SUMAMA KA….

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Hanggang  saan ang pagmamahal ng lola  sa paboritong  apo?

Sabi nila, ako raw ang paboritong apo ni lola. Palaging ako ang naalala niyang pasalubungan kapag namamasyal sila ni Lolo.  Naging  maselan daw kasi ang panganganak ng mama ko. Isang linggo ako sa incubator noon at talagang  swerte daw na naka-recover agad ako.

Magaling manahi ang lola. Palagi niya akong tinatahian  ng mga damit. Paborito rin niyang libangan ang  mag-gantsilyo.

Sa Amerika nagtatrabaho ang tatay ko kaya kami  lang nina Mama  at ng mga tiyahin ko ang magkakasama sa lumang bahay na ‘yon.

Anim na taon lang ako noon nang mamatay ang lolo. Talagang  nalungkot ang pamilya.  Kung gaano katindi ang iyak ni lola,  ganoon din katagal ang panahon bago manumbalik ang  dati niyang  sigla.  Naging  sakitin na rin ang lola  simula noon.  Narinig  ko din na nag-a alta presyon  daw siya  palagi  at kadalasan  ay hindi na makatulog  sa gabi.

Na- confine ang lola sa ospital dahil sa mga sakit niya. Hanggang  sa dumating  ang araw na inuwi na siya ulit  sa lumang bahay  kung saan  kami nakatira.  Kahit na bata pa lang ako noon, alam ko ang  nangyayari.  Malubha na rin ang kalagayan ng lola.  Alam ko ‘yun dahil hindi na siya  makabangon  sa kama.  Hindi na  rin niya  ako binabati. Wala  na ang  dating sigla sa kanyang mukha.

Sabi ng mga tita ko,  marami na raw komplikasyon ang lola.

Nalungkot ako.  Sobrang bait pa naman ng lola.  Hindi ako sanay  na  makita siya sa  ganitong kalagayan.  Pumapasok ako minsan sa kanyang  kwarto para makipagkuwentuhan pero tulog  siya palagi  kahit sa araw.

Araw ng linggo noon.  Natatandaan ko dahil  maagang nagsimba  ang mga tita ko  kasama si nanay. Ako lang  ang naiwan sa bahay at si  lola.  Papunta ako sa sala  para kunin ko ang barbie  doll ko  nang may makita akong babae na nakaupo sa sofa.

“Lola!”  sabi ko. Tuwang-tuwa akong tumakbo papalapit sa kanya  Hindi ko lubos maisip kung papaano lumakas ang lola ko at nakabangon siyang mag-isa. Mahigpit din ang yakap sa akin ng lola.   Alam ko na  na-miss niya ang mga  kuwentuhan namin mula nang  maging sakitin siya.

“Kumusta ka?”  tanong ng lola sa akin.

“Mabuti po.  Wala po sina  Nanay en,” sabi ko sa kanya.

“Alam ko. Mamaya pa ang balik niya, di ba?”

Nagtataka ako dahil napakalamig ng lola. Sa bagay, may aircon kasi sa kuwarto niya. Pero ang alam ko, nakasarado ‘yun  dahil nirarayuma siya kapag malamig sa kwarto.

“Halika, sumama ka…”

“Sa’n po ‘lola?”

“May bibigay ako sa’yo, kaso nasa kwarto ko eh,” aya ng lola.” Sige po,” sagot ko sabay sunod sa kanya dahil excited ako. Pero  sa likod ng isip ko, saan naman kaya kumuha  ng pasalubong ang lola  samantalang hindi naman siya  lumalabas ng kwarto niya sa loob ng isang buwan?

Nakatayo na ang lola. Tumayo na rin ako. Akay niya ako sa isang  kamay at nagsimula na kaming umakyat sa mataas na hagdan ng lumang  bahay na’yon. Nang makarating na kami sa taas, biglang humulagpos  ng hawak sa akin ng lola.

Hindi ko na alam ang nangyari.

Nang muli kong idilat ang aking mata,  nasa tabi ko na ang Nanay  at ang tiyahin ko.  Umiiyak ang nanay. Kahit  na nanghihina ako, nakita ko ang dextrose sa gilid ng kama. May benda ako sa ulo. Hinanap  ko ang lola.

Hindi sila  sumagot. Nasa ospital ako. Nahulog  daw ako sa taas ng  hagdan habang naglalaro ng barbie doll.  Kasama ko raw  nahulog ang manyika.

Nasaan ang lola?

Tanong na hindi nila agad nasagot.

Umuwi na kami sa bahay nang magaling na ako. Pansin ko, ang daming tao sa bahay namin.  Maliwanag ang ilaw.  May kabaong. Ang lola, pumanaw na.

Namatay daw siya ng linggo ng umaga matapos  na umalis  ang nanay at ang mga tita ko para magsimba.

Leave a Reply