ang isang umaaktibong kwentuhan kapag nagkasalubong sila sa daan o simpleng nagkaipon-ipon lamang. At sa bawat kwentuhang ito’y hindi nawawala ang kwentong Kaymalabo.
Madalas daw magpakita dito ang puting kabayo na umiinom sa gilid ng sapa tuwing mag-aagaw ang liwanag at dilim. At ayon sa mga taong nakatira malapit sa kayMalabo, madalas nilang marinig ang yabag ng kabayo tuwing gabi. Bigla na lang daw nawawala ang ingay ng mga palaka sa may sapa kapag naririnig na nila ang wari’y namamasyal na kabayo sa may sapa. Isa ako sa mga nakakita sa kapitbahay namin na natagpuang nakayakap sa puno ng acacia sa baybayin ng sapa. Tulala. Iniligaw daw dito ng puting kabayo.
Isa pang insidente na halos kapareho nito ay ang karanasan ng tatay ko. Papunta raw sila sa kabilang nayon para pag-disco . Dahil ang KayMalabo lang ang tanging daan papunta ‘dun, kailangan nila itong tawirin. Ngunit napansin nilang ilang beses na silang pabalik-balik dito. Parang paikot-ikot lang daw nilang nadaraanan ang sapa. Ngunit nang lumaon, nakarating din sila sa fiesta, pero halos patapos na ang sayawan. Pawisan lahat at nakabaligtad ang damit. Minsan din daw ay niyaya ang kasambahay naming si Aries ng Tito Unyod niya at barkada nito na mamaril ng isda sa sapa. Ilang oras nag-abang at sumisid si Mang Unyod pero wala itong nahuli. Nang muli siyang sumisid, nagulat nalang si Aries dahil kumakawag na ang Tito Unyod niya. Nalulunod. Agad naman itong nasagip. Nang mahimasmasan, ikinuwento nito na may nabaril siyang palaka sa may bato sa sobrang nis dahil wala isdang mahuli. Ang nakapagtataka lang daw paanong malulunod ang Tito niya samantalang hanggang bewang lang ‘yung sapa.
Mahigit dalawampu kaming magkakapitbahay na lulan ng isang arkiladong jeep at hindi rin kami nakatakas sa isang kakatwang karanasan sa sapa. Pauwi na kami noon galing championship ng basketball sa kabilang nayon. Laking pasasalamat namin at nagawan ng kalsada ang dating makipot na daanan.Tinambakan at sinimento ang maliit na parte ng sapa upang madaanan at hindi masyadong lumubog sa tubig ang sasakyan. Mga player, cheerer, mga miron at epal ay kasama kaya naman jampacked ang jeep. May sabit sa likod at gilid; may nakasakay pa sa bubungan. Lahat may kanya-kanyang kwentuhan at tawanan. Masaya ang lahat dahil ang nayon namin ang nanalo sa championship ng basketball . Pero nabago ang lahat. Biglang naputol ang ingay. Namatay na lang ang makina ng sasakyan nang walang dahilan. Pati mga ilaw nito sa loob at labas ay namatay. Madilim na madilim ang buong paligid . Natahimik ang lahat..wala agad naglakas -loob magsalita. Nagpapakiramdaman. “Ka Maning naman… gabi na para magbiro kayo ng ganyan!” sigaw ng pinsan ko na bumasag sa katahimikan. “Wala aking kinalaman dito, ah!” tugon ng driver. “Tsaka sa lahat pa naman ng lugar dito sa baryo natin, hindi ko kayang magbiro kk.. kay.. dito!!!!” pagpapatuloy ni Ka Maning. Saka pa lang namin namalayan na eksaktong nasa gitna kami ng Kaymalabo. At sa pagkakataong ito, wala akong ibang naririnig kundi ang agos ng sapa. Kahit ang sarili kong hininga ay hindi ko marinig. Nakakakilabot ang ingay na likha ng agos habang bahagya itong tumatama sa mudguard ng jeep.
“Makikiraan po KK.. kaayMalabo….” pakiusap ni Ka Maning sa sapa, “pasensya na po.. maingay…aaah…. tabi-tabi po… paraanin niyo na po ka…mmme…” nanginginig na pagpapatulog ng driver. Biglang nabuhay ang makina ng sasakyan. Ngunit wala pa ring kumikilos sa amin. Nagtitigan. Maya-maya’y bumalik ang headlight at ilaw ng jeep na naging hudyat na pinatawad na kami ng sapa sa aming paggambala dito. “Salamat po!!”agad na tinuran ni Ka Maning sabay lingon sa amin na namumutlang nakangiti. Sunod-sunod na ‘salamatpo’ tabi-tabi po’ at ‘ nakikiraan po’ ang aking narinig habang tumatawid ang lahat. Bumalik ulit ang sigla ng grupo nang sermunan ni Ka Maning ang Konductor ng kanyang sasakyan dahil ng bumalik ang liwanag ay nahuli niyang mahigpit ang yakap nito sa kanyang dalagitang anak. Tandang-tanda ko noong December 9, 1990, anim na taong gulang pa lang ako noon. Inutusan kami ni Kuya na pumunta kay Lolo Tino a Kabilang nayon upang kunin ang duyan na pinapagawa ni tatay para sa panganganak ni nanay.
Matapos naming magtanghalian ng kuya ko, agad kaming tumungo sa nayon ng Conde kung saan mag-isang naninirahan sa isang maliit na kubo si Lolo Tino. May daanan na noon ng sasakyan ngunit aabutin ka ng kinabukasan sa paghihintay ng sasakyang magdadala sa ‘yo sa kabilang nayon kaya’t minabuti na lang naming maglakad , mas enjoy at makakapaglaro pa kami sa daan. Narating namin nang walang kahirap-hirap ang bahay ni Lolo Tino. Hapon na nang matapos ang duyan. Malapit nang dumilim. Oras na para umuwi. Bago pa man kami umalis ay tinawag ako ni Lolo Tino.”Halika rito sandali, utoy.” sabi niya. Agad naman akong lumapit. May binigay siya sa akin-isang piraso ng animo’y tipak ng kahoy na kasing laki at haba ng krayola.
May nakatali pa dito na tila balahibo ng manok. Itago ko ran sa bulsa ko. At ang bilin niya. “Wag mong tatangalin o paglalaruan ang kahoy na binigay ko sa’yo. Tanggalin mo lang sa bulsa mo kapag nakarating na kayo ng Kuya mo sa bahay niyo… at pagkatapos , itapon mo sa pinakatuktok ng inyong bubungan.” Sa pagod ko sa paglalaro, nawalan na ako ng lakas upang mag-usisa pa. Kaya walang tanong-tanong, isinilid ko sa bulsa ang ibinigay niya sa akin. Napagkasuduan namin ng Kuya ko na ako muna ang magbubuhat ng duyan hanggang KayMalabo. At simula roon ay siya naman ang magdadala. Habang naglalakad kami’y panay ang ngasab niya sa nilagang mani na pabaon sa ‘min ni Lolo Tino. At nakuha pa nitong mamulot ng sanga ng puno na wari’y espada na panghawi ng damo sa daanan. Dahil hindi ko kayang buhatin ng isang kamay lamang ang duyan, hindi na ‘ko makapaglaro, hindi pa ‘ko makakain ng mani.
Sa tinagal-tagal ng paglalakad namin, malayo pa lang ay ko na ang huni ng palaka sa sapa, malakas. Sa wakas, ang kuya na ang magdadala ng duyan pagtawid namin sa KayMalabo. Habang palapit kami ng palapit sa sapa, napahinto ako sa paglalakad. May iba akong nararamdaman, nakakapangilabot ang malamig na hangin sa batok ko. Parang may umiihip. Magmasid ako sa paligid , walang ibang tao. Pero iba ang pakiramdam ko. “Hoy, Roy! pang tinatanga tanga mo d’yan, bilisan mo !!!” sigaw ng kuya ko na nasa gilid na ng sapa. Nahuli na pala’ ko, kaya tumakbo ako sa kinaroroonan ng kuya ko na di naman kalayuan.
“Kuya, ‘wag kang magtapon ng balat ng mani’ dyan sa sapa… tsaka ‘wag kang bato nang bato,” saway ko sa kanya nang marating ko na ang gilid ng kayMalabo. Maliwanag pa sa isip ko ang pahabol na bilin sa ‘min ni Lolo Tino na inulit ko sa kuya kong matigas ang ulo. “Sige po Lolo Roy… haay… nagpapaniwala ka sa mga ganyan,”
Kantiyaw ng Kuya ko sabay hagis sa sapa ng tangan-tangang bato. “MAKATAMA KAYO!!” Napatalon kami sa gulat nang biglang may nagsalita sa bandang itaas ng sapa. May isang batang lalaki na nakatayo sa may malaking bato kasama ang isang matandang babae na sa tingin ko’y nanay nito. Naglalaba sila sa gitna ng sapa. “Pasensya na po,” agad akong humingi ng paumanhin at dali-dali kaming tumawid sa sapa. At habang tumatawid kami sa pataas na daan ng sapa ay muli kong nilingon ang mag-inang naglalaba. Hindi na rin nakakapagtaka kung bakit hindi ko na naririnig ang huni ng mga palaka. Ngunit bago pa man lisanin ng aking paningin ang sapa ay napako ito sa bandang ibaba ng kinaroroonan ng mag-inang naglalaba. Sa eksaktong dinaraanan namin ng kuya sa pagtawid sa sapa ay may dalawang bata. Sa Bawat sapa ay napako ito sa bandang ibaba ng kinaroroonan ng mag-inang naglalaba. Sa eksaktong dinaraanan namin ng kuya sa pagtawid sa sapa ay may dalawang bata. Sa bawat kumpas ng palo-palo ng babaeng naglalaba ay tila palubog sa sapa ang dalawang bata. Kinilabutan ako.
Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Patakbo na sana ako sa kuya ko pero may mas malaking bumulaga sa akin-nasa harapan ko na ang mag-inang kani-kanina lamang ay naglalaba sa sapa, nakatalikod sa akin at marahang naglalakad! Paano Mangyayari ‘yun, naririnig ko parin ang ingay ng palo-palo sa sapa? Nagtayuan ang lahat ng balahibo ko. Hindi agad ako nakagalaw. Hinanap ng mga mata ko ang aking kuya. Nasa unahan s’ya ng mag-ina. Tuloy-tuloy sa paglalakad at walang sa nangyayari Huminga ako nang malalim at tumakbo hanggang maabutan ang kuya ko. Nilagpasan ko nang nakapikit ang mag-inang naglalakad. Nakarating kami sa bahay nang tumatakbo. Napaniwala ko ang kuya ko na may asong ulol na humahabol sa ‘kin sa sapa kaya nakitakbo na rin s’ya. Hingal na hingal at nanghihilakbot pa rin ako. Matapos ang hapunan, pumasok na’ ko sa kwarto upang magpalit ng pantulog.
Nang hinuhubad ko na ang shorts ko, may nakapa ako. Naalala ko ‘yung kahoy na binigay sa akin ni Lolo Tino, nasa bulsa ko pa. ‘Di ko na malayang dala-dala ko pala iyon. Ipinasok ko ang kamay ko upang kunin ang kahoy ngunit iba ang nahawakan ko. Puro dahon na lang ng damo, na noon ko lamang nakita, ang laman ng bulsa ko. Wala na ang kahoy. Kinabukasan nabalitaan naming namatay si Lolo Tino. Umuwi ako sa Batangas noong October 29, 2005 upang dalawin ang mga kamag-anak kong nakalibing doon. Kasama ang kababata kong si Rocky, dala ang kotse n’ya, simula Makati’y dalawang oras lang at narating na namin ang kinasasabikang probinsya. Nang hapon ding ‘yon ay nagtungo kami sa sementeryo upang linisin at pintahan ang puntod ng Lola Impo ko at Lolo Tino ni Rocky. Pagkatapos namin sa Lola impo ko ay isinunod naming asikasuhan ang Puntod Ni Lolo Tino sa may ‘di kalayuan. Hindi ko inaasahang ang lahat ng nakakatakot na alaala ng sapa noong bata pa ‘ko ay biglang nagbalik nang makita ko ang kinahihimla ni Lolo Tino. Simula ulo hanggang talampakan ang nararamdaman kong kilabot. “Okey ka lang, pare?” tanong ni Rocky. Namumula raw ako. Nagbiro na lang ako na maputi lang ang damit ko. Ngunit mas kinilabutan ako nang linisin na namin ang puntod ni Lolo Tino. Pamilyar ang damong tumubo at tumakip sa lapida ni Lolo Tino. Iyon ang mga dahong nakuha ko sa aking bulsa noong December 09, 1990.