WHITE LADY SA MUZON

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

By:  Kristina Aguilar

Marso 12,  2006. Alas tres ng madaling araw ng bulabugin ang buong  Phase  X sa  subdivision ng Muzon,  San Jose Del Monte, Bulacan. Sa bahay ng pamilya Mahilum nagpakita ang multo ng isang babae. Malapit ang bahay sa isang malawak  na palayan na sinasabing pinanggalingan ng multo.  Isang linggo bago  ang malagim na  pangyayaring bumalot  sa bahay unti-unting nagparamdam at nagpakita  ang multo sa mga  miyembro ng pamilya Mahilum mula sa  sampung taong gulang na bunsong anak hanggang sa padre de Pamilya. Hindi maipaliwanag ng pamilya Mahilum kung sino  ang multo  at kung bakit sila pinapakitaan at tinatakot nito. Ang Padre de Pamilya na si Larry Mahilum  ay kasalukuyang sumasailalim sa  psychiatric therapy. Mula  nang  magpakita ang multo sa kanya, lagi na siyang tulala at hindi makausap ng maayos. Walang makapagsabi kung  ano ang totoong nangyari at ang nakita ni Larry  noong madaling araw na iyon. Nagising na lamang ang mga kasama  niya sa bahay , maging ang mga kapitbahay, sa kanyang sigaw. Natagpuan nila si Larry  sa palayan ng pinagtataga ang sarili.

ANG BAHAY SA MUZON

Sa Phase X, Lot X, Block XX, Site XX makikita ang isang may Katamtamang laking bungalow. Pula ang bubong  at Krema ang pintura ng bahay.  Nababakuran ang bahay ng hanggang  dibdib na pader. Puro namumulaklak na halaman naman ang paligid ng bakuran.  Dito  nakatira ang pamilya mahilum. Sa likod ng kanilang  bahay naroon  ang malawak na  palayan. Bago ang insidente noong ika- 12 ng Marso, laging bukas  ang mga bintana  at  pintuan ng bahay. Pero simula nang magwala  si Larry at pagtatagain  ang kanyang sarili,  lagi ng sarado ang mga bintana at pintuan.  Laging nakakandado  ang gate at laging  patay ang ilaw kahit gabi.

Mga Panayam

1  Marco Mahilum

Sampung taong gulang, grade IV  sa Muzon Elementary School. Payat,  Katamtaman ang tangkad, at may kaitiman. Sa oras ng panayam, Kapansin-pansin ang puting  marka sa kamay sa kanyang kanang pisngi. May kaunting sinat at ubo. “Nag-iisa po ako  noon sa bahay. Umaalis po kasi sila Mama at Papa papuntang  bayan. Si ate po, umalis din,  pumunta sa mga kaklase. Nasa sala po ako, naglalaro pa nu’ng GI Joe na bigay ng ninong ko noong nakaraang pasko.  “Bigla  na lang po akong gininaw. Nagtayuan po ang mga  balahibo ko  sa braso.  Lumakas po ‘yung ihip ng hangin, akala ko nga po uulan,  pero pagtingin ko sa labas  hindi naman.  Inilipad po ‘yung mga papel sa ibabaw ng mesa  tapos ‘yung kurtina rin  po.  “Pagtingin ko  po sa likod ko, andun ‘yung babae. Puti ang kanyang suot at mahabang-mahaba ang kanyang buhok. Duguan ang kanyang mukha,  pati nga po ‘yung luhang dumadaloy sa mga mata niya  ay kulay pula.

“Naihi po ako sa sobrang takot. Hindi po ako makagalaw at makapagsalita. Ni  hindi nga po ako makasigaw. Lumulutang po ang babae. Itim ng itim po ang kanyang mga paa na parang balot ng putik. “Lumapit po siya sa akin , tapos hinawakan niya aking mga pisngi, Ang lamig po ng kanyang kamay.  Heto nga po yung marka ng kanyang kamay. Tapos, bigla na lang siyang nawala.

“Umiiyak po ako  pagkatapos  mawala  ng babae. Masakit po kasi ang aking pisngi. Pagdating nila mama, ikinuwento ko ang nangyari pero hindi sila naniniwala.”

end of tape

  1. Lisa Mahilum

Labinwalong taong gulang, second year sa isang computer College. Nagtrabaho ng part-time sa isang restawran  bilang crew. Katamtaman  ang pangangatawan. Mahaba ang buhok at bilugan ang mukha. Sa panahon ng panayam, Kapansin-pansin  ang pagiging magulatin  ni Lisa. Malayo ang tingin at malalim ang iniisip. “Sabado noon, Bumisita po ‘yung mga pinsan ko mula Pangasinan. Mga lima  po kami noong nagkakatuwaan sa sala.  May salu-salo po at kunting inuman.  “Kumuha po kami ng litrato gamit  ‘yung digital camera ni kuya Jun-jun. ‘yung panghuli pong kuha nu’ng group  picture ako ang kumuha. “Nung pagtingin ko po sa camera, bigla pong may isang babae roon na  nakaputi. Akala ko nga po ‘yung kurtina lang ‘yun. Pero nung tingnan ko ulit, andun parin siya, Katabi niya ang mga pinsan ko, Pero ‘di tulad ng mga pinsan kong nagtatawanan,  ang babae ay lumuluha. Dugo ang kanyang iniluluha. May sugat siya sa noo. Matagal ko pong tinitigan ang babae sa camera. Nainip na nga po ‘yung mga pinsan ko  kaya inagaw na ni Ate Kristine ‘yung camera para siya nalang daw  ang kumuha  ng litrato. “Pinapunta niya ako sa may bintana kasama ang iba pang  pinsan ko  para kunan ng litrato. Hindi ko masabi sa kanila na may nakita akong babae. Natakot ako. Pagpunta ko roon sa bintana, biglang umihip ang malakas na hangin . Binalutan ako ng Kurtina, ang lamig-lamig ng pakiramdam ko.  “Tapos, hindi ko na alam  ang sumunod na nangyari. Paggising ko umaga na, sabi nila nahimatay daw ako sa sobrang kalasingan. Pero hindi naman kasi ako uminom nang marami nu’n kaya imposibleng lasing ako nang mga oras na ‘yun.

-end of tape

3 Hermie Mahilum

Apatnapung limang taong gulang. Maybahay ni  Larry Mahilum at ina nina Marco at  Lisa Mahilum. Paminsan-minsa’y tumatanggap ng patahi  ng mga kurtina at punda . Sa oras ng panayaw, balisa at hindi mapakali si Ginang Mahilum.  Panay ang punas sa pawisang mukha. “Alas onse iyon. Nagsasahod ako ng tubig  sa labas ng bahay kasi hindii pumapasok sa loob ang tubig. Wala ring tubig kapag umaga kasi mag ginagawang tubo  diyan sa kanto.

“Tahimik  na tahimik  ang paligid noon, kahit ang palayan sa likod ay wala man lang ingay,  kahit lagaslas ng mga dahon ng palay. Wala akong masyadong maaninag. Kakatapos  lang ng kabilugan ng buwan kaya manipis  ang liwanag sa paligid.  “Nakakailang balde narin ako ng tubig noon nang bigla na lang  may kung  anong liwanag na sumasabog mula sa palayan ang isang babae. Nakakasilaw ang puti niyang  damit.  Lumulutang siya sa ibabaw ng palayan. Duguan ang kanyang mukha. Duguan  ang kanyang kaliwang kamay. Puro putik  ang kanyang paa. Mahabang-mahaba ang kanyang buhok “Lumulutang siya papalapit sa akin. Nanlilisik ang kanyang  mga mata. Hindi  bumubuka  ang kanyang bibig pero naririnig ko sa loob ang aking tenga na sumisigaw  siya.  Umiiyak at nagmamakaawa. Sumigaw ako ng sumigaw. Tinawag ko ang aking  asawa at ang mga bata.

“Paglabas nila, itinuro ko sa kanila kung saan naroon ang babae.  Pero wala  na siya roon.  Lumabas pa kami  sa kalsada para tingnan kung nasa paligid pa siya pero  isang asong gala lang ang nakita namin.”

-end of tape

  1. Larry Mahilum

Apatnapung taong gulang. Construction worker. Sa oras ng panayaw, tulala at tahimik si Ginoong Mahilum. Nakabenda ang kanyang dibdib dulot ng mga sugat mula  sa sariling itak.  nakabenda at sariwang-sariwa pa ang sugat sa kaliwang braso. Nataga at naputol niya ang  sariling kamay.

“Si Maricel iyon, ang kanyang mga mata. Ang kanyang mga mata, impiyerno ang kanyang mga mata. Si Maricel iyon.”

end of tape

SINO SI MARICEL?  Tikom ang bibig ni Hermie Mahilum nang tanungin kung sino ang Maricel na  tinutukoy ni Larry Mahilum. Wala raw siyang  kilalang Maricel,  Gayon  din ang mga anak na sina Marco at Lisa.  Ngunit  nang ipagsiyasat, natuklasang may isang  nagngangalang Maricel Sembrano na tumira sa bahay ng mga Mahilum mula Pebrero 2001 hanggang  Marso 2004.

  1. Esther Jalosjos

Kapitbahay ng mga Mahilum. Matandang dalaga. Nagtitinda ng barbecue sa  tapat ng bahay at naging malapit na kaibigan ni Maricel.  “Kamag-anak nila si Maricel  galing Pangasinan. Kinuha  siya nila Hermie para maging katulong. Hindi ako sigurado sa kanyang edad pero malamang  na disasais o  disisiyete.  Naalala kong  nabanggit  niya bagong gradweyt lang siya  ng High School .” Alas  Kwatro pa lang ng umaga bumabangon na siya para maglaba o magsahod ng tubig. Tahimik  at mahinhin, hindi siya gaanong lumalabas ng bahay. Lumalabas lang ‘yan kapag wala ang pamilya. Dito siya  sa akin umiistambay  at nakikipagkwentuhan.  “Isang araw , bigla na lang nawala si Maricel. Pinalayas daw ni Hermie matapos matuklasang  buntis.  Pinabalik si Maricel sa probinsya , ngunit isang linggo   matapos siyang umalis,  natagpuan ang kanyang  naagnas na  bangkay  sa gitna  ng palayan. May natagpuang kalawanging alambre sa pagitan ng kanyang mga hita.

“Nakakasuka, Itim na itim ang lupa dahil sa dugong natuyo roon. Puro Uod ang mukha ni Maricel. Andami-daming langaw.

“Walang  makapagsabi kung sino ang may  gawa nu’n. Sabi ng mga pulis  na nag-imbestiga, si Maricel  rin mismo  ang may gawa nu’n sa kanyang sarili. Siguro nahihiya rin  siya at  natatakot kasi nadisgrasya siya at nabuntis nang hindi pa ikinakasal.  “Hindi nalaman kung sino ang ama ng ipinagbubuntis ni Maricel.  Wala naman  siyang kasintahan. Pero  sino ba  ang lalaking  palagi niyang kasama sa bahay? Di ba si Larry lang naman?”

-end of tape

Nanatiling tikom ang bibig ng pamilyang mahilum simula noon  hanggang sa  makalimutan na ng mga taga-Muzon ang pangyayari.

Ngayon , binasag nila ang kanilang pananahimik at piniling  magsalita  para ipagtanggol at ipaliwanag ang kanilang sarili sa haka ng mga kapitbahay na sila’y   nababaliw na.

Ngayong araw, ipinasya ng doktor na dalhin muna sa  mental  hospital si Larry para suriin at bigyang lunas. Ngayong araw din ang  saktong araw nang mamatay si Maricel dalawang taon na ang nakakaraan.

Leave a Reply