REBULTO

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Ang misteryong bumabalot sa isang……

REBULTO

Kaka-graduate ko pa lang ng college. Sa isang  pribadong  kumpanya sa  Quezon City ako unang nagtatrabaho. May kalumaan na  ang building namin.  Sabi ng mga kasamahan ko,  1960s pa raw nang  itayo ang gusaling iyon.

Halos  puro training kami noong mga unang buwan ko sa  kompanya.

Ang daming dapat na matutuhan. Ganoon pala talaga. Kahit  na masipag kang mag-aral sa klase  noong  estudyante ka pa, parang  back to zero ka kapag nagtrabaho ka na sa isang kompanya. Iba talaga  ang actual na trabaho dahil  aplikasyon na ito ng lahat ng natutunan mo.

Medyo  pressured ako dahil probationary pa lang ang status ko.  Balita ko pa naman  na medyo  strict daw ‘yung boss namin.

Naaalala ko palagi ‘yung sinasabi sa akin ng ate ko.  Matuto raw akong makisama sa mga ka-officemates ko.  Okay lang daw  makipagkaibigan, pero ‘wag daw masyadong magtitiwala.  Hindi mo  rin daw kasi kabisado ang ugali ng mga kasama mo. Dapat daw maging  maingat ako sa pagbibigay ng comment dahil baka iba ang makuhang interpretasyon ng iba at mapasama pa ako.

Manager ang ate ko  ng isang kompanya sa Makati. Dapat lang na  sundin ko ang mga payo niya  dahil iba talaga sa corporate world. Minsan  tuloy,  naiisip ko  kung bakit hindi na lang ako sa kompanya ng ate ko  pumasok.   Sigurado pa ako na may koneksyon ako sa loob ng office. Kaso mahirap din. Iba na rin kasi ‘yung sariling sikap at diskarte.

Basta ang alam ko lang, kailangan  kong pagbutihin ang trabaho ko.  kailangan kong makinig  nang mabuti at aralin ang  mga duties ko. Para maregular ako after five or six months.

Marami  kaming trabaho noong linggong iyon. Magkakaroon kasi ng annual meeting  ang mga  stock holders ng kompanya. Isa pa, may mga reports na hinihingi ang boss ko,  na isa sa may mataas na posisyon sa kompanya na ‘yon.

Walo kami sa department.  At ako ang pinakabata.

Araw ng Miyerkules.  Naka-leave ang dalawa sa mga ka-officemates ko. Kailangan pa naman ‘yung  mga ginagawa nila. Tinawag ako ng secretary ng boss ko. Ako na lang ang tumapos ng mga pending works ng dalawang kasama kong naka-leave.

Medyo kinabahan ako. Siguro dahil nga  baguhan pa ako.  No  choice.  Kung sa bagay, hindi naman siguro nila ipapagawa sa akin ‘yun kung wala silang tiwala.   At isa pa, chance ko na rin naman para magpakitang-gilas.

Sabi nga ng ate, dapat ko raw husayan para ma-impress ko ang  mga supervisors ko.

Okay. Medyo 30 minutes akong nasa  orientation kung paano ko  makukuha ‘yung statistics na dapat ilagay sa report. Buti na lang  at favorite ko ang computer.  Medyo forte ko kasi  ang MS Excel. Dito ko  raw dapat  ma-input ‘yung data.

Pagkatapos ng statistics, slide, presentation naman ang sinunod kong gawin. Mabuti na lang at magaling  magturo ‘yung secretary ni boss kaya naman  naintindihan ko agad ‘yung  format ng report. Report ‘yon for the last three months kaya medyo mahaba ang gagawin ko.

Napansin kong alas-sais na pala ng gabi.  Pero wala pa sa kalahati ng trabaho ang nanatapos ko.  Medyo nakakabagot na rin pero kailangan  kong magtiyaga para matapos ko ‘yung report.

Lumipas pa ang isang oras.  Tumayo muna ako mula sa cubicle  para kumuha ng tubig sa pantry.   Napansin ko, dalawa na lang pala  kami ng secretary ni boss na naiwan.

Medyo nangangawit na ang mga binti ko kaya naglakad-lakad  muna ako  sa hallway.  Medyo blurred na rin ang ilaw sa opisina dahil  konti na lang ang mga empleyado nag-o-overtime.

Papunta ako sa restroom. Nasa second floor kami at nasa dulo ng  hallway ang CR para sa mga babae. Habang naglalakad ako,  nararamdaman ko na unti-unting lumalamig ang paligid ko. Hindi ko  maipaliwanag  kung bakit parang tumatayo  ang balahibo ko. Parang  may mga matang nakatingin sa akin.

Huminto ako sa paglalakad at dahan-dahang lumingon sa aking  likuran.   Wala naman akong nakita kaya diretso lang ako  sa paglalakad. Hanggang sa bigla na lang akong  may naamoy na kakaiba. Parang  isang lumang perfume na amoy  bulaklak na hindi ko maintindihan.

Ilang sandali  pa at may narinig akong  yabag ng mga paa.  Lumingon  ulit ako pero wala namang taong sumusunod sa akin.

Pagkatapos kong tumungo sa CR, Pabalik na ako sa working area  namin.  Habang naglalakad, napansin ko ang isang puting rebulto ng matandang lalaki sa gilid ng stairway.  Hindi ko alam  kung anong meron  sa rebulto  na ‘yon  pero nilapitan ko pa rin ito.  Dahan-dahan akong  lumapit habang unti-unti namang bumibilis  ang tibok ng puso ko sa takot.

Kinilabutan ako nang sobra sa aking natuklasan. Sa rebulto  nanggagaling ang pabango! Parang kaka-spray lang ng pabango dito.  Napadaan din naman ako sa stairway kanina pero  wala naman akong  naamoy.

Naisip ko, bakit naman lalagyan ng pabango ang rebulto ng ganitong oras? Wala namang security  guard o janitor sa second floor.

Nakapagtataka.

Pero sigurado ako, doon talaga nanggagaling ang amoy.

Binasa ko ang pangalan ng rebulto.  Isa pala siyang doktor at sa  kanya ipinangalan ang building na ‘yon. Dati palang hospital ang gusali. Ang matandang doktor na lalaki ang may-ari ng gusali.

Hindi ko alam kung bakit ako sobrang kabado ng mga oras na ‘yon. Dali-dali akong tumakbo papunta sa working area. Nakahinga ako nang malalim dahil naririnig ko na nag-ta-type pa sa computer  ang secretary ng boss.

Medyo may kalayuan ang area ko  sa cubicle  ng secretary pero  naririnig ko pa rin  ang diin ng pagta-type  niya sa keyboard ng PC. “Buti na lang may kasama pa ako,” sabi ko sa sarili ko.  Talagang hindi na ako mag-o-overtime sa office na ‘to nang ako lang mag-isa. Balik ako sa tinatapos na report. Ilang minuto lang  ang lumipas,  bigla ko na namang naamoy ang pabango  sa loob ng kwarto! Para akong duwag na dali-daling tumakbo papunta sa area ng secretary ng boss ko.

Muntik na akong mawalan ng malay  nang makita ko na wala ng  tao sa cubicle niya. Off na ang PC niya!

Sino ang pumipindot ng keyboard kanina? Saan galing ‘yung  pabango?

Kinabukasan,  nag-resign na ako.  Nagsumbong ako sa ate ko at  tinulungan na lang n’ya akong makahanap ng bagong trabaho  dito sa  Makati.

Leave a Reply