Takip-Silim

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Ano ang hiwagang tinatago ng dilim?

Sino ang gumagala pagsapit ng takip-silim?

Sa modernong panahon natin  ngayon,

ang asin ay nanatili pa ring maalat,

Tulad  ng mga misteryo na nanatiling hiwaga sa haba ng panahon…

Bunga lang ba ito ng malikot na imahinasyon,

O ng paniniwalang sing-tanda na

ng lumipas na henerasyon?

Ang kilabot na bigla  mong madarama;

Ang biglang kutob na may kasama ka…

Sa gabing bilog ang buwan, ‘wag mong kalilimutan,

Darating sila sa oras na hindi mo inaasahan.

Kung minsan,  kailangan daw ng isang manunulat na ‘ilubog’ ang sarili sa lugar kung saan makikita niya ang mga bagay na dapat niyang isulat…

Isla Del Espiritu

Sabi nga ng ilan sa mga pinakasikat na manunulat, kung minsan kailangan daw na mag-ikot, gumala, at pumunta sa mga lugar  na sa tingin niya ay makakatulong sa mga isusulat niyang istorya. Dapat daw  na magtanung-tanong sa mga tao sa liblib  na pook ng mga  kakaibang kwento ng kababalaghan upang hindi maging hilaw  ang  akda na isusulat.

June2005.

Kakatapos lang ng summer.  At sa katunayan, nalalapit na rin ang  panahon ng tag-ulan na. Halos wala na rin pumupunta sa beach resorts.

Pero nais ko talagang magsulat ng mga bagong kuwento at alam kong kailangan kong Lumabas  ng Maynila upang makapagsimula.

Maaga akong nag-impake ng mga gamit  ko nang umagang iyon.  Kumpleto na ang laman ng back pack ko.  Ilang oras pa,  nasa bus  terminal na ako- byahe patungo sa mga beach resorts  sa Batangas. May kahabaan  din ang biyahe. Sto Tomas, Malvar,  Lipa. Umidlip muna ako sa byahe. Nagising na lang ako nang tapikin ako ng konduktor.

“Boss. Lemery na.  Terminal na ‘to! sigaw ng  konduktor.  Naalimpungatan ako.  Dito na nga, sabi ko sa sarili. Sakay agad ako ng  tricycle papunta sa pinakamalapit na resort.  Nagbayad agad ako ng  kwarto para maayos ko ang mga gamit ko.

Lumipas ang isang oras.  Ewan ko ba  kung bakit nababato ako sa resort na pinuntahan ko. Nagtanong ako sa katiwala doon kung  may mga unusual ba silang  nararamdaman sa lugar  na ‘yon.

Diretso ang tanong ko. “May multo po ba dito?”

Umiling lang ang katiwala. Tahimik daw ang lugar na ‘yon.  Kakaayos  lang din daw ng mga cottages at kadalasan, maraming  mga bakasyunista ang pumupunta sa lugar na ‘yon.

Walang multo.

Sayang pala ‘yong binayad ko sa kuwarto.  Wala rin pala akong maisusulat kung ganoon.  Medyo nakakatakot lang tingnan ‘yung lugar  nila, pero wala naman palang multo. Kung sa bagay, hindi naman   nasusukat ang pagiging haunted ng isang lugar sa panlabas na itsura  nito, di ba? May mga bahay o gusali na moderno nga ang ayos, pero  pinamamahayan  din ng mga kaluluwa. May mga bagay naman na luma pero hindi rin naman minumulto.

Pumunta ako sa pampang. May mga batang naglalaro. Meron din mga taong naliligo sa beach. Napansin ko din na makulimlim ang  kalangitan. Marahil ay nagbabadya ang ulan. May biglang kumalabit sa akin…

Boss, bangka po?”

Paglingon ko, napansin ko ang isang lalaki na nasa mahigit  kwarenta ang edad. Mang Peping daw ang pangalan niya at nagpapaarkila siya ng  mga bangka.

“Magkano po? tanong ko.

“One hundred po. Kalahating oras,  sagot ni Mang Peping.

“Hanggang saan?” tanong kong muli.

“Hindi po tayo  masyadong lalayo, Iikutin lang po natin ‘yung  area.” sagot ng matanda.

Okay naman ‘yung alok niya. Pero wala namang challenge, kasi kitang-kita ko rin  naman mula sa  pampang ‘yung lugar na pupuntahan ng bangka.  Ilang beses na rin akong sumakay ng bangka. Ewan ko nga  ba pero  talagang adventurous  lang akong tao.

“Napansin ko lang po. Manong, medyo hindi na yata clear ‘yung tubig dito.”

“Malinis po ang tubig dito kapag summer. Kaya lang oras na mag tag-ulan na, medyo lumalabo na. Gusto n’yo po ba  talaga ng white sand?  May alam akong  island  kaso babayaran n’yo po ng isang libo  ‘yung bangka. Malayo po kasi,  isang oras ang byahe natin . Bale special trip po yun eh,”  suhestiyon  ni Mang Peping.

White sand? Wow! Oo ba!

Kung wala lang din akong makukuhang kuwento  ng katatakutan, at least relax muna ako  rito sa lugar na ‘to. Walang pollution. Tahimik. Walang pressure sa trabaho.

Sa madaling salita, nagkasundo kami ni Mang Peping. Rerintahan ko ‘yung motor niya basta ihahatid niya ako ‘dun sa  island na sinasabi niyang may white sand  at clear pa ang tubig  kahit na tag-ulan na.

Ilang minuto pa at nasa dagat na kami.  May mga bundok kaming  nadaanan at mga isla. Pagkaraan ng mahigit apatnapung minuto,  huminto kami sa isang beach resort sa isang bayan sa Batangas. Tumingin-tingin  ako pero hindi ko  nagustuhan ‘yung mga cottages doon.

Namangka ulit kami hanggang sa  makarating kami sa isang bayan  na sikat din sa mga beach resorts. Pino at puti ang  buhangin at sobrang  linis din ang tubig.  Napansin ko din ang mga cottages doon.  Maayos naman.

Alas kuwarto na rin pala ng hapon. Nagbayad na ako kay Mang Peping, at  nagpasalamat sa tip na  binigay niya para masulit naman ang pagpunta ko sa lugar nila. Inayos ko na ‘yung gamit  sa kwarto na nakuha ko. Katapat mismo ng beach ang cottage ko.   Malamang may mga 20 ektarya rin ang laki ng isla na ‘yon.

Noon ko na lang  naalala na hindi pa pala ako kumakain  ng tanghalian. Buti na lang, may ihawan at barbeque place sa tabi  doon. Pagkaraan ng ilang oras ng pamamahinga,  naligo na ako sa beach. Sobrang nag-enjoy ako sa dagat. Ang ganda talaga rito sa Pilipinas, lalo na ‘yung mga islands. Sariwa ang hangin, tahimik. Ang ganda pang  tingnan ‘yung paglubog ng araw habang nakalubog  ‘yung katawan ko  sa malinis na tubig-dagat.

Mga  pasado  alas-sais na nang umahon ako. Bumalik ako sa cottage ko upang mag-shower. Kinuha ko ‘yung towel  papunta sa banyo. Ganoon na lang ang pagkagulat ko nang biglang nagbukas nang kusa ang ilaw sa banyo! At hindi ako pwedeng magkamali. Tumunog ng “click” yung switch sa loob ng CR.  Sigurado akong may nagbukas talaga ng ilaw. Kinilabutan agad ako. Pakiramdam ko, may kasama ako sa cottage na hindi ko nakikita. Sa takot,  parang umakyat ang dugo ko sa ulo.

Binuksan ko muna ‘yung main door ng kuwarto para mabawasan ang takot ko. Pagbukas ko ng pinto, malamig na  hangin ang  sumalubong sa mukha ko. Paglingon ko, bigla namang namatay ang ilaw sa banyo!

“Diyos ko!” bulong ko sa sarili ko. Talagang  kinikilabutan na ako ng mga oras na iyon. Pati nga pagsusulat nawala sa isip ko. Pero  bakit ganun? Hindi  lang minsan na nangyari sa akin ‘to, Kapag  naghahanap ako ng nga kuwento tungkol sa multo. Kadalasan, nababakya ako.  Kung kailan ko gusto makakita  o maka-experience nang nakakakilabot , wala naman akong nakikita. Pero Kapag relaxed ang isip  ko, saka naman ako nakakaranas ng ‘ghostly encounters.’

Katulad ng nangyari sa akin sa cottage. Ano kaya ang meron sa islang iyon?

Mabilis akong nakapag-isip Kinuha ko ‘yung towel, ni lock ko mula ulit ‘yung kuwarto, tsaka ako dumiretso sa reception area. Wala na ‘yung babae kanina nang mag check-in ako. May kapalit na siya dahil malamang on shifting-rotation sila roon.

Nagpakilala ‘yung lalaki sa reception. Siya si Greg, ang over-all supervisor ng resort. Wala nang gaanong tao ‘dun  sa island at halos  lahat nag-uwian na . Day tour lang daw kasi ang karamihan sa mga  guests nila.  Hindi ako nagpakilalang writer dahil baka maalangan siyang sagutin ang mga gusto kong malaman.

“Pare, gusto ko lang itanong, may multo ba dito?”

“Bakit po, sir?”

“Kasi, biglang nagbukas ‘yung ilaw sa CR. Nang malingat lang ako,  nag-switch-off ulit eh,” simpleng sagot ko.

“Sa’n po ba ‘yung kuwarto  ninyo, sir? usisa ni Greg.

“Yung last na unit  na katapat mismo ng beach, ” sagot ko.

“Sir, aaminin ko na sa inyo. May nagpapakita po talaga  dito sa lugar na ‘to. ‘Yung  isang guest namin kanina, mag-o-overnight stay sana.  Pero hindi na niya itinuloy. May nakita raw siyang babaeng nakaputi na pumasok sa kwarto n’ya pero nang lumingon siya ulit,  bigla namang nawala.”

Hindi na rin nakapagpigil ‘yung security guard ng resort nang marinig niya ang usapan namin ni Greg.  Sabi ng guard. “Kapag ganito ang season, wala na halos pumupunta rito sa lugar na ‘to. Bihira na ang tao,  kaya madalas na ulit magpakita ang mga multo.”

Pagkatapos kong marinig ang mga sinabi nila, saka ako  nagpakilalang isang writer. Samantala,  tuloy lang ang pagkuwento ni Greg.  At heto ang mga klase ng mga nakikita nila sa nasabing  Isla.

MALAKING ASO- Madalas itong makita sa  paligid ng resort,  pero kapag naman sinundan ng guard, bigla naman daw itong  nawawala. Napakalaki rin daw ng asong itim na ito. Halos sinlaki  ng tao.

ITIM NA IBON-Bigla na lang silang  makakarinig ng malakas na pagaspas ng mga pakpak na para bang may malaking  agilang  umiikot  sa mga kubo sa Isla.  Nakita daw mismo ni Greg ang itim na ibon na nakadapo sa taas mismo ng puno ng balete. Kung minsan,  umiinom pa raw ito ng tubig sa gilid mismo ng pool sa loob rin ng resort na ‘yon.

ANINO NG SUNDALO- Ang security guard ang madalas makakita doon sa resort na anino ng sundalo na nagma-martsa sa hallway. Sa dilim daw madalas na naaaninag ang anino nito.  Lumilitaw ang sundalo bandang alas-dos ng madaling araw.

WHITE LADY-Bagama’t  common na ang mga kuwento tungkol sa  ganitong klase ng multo, meron din daw nito sa Isla.  Madalas daw  magpakita ang babaeng nakaputi na namamasyal sa mga kwarto ng mga nag-o-overnight stay sa resort.

ANTICIPATING GHOST-Ito ‘yung term nila sa mga multo na inuunahan na ‘yung guest sa plano nilang gawin. Madalas daw na kapag magbubukas ng ilaw ang  guard, kusa na itong bumubukas.  Kapag papalapit ang guard sa poste para patayin ang ilaw,  kusa itong mamamatay. Hindi lang daw sa ilaw, kundi pati na rin  ang mga airconditioners sa mga kwarto.  Kusa na rin  silang namamatay bago pa man -i-switch-off ng guard ang aircon.  Sinasabi na lang nila na “Salamat”  dahil ang mga multo na ang nagpapatay at nagbubukas ng ilaw, na para bang nakakatulong na rin sila kahit paano sa mga guests at administration ng island na iyon.

Madalas daw paglaruan ng mga espiritu sa isla  ang ilaw sa kwartong ito.

Natawa na lang ako. Akala nila siguro ay magagalit ako sa mga nalaman ko. Sa katunayan naman talaga,  ang mga istoryang ganoon  ang sadya ko sa lugar nila- ang makakuha  ng mga totoong kuwento para sa Book 5 ng Haunted Philippines.

Pero hindi lang basta kuwento ang nakuha ko. Personal pa akong naka-experience ng isang ghostly encounter.

Sinama ako nina Greg at ng security guard doon sa mga spots kung saan lumilitaw ang mga nabanggit nila. Kinuhanan ko rin  ng pictures ang lugar na iyon, gamit ang cellphone ko. Medyo may kadiliman na kasi  nang mga oras na iyon kaya medyo malabo rin  ang mga shots na nakuha ko.

Bagama’t kinikilabutan ako, lakas-loob pa rin akong bumalik sa kwarto ko.  Plano ko pa naman sanang mag-night swimming sa pool  Hindi ko na lang itinuloy.

Nagulat si Greg nang pagbalik ko, dala ko na ‘yung mga gamit ko.  Tinanong ko kung may motor boat pa ba na available para maihatid ako sa bayan. Meron naman daw sabi ni Greg.

Nakiusap sila na huwag ko na lang na banggitin ang pangalan ng resort dahil siguradong matatakot na pumunta ang mga regular nilang bisita at Kliyente.

Hiningi ni Greg ang  contact number ko para mabalitaan  pa nila ako ng iba pa nilang mga kuwento ng kababalaghan sa lugar na iyon.   Nagbiro pa nga sila. “Sana, maipalabas rin sa Wag kukurap’ yung mga  multo rito sa island…

Bandang alas -9 ng gabi nang makarating ako sa terminal ng bus,  Sa loob ng apat na oras, makakabalik na ako sa Maynila.

Habang nasa biyahe, tinatanong ko ‘yung sarili ko. Bakit nga ba  hindi na ako nag-overnight?

Isa lang naman ang dahilan eh…. natakot ako.

Leave a Reply