TUBIG

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

By: D. Ordono

Isa ang pinsan ko  sa mga resident doctors ng isang kilalang private hospital sa Manila  noon.  Mahaba ang oras ng duty niya at madalas ay  panggabi siya. May mga panahong  hindi na siya nakakauwi para matulog at umiidlip nalang siya sa ospital.  Isang gabi iyon na marami ang  mga naaksidente. Abala ang aking pinsan at maging ang iba pang mga doctor.  Madaling araw na nang  makaluwag siya mula sa kaniyang mga  pasyente.

Antok at pagod,  tinanong niya ang mga nurses kung saan siya  pwedeng umidlip muna. Puno na ang doctors’ quarters dahil na rin  sa dami ng mga nag-report ng gabing iyon. Isa sa mga nurses  ang  nagsabing puwedeng  matulog ang pinsan ko sa isang private room sa  third floor ng ospital.  Agad namang pumayag ang pinsan ko. Nakita  niyang nagkatinginan ang mga nurses ngunit binalewala nalang niya ito. Ang tanging  nasa isip na lamang niya ay ang ihiga ang pagod  niyang katawan.

Sinamahan siya ng isang nurse  sa silid na iyon sa third floor.  Nang marating  nila ito,  dali-daling nagpaalam na ang nurse sa may pinto.  Nagmamadali itong umalis.  Nagtataka man, hindi na rin nagtanong  ang pinsan ko. Pumasok siya sa loob ng private room. Malinis at maaliwalas  ito.  May aircon at may sariling banyo. Komportable maging ang kama. Agad siyang naglinis ng katawan at natulog na. Pagkahigang-pagkahiga ay nahimlay na ito.  Light sleeper lang siya kaya naman  naalimpungatan siya nang bigla  niyang marinig  ang faucet sa loob ng  banyo,  lumalagaslas ang tubig. Agad siyang bumangon para isara ito.  Sa isip niya, baka naiwan niyang bukas ang gripo dahi na rin sa pagod. Ngunit pagpasok niya sa banyo, agad tumigil ang tunog ng tubig.  Tiningnan niya kung bukas ang gripo ngunit sarado naman ito. Hindi na lang niya ito pinansin. Naisip niya na baka sa kabilang kuwarto  galing ang tunog ng tubig kanina.

Muli siyang naalimpungatan pagkaraan lamang ng isang oras. This time, tubig naman mula sa shower ang narinig niya. Nakiramdam mula siya, sinisigurong galing nga sa silid niya ang naririnig niya.   Nang mapagtantong galing nga sa silid na iyon ang  tunog ng shower,  muli siyang bumangon at pumasok sa kwarto. Gaya  ng unang insidente,  saradong-sarado ang shower.   Dito na siya nagsimulang kabahan. At dito na rin niya binigyang  pansin ang kakaibang  amoy sa loob ng silid.  Iba ang amoy na iyon.  Parang…. sunog . Hinanap niya kung saan nag mumula ang amoy ngunit  wala ni isa mang nakasaksak sa electric outlet na nanganga moy sunog.

Bumalik  siya sa kaniyang higaan, nakikiramdam. Parang hindi siya  nag-iisa sa silid. May kung anong pakiramdam na may nagmamasid sa  kaniya mula sa silyang nasa sulok. Mula sa kaniyang isipan, nabubuo ang isang imahe ng isang babae. Hindi niya alam kung saan niya  nahugot ang isang larawan sa kaniyang imahinasyon-mukha hindi na makilala dahil deformed,  mga kamay na kulubot, tuyot na balat. Nakakatakot ang itsurang nabubuo sa kaniyang isipan. Pilit niya itong binura sa kaniyang  imahinasyon. Kailangan niyang matulog. Nang ipipikit na niya  ang mga mata niya,  narinig niya na may nag-flush sa CR. She didn’t bother to get up this time.  Alam na niyang wala naman siyang makikita sa CR.   Dahil sa mga insidente sa kwarto, dalawang oras lamang ang naging tulog ng pinsan ko, Putol-putol pa. Hindi siya makatulog ng maayos.  Lagi siyang ginigising ng tunog ng tubig mula sa banyo.   Maaga pa lamang ay nagpasya na siyang bumangon.

Useless na rin  lamang na manatili siya sa silid na iyon.  Namamaga ang mata sa  kawalan ng pahinga, tinungo niya ang nurses’ station na may hawak  na kape. Nakita siya  ng mga nurse na nagturo sa kaniya sa silid kung  saan siya matulog. Kinumusta  siya ng mga ito. Naikuwento niya ang nangyari sa kaniya. Muli,  nagkatinginan ang mga nurse. Dito na nagtanong ang pinsan ko. “Kasi Doktora, sinasabing haunted daw ang room na iyon.  Nang  i-suggest namin na dun na kayo matulog.  akala namin ay alam na ninyo ang usap-usapan tungkol sa silid na iyon.  Akala namin ay matapang lamang kayo,” ang paliwanag ng nurse na naghatid sa kaniya  sa silid na iyon. Ayon sa mga nurses, may isang mayamang naka-confine sa silid na  iyon ilang taon na ang nakakaraan. Nasunog daw ang mukha  at ilang  bahagi ng katawan ng babae, third degree burns. Isang araw lang daw  nagtagal ang babar at namatay  ito sa silid na iyon.  Magmula nga noon  ay sinasabing lagi na  lamang may naririnig na  tumutulong tubig  mula sa  silid.

Doon lamang napagtanto ng pinsan ko  kung saan galing  ang imaheng  pumasok sa kaniyang isipan ng gabing iyon.  Hindi naaagnas na bangkay ang kaniyang nakita sa kaniyang imahenasyon-isa iyong sunog  na imahe. At hindi nasusunog na electric cord ang kaniyang naamoy kundi burnt flesh. Mula rin noon ay hindi na siya pumasok sa silid na iyon.

Leave a Reply