UPOS NG SIGARILYO

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Ano ang bagong kuwento ng magkapatid?

Karaniwang gawa sa pawid ang mga bahay sa aming probinsya.  Payak lang ang  klase ng pamumuhay lalo na noong dekada ’70. May  kaunting  lupang sinasaka ang tatay at ang nanay naman ay may mga  pananim na gulay na siya naman ibinebenta  naming magkakapatid sa palengke.

May mga alagang baboy ang nanay. Medyo maganda ang  bentahan kaya kami rin ng nakababata kong kapatid ang nag aasikaso nito.  May mga alaga rin kaming manok . Sa silong nakakulong ang mga  ito para raw hindi pestehin ng mga dagang bukid na pumapasok  sa mga bakuran kapag gabi.

Kagaya ng mga ordinaryong bata, pagkatapos ng trabaho sa bahay, diretso na kami ng kapatid ko sa aming mga kalaro.  Masaya ang buhay sa probinsiya kahit simple lang. Naglalaro kami ng patentero sa kalsada sa hapon,  o kaya naman ay  torong-baka sa gitna ng bukid.  Halos puro lalaki kaming magkakalaro. Madalas din kaming maligo sa sapa.

Pagsapit ng dilim, nagkukwentuhan kaming mga magkakalaro. Dumating ang gabi na  nagkatipun-tipon kami sa ilalim ng malaking  puno ng mangga. Bilog ang buwan nung gabing iyon.  Napunta kami sa  usapan tungkol sa mga aswang.   Marami raw nito sa aming baryo.  Kung  minsan daw,  may nagpapakitang malaking aso sa gitna ng bukid. Kasing-laki raw ito ng tao. Nanlilisik  ang mga mata at napakatulis ng mga pangil.

Yung isa naman ang nagkuwento. May nakita raw siyang  babaeng  nakabigti sa malaking puno ng balete nang minsang  gabihin siya sa bukid. Nakakatakot daw ang itsura nito. May nagsasabi naman na may dwende raw na nakatira sa tumana. At oras daw na matapakan  mo ang  mga ito, sigurado daw na gaganti ito kaya  kailangan talagang  magpasintabi.

Sari-saring kuwento  ng kababalaghan, engkanto at aswang  ang pinag-usapan nila. Kami lang ng kapatid ko ang walang mai-kuwento

Nang tanungin kami kung may  nakita na  kaming mga kakaibang  nilalang,  nagkibit-balikat lang kaming dalawa. Wala naman talaga  kasi  kaming maiku-kuwento sa kanila.

Bilog ang buwan  ng gabing ‘yon kaya talasan daw namin ang aming pakiramdam. Baka raw may mga nakikinig sa aming mga espiritu. Baka raw may dumalaw sa aming magkakapatid mamayang gabi. Ilang minuto  pa ang lumipas, nag-uwian na kami.

Wala  pang  kuryente noon sa baryo.  Puro  gasera  lang ang ilaw sa lahat ng kabahayan. Pagkatapos  naming maghapunan, sinarado  na namin ang tarangkahan. Oras na ng pahinga.

Ako ang naiwan sa labas ng bahay. Nang paakyat na ako sa hagdan, parang may napansin akong malaking anino sa gilid ng puno ng  sampalok. Parang may gumagalaw. Hindi  ko maintindan  kung bakit  bigla na lang  akong kinabahan. Dali-dali akong umakyat sa bahay. Natutulog na kami  nang biglang umingay sa ilalim ng bahay. Sa  silong nanggagaling  ang ingay na para bang may bumubugaw  sa mga  manok.  Sa silid natutulog  sina nanay at tatay.  Kami lang  magkapatid ang sa sala.  Sumilip kami sa  sahig namin na gawa sa kawayan upang alamin kung bakit biglang nagkakagulo ang mga manok sa silong.

Hindi namin maaninag  kung may tao ba o wala.  Biglang na lang  kaming  may nakitang isang mahabang alambre na lumusot  sa sahig  namin! Nanggaling ang alambre sa ilalim sa silong.  Inisip naming  magkapatid  na baka may magnanakaw nga sa baba dahil gumagalaw ang alambre na ginawang  tanda ng tatay.

Ang bilin sa amin,  oras na may lumitaw na alambre, may taong  pumasok sa ilalim ng silong. Pilit naming hinahatak ang alambre pataas  pero hindi namin ito makuha. Napakalakas ng puwersa na nanggagaling  sa silong.  Nataranta kaming dalawa.

Hindi namin makuha ang alambre. May kawit ito sa dulo.  Siguradong nakakawit dito ang  taong  pumasok  sa silong  dahil ang  hirap hilahin ng alambre.

Tinawag ng kapatid ko ang tatay.  Nagising naman sila agad. Agad na kumuha ng itak ang tatay. Pilit parin naming hinihila ang alambre para lalong  makawit namin ang taong  pumasok sa silong. Nakakapagtaka nga lang dahil ng dumating ang tatay, bigla naming nahatak ang alambre, na para bang wala namang puwersang nanggaling doon kani-kanina lang.

Agad na kumuha ng gasera ang tatay. Sinabihan niyang mag-ingat kami.  Umalis  muna kami sa lugar ng sahig na ‘yun. Ganoon na lang  daw ang gulat ng tatay dahil pagbaba niya sa silong, wala man lang sira  ang kadena at kandado.

Baka raw sa likod  nagdaan.

Pero wala namang sira ang silong!  Tahimik na ang mga manok na kanina lang ay nagkakagulo. Wala rin namang tao, samantalang may  pwersang humihila ng alambre kanina.

Isang nakakalito at nakakakilabot na pangyayari.

Mayamaya pa ay umakyat ang tatay na namumutla. May hawak  siyang bagay. Wala siyang  nakita kundi isang upos ng sigarilyo.  Napakalaking  sigarilyo,  halos sampung pulgada ang haba.

Walang nawala sa manok. Kung may nanggulo man kanina, hindi raw ito ordinaryong tao.

Natakot kaming magkapatid. Marahil,  sa susunod na gabi na bilog  na naman ang buwan, may kuwento na kami para sa mga kaibigan namin.  Isang  kwentong tungkol sa kapre at sa katotohanang hindi lang ito sa  puno naninirahan, kundi pati na rin sa silong ng isang tahimik na tahanan.

 

Leave a Reply