SANDY

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

By:  Sharron R.  Navera

 

Ang sumusunod na kuwento ay mula sa  isang e-mail ng aking  kaibigan na si  Christina.  Dati ko siyang  kasamahan sa trabaho sa isang  mall,  ngayon nasa abroad na siya.  Enjoy!

Nagtatrabaho ako sa  isang resto-bar sa loob ng isang malaking  mall dito  sa Hongkong. Sa tiyaga ko,  naging manager  at simula  noon,  bawat  at araw masaya akong pumapasok.

Ilang araw pa lang ako  na-assign sa bagong branch  sa may  Kowloon  Bay.  Kakabukas  pa lang namin ng restaurant nang may umupo  kaagad na babae  sa dulong bahagi ng dining  area sa aming mga table-couches. Lumingon-lingon ako kasi halos  kakabukas ko pa lang ng pinto at may chimes ito para tumunog na indikasyon na may papasok na  tao.  Nagtaka ako na hindi ito tumunog.

Nakatitig siya sa isang direksyon, doon sa may kitchen side. Pinalapitan ko sa waiter  ang babae para kunin ang order. Hindi kumikibo ang babae at halos ten minutes na ang  waiter sa table pero wala itong  imik.  Politely,  nagpaalam ito na tawagin na lamang  siya kung  handa na  mag-order ang babae.

Unti-unting napuno ang restaurant, pati ang lugar  ng babae ay  may nauupo na rin.  Inisip namin na may mga kasama siyang kaibigan  na  hinihintay niya. Pero hindi pa rin ito gumagalaw sa kinakaupuan.

Ang itsura niya ay siyempre,  Chinese at ang buhok niya ay  lagpas ng balikat. Nakaputing pangtaas at itim na palda  na parang  papasok sa opisina  o sa eskwelahan. Hindi naman siya matangkad at mukhang  dalaga na inosente ang mukha. Malalalim lang ang mga mata niya  na parang  hindi nakakatulog  ng mabuti.

Nang may tumabi sa kanya,  natuwa ako dahil may kasama na siya.  Pinalapitan ko ang waiter sa kanila para kunin ang order. Nagtaka ako na  ang waiter ay pumapadyak na parang naiihi, halos madaliin  na niya  ang pagkuha ng order na karaniwang ikinaiinis ng mga customer.

Nilapitan ko siya  at nanginginig siya sa takot,  halos magkulay papel ang mukha. Tinanong ko kung anong nangyari sa kanya.  Hindi ko maintindihan ang sinabi niya, itinuturo lang niya mesa kung saan nakaupo ang babae.  Para hindi mahalata na may tinitignan ako, nagdala ako ng tubig.

Ngunit paglapit ko, nakita ko na lang na ang bag ng customer ay nakatagos sa loob ng babae …. multo pala siya.  Nagulat ako sa nakita ko  at pinagsabihan ang mga kasama ko na kunwari wala silang nakikita.

Pagkatapos kumain ng mga customers,  tumayo sila at umalis. Sinilip namin kung ang multo ay nasa mesa pa, naroon pa rin. Nagsuggest ang isa naming kasamahan na lagyan ng “reserved sign” ang mesa para wala nang umupo.

Mga bandang 6 pm nawala ang multo, lahat kami nakahinga ng mabuti.  Hanggang nakauwi kami.  Kinabukasan, natagpuan ko ang aming cook at mga helpers niya sa dining area. Mga mukhang galit. Nilapitan ko at sabi nila, lahat ng pagkain ay napanis pati ang bagong deliver ng umaga ay nasira,  ang iba ay inuuod.

Agad na pinuntahan ko ang kitchen at na-confirm ko nga.  Tiningnan  ko ang refrigerator kung sira,  pero in good condition naman,  Agad na tumungo ako sa mall engineering, sabi nila  na ipinatawag  din sila ng cook namin at nakitang wala naman diperensya  ang wiring.

Napaupo ako at nagisip kung anong magandang sabihin sa may-ari ng bar. Ipinasara muna ang resto para makakuha ng mga bagong  stock.  Habang naglilinis kami ng kitchen, biglang may nag-crash  mula sa loob ng dining area.

Nagulat kami na nahulog lahat ng alak  na nasa bar. Hinanap ko  ang bartender, nakita kong kasunod ko lang siya. Ininspect namin ang shelves pero yari ito sa kahoy kaya impossible na mahulog lahat ito.

Paglingon namin, nakita namin ang isang babae  sa may pintuan at namumutla.  Nagulat kaming makita ang may-ari ng tindahan, nagpakuha ako agad ng tubig at pinaupo ko muna siya.

Pinaypayan siya ng mga waiter at nang mahimasmasan, sinabi  niya na  nakita niya  ang mga bote ng alak na parang may humawi mula sa shelves, lumilipad ang iba.

Habang  inaayos namin ang kalagayan  niya,  biglang nag-on  ang radio na ubod ng lakas. Pinuntahan  ito ng isang waiter at sinara.  Hindi pa man siya nakabalik , bumukas ulit.  Hinanap niya ang  plug pero  nakita niya na hindi ito nakasaksak.

Sabi ng may-ari, may multo  sila sa restaurant. Ikinuwento namin  ang nangyari kahapon at dinescribe  ang itsura nito.  Nagulantang siya at itinuro na  ‘yun ang babae na may-ari ng dating tindahan ng sapatos at dating nag-occupy ng space namin.

Ang kuwento daw ay nagpakamatay ang babae dahil ang boyfriend niya, na pakakasalan niya, ay nagkaroon ng relasyon. Isa rin sa kasosyo nila sa business ang lalaki.   Kinabukasan  nakita na lamang ito na tumalon sa condominium.

Habang nagkukwento ang amo namin,   nagtatakbo ang isa namin cook at sinabi na  lumilipad ang kanyang mga gamit.  Pinuntahan ko kaagad ang kitchen,  nakita ko ang plato at kaldero na unti-unting nalalaglag.

Kahit natatakot ako sinigaw ko ang pangalan niya at sinabing  tigilan na iyon.  Biglang tumahimik ang kitchen. Naramdaman ko ang  pagdaan niya,  napakalamig ng hangin at tumaas ang buhok ko sa  batok.

Sinundan ko siya at sinabing magpakita siya. Nasa dining  area siya nang biglang namatay lahat ng ilaw. Naramdaman ko ang galit niya.

Agad na  nagpatawag ng monk ang may-ari namin at pina-bless ang lugar. Halos isang taon din ang nakalipas at maayos  naman ang restaurant namin.  Pagpasok ko ng pintuan, masaya ang mga kasamahan ko dahil  may malaking booking  ang naka-schedule sa gabi, may mga matataas na katungkulan sa  gobyerno  ng China  ang darating.

Naglilinis ako ng mga kutsara at tinidor nang kinalabit ako ng  isang waiter, tinuro niya ang couch table…

Ang babae na naman!

Tumakbo ako sa kitchen at sinabihan ang lahat na ilabas kaagad   ang lahat ng pagkain at ilipat sa isang bakanteng unit ng mall. Tinawagan ng assistant ko ang may-ari  at agad na pinayagan kaming ilipat sa ibang lugar ang pagluluto.

Kinuha ko lahat ng lakas ko at itinago ang takot ko. Umupo ako  sa harapan niya at tinanong kung ano ba talaga ang  kailangan niya.  Nanlilisik  ang mga mata niya na tumingin sa akin. Pasigaw na pinagsabihan ako na ayaw daw niya ng maingay….

Pinaliwanag ko ang sitwasyon niya at ang lugar namin ngayon,  Bigla siyang sumigaw at pumutok  lahat ng ilaw. Inisip ko na  baka may mensahe siya na gusto iparating. Umupo ako sa kanyang kinauupuan. Tiningnan ko ang kanyang tinititigan, isang  tindahan ng mga chocolates ang nasa harapan ng restaurant namin.  Ilang sandali lang dumating ang amo namin.   Nagulat siya na ako rin ay nakatitig sa lugar ng multo. Lumapit siya sa   akin at ginulat ako.

Tinuro ko ang tinititigan ng multo sa upuan na iyon.  Tumayo  ang amo at nagpunta sa tapat na tindahan. Maya-maya ay bumalik  siya sa akin, naka-ngiti hanggang tenga. Pinatawag niya lahat ng staff at tuwang tuwa na sinabi na ang  may-ari ng tindahan ay ang kasintahan  ng babaeng multo. Alam ko na  ang ikinagagalit ng multo.   Inimbitahan namin ang may-ari ng tindahan ng chocolate at ikinuwento namin ang nangyayari sa restaurant. Biglang sumabog ang lahat ng ilaw, buti na lang sarado pa ang restaurant ng mga panahon na iyon.

Biglang lumipad lahat ng table napkins at kutsara. Nagpakita  ang babae sa dulo ng restaurant.  Nanlilisik ang mga mata at sumigaw, halos mabasag ang pintuan at mga baso.  Nang biglang umusog ang  couch-table na lagi niyang inuupuan, nakita namin ang isang maliit  na butas sa ilalim. Binuksan ko at nakita ko isang papel na naninilaw na,  may mga litrato pa nilang magkasintahan.

Binuksan ko ito,  nakasulat sa Chinese at inabot ko sa amo ko.   Nanlaki ang mata niya at sinabing isa daw ‘yung katunayan na may  malaking halaga ng pera ang nasa isang bangko sa Kowloon.

May nalaglag na maliit na papel at may nakasulat na numero  ng telepono. Tinawagan ng lalaki at sinabing sa kanya nga ang pera.  Share ng babae ‘yun sa negosyo nila bago ito nawala.

Napaupo siya  sa silya at biglang umiyak. Hindi niya kagustuhan na  hiwalayan siya,  pero ang negosyo ng kanyang ama ay unti-unting  nalulugi na,   kaya nagpasya ang magulang niya na i-arrange marriage  siya sa kasosyo nito.

Masakit sa loob niya ang nangyari.  Kaya hindi niya sinabihan  si Sandy, ang kanyang girlfriend. Bigla niyang iniwan ang negosyo nila  at dahil  sa pagmamahal niya, nag-invest siya sa isang bagong negosyo  at itinapat sa dating tindahan nila.  Mahilig sila sa chocolates kaya napagpasyahan na ‘yun na lang ang gawing business.

Isang kamay ang dumampi sa balikat ng lalaki, nakita namin  si Sandy na maayos ang mukha  at ang damit. Masaya siya at biglang  nawala,  naging maaliwalas na rin ang restaurant namin.

January 12 nang  magpakamatay siya kaya mula noon, taun-taon siyang  nagpaparamdam hanggang sa natapos nga ito  ng magkaayos  na sila  ng dati niyang kasintahan. Pinalitan ng pangalan ang  tindahan ng chocolates  sa harapan namin.   Pati sila umunlad  ang negosyo.

Leave a Reply