PAMAMAALAM

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

By:  Amelia G. Lince

Matagal na kaming magkaibigan ni Ron. Pareho kaming anak-mahirap kaya naman high school pa lang kami  ay nagtatrabaho na kami sa isang malaking bakery sa palengke.  First year high school pa lang  kami nag umpisa sa bakery ni Mr. Gonzaga.  Biyernes, Sabado,  at Linggo ang pasok namin. Nagmamasa kami . Noong una  ay hindi  kami marunong, pero mabait si Mr Gonzaga. Tinuruan niya kami para  daw hind lang kami tindero ng mga pandesal sa umaga.  Para daw kahit  papaano ay may marating kami.  At balang araw daw, pwede rin kaming  mangarap na  makakapagtayo  kami  ng sariling naming bakery.   Pareho kaming mabait ni Ron.  Komo sanay kami sa hirap ay wala  kaming alam na gimik. School, trabaho, at bahay lang ang pinupuntahan  namin.  Kapag birthday namin, may pa-bunos sa amin si Mr Gonzaga, pampanood daw ng sine o kaya pang-jollibee namin.

Nung third year highschool na kami,  biglang nagkasakit si Ron. Lagi siyang madaling mapagod at hinihingal. Nagsisikip din ang dibdib niya.  Pero hindi niya pinapansin ‘yun. Hindi rin niya sinasabi sa mga magulang niya. “Kay  Mr. Gonzaga mo sabihin para mapa-check up ka niya,” sabi ko sa kaibigan ko habang nasa panaderya kami at inaatake siya ng matinding pagod. “Wag na. Natural lang ‘to Syempre, hindi biro-biro ang magmasa ng  harina ano?”  “Baka kung ano na ‘yan. Baka maysakit ka sa puso!” natatakot kong  sabi. “Sakit sa puso? Timang ka pala eh!  Eh ang lahi ng mga kamag-anak ng tatay ko , sakit sa cancer sa buto.  Kay nanay naman, diabetes. Eh saan  ko naman makukuha ang sakit sa puso?” natatawa niyang sabi.  Pagkatapos ng usapan na ‘yun ay hindi na niya  nabanggit  pa ang tungkol sa madali niyang pagkapagod . Hindi ko na rin siya nakikitang hinihingal. Normal na ang lahat.  Nakatapos kami ng third year high school. Napag-usapan namin na lalo kaming magsisipag sa pagtatrabaho sa bakery at sa pag-aaral. Magpo-fourth na kami, at sabi ni Mr. GOnzaga, tutulungan pa rin   niya kami ni  Ron  hanggang sa mag-college kami.   Isang biyernes ng gabi , buwan ng Abril, parang namumutla si Ron . Imbes na alas otso ng gabi pa kami  umalis sa panaderya, nagsabi siya na mauuna na siya . Sabi niya giniginaw siya, parang lalagnatin. Nang  idikit ko ang palad ko sa leeg niya, mainit siya. May sinat nga. Pumayag  naman agad si Mr. Gonzaga. Maya maya pa ay nakita ko siya na nasa  panaderya  pa rin.  Akala ko, nakaalis na siya  sa panaderya. Hindi pa  pala. “O bakit nandito ka pa?” tanong ko.  “Hindi, aalis na nga ako eh. Sige, alis na ‘ko, Inggoy,” sabi niya. Iyon  ang mas madalas na tawag niya sa akin, hindi Iggy. At kadalasan rin , Inggoy-goy  kapag gusto niyang mang -asar sa’kin.

“Sige, Bukas kapag masama pakiramdam mo , ‘wag ka muna  pumasok,”bilin ko. “Sige.”

Natapos ko  na lahat ng pagsalansan sa tray ng mga harina na  gagawing ensaymada nang may humawi ng kurtina sa pinto.  “O, ba’t nandito ka pa?”

“Hindi, alis na ako, naiwan ko lang ‘yung labakara ko sa tindahan,” sabi niya. “Sige, Iggoy!”

Tatlumpung minuto nalang at mag a-alas otso na.  Pwede na akong   umuwi, sa isip ko.  Pero bigla kong narinig ang pagtatawanan nina Ron  at Myrna, pamangkin ni Mr. Gonzaga na tumutulong sa pagtitinda sa  bakery. Langya! ‘Di pa rin pala umuuwi ‘to! sabi ko sa sarili ko. “Oy Ron!”   Sumilip ako sa hinawi kong kurtina at napalingon sila ni Myrna. Malayo ang agwat nila sa akin pero nagkakakitaan kami.  “Hintayin mo na ‘ko!”  sabi ko. “Hindi, uuwi na ‘ko! sabi niya.  At tumayo siya. Nakita kong nag high five pa sila ni Myrna at lumabas na siya sa pinto ng tindahan.  “Una na ‘ko Iggoy-goy,” sabi niyang gusto pang mang asar.”Sige!”sigaw ko.

Kinabukasan , Sabado, alas otso ng umaga,  umiiyak ang nanay ni  Ron, si Aling Adel, nang pumunta sa bahay. Natataranta ako sa reaksyon ng matanda. “Patay na ang kaibigan mo, Iggy! Patay na si Ron!” malakas na  sigaw niya.  Pati ang mga magulang at kapatid ko ay nagulat, nagkumpulan kami  kay Aling Adel. “Paggising ko, wala na siyang malay kaya dinala agad namin siya ng kuya niya sa ospital. Pagdating sa ospital, sinabi ng mga doktor  na anim na oras  na raw siyang patay.   Inatake  siya ng sakit sa puso.”

Kinilabutan ako. Tama pala ang nasa isip ko, kapag nagsisikip ang paghinga ay pwedeng may sakit sa puso. Wala akong masabi. Ayaw bumuka ng bibig ko.  Kaya pala parang hindi siya makauwi-uwi kagabi. Parang  nagpapaalam siya ng mabuti sa akin! Sa burol  ng kaibigan ko ay nalaman ko sa mga kaklase namin na  marami siyang paramdam na aalis na siya.  Sabi daw niya,  pwede na  ang naabot niya- third year. Marami na rin daw siyang natutunan na kaalaman. Sabi pa raw niya, sana maranasan rin niyang  magkagirlfriend, pero puro crush lang kasi siya kaya tiyak na raw niyang hindi  siya magkakagirlfriend.  Sabi naman ni Myrna, panay ang hawak ni Ron  sa kamay niya  nang gabing masaya sila sa tindahan.  Okey lang naman  kay Myrna  dahil parang nakababatang kapatid ang turing niya kay Ron.  Sabi naman ni Mr GOnzaga,  sa akin na lang raw nito gagastusin sa  pagka-college ko ang perang para sana kay Ron. At ‘yung dalawang kapatid niya,  sina Moi at Lili,  ay binigyan niya ng pinakapaborito  niyang t-shirts. Kasukat niya kasi ang mga ito. At kay Lani naman, binigay  niya ang tsinelas niya na  kabibili lang pero nagamit na.  Gusto kong sisihin ang kaibigan ko. Kung bakit inilihim niya   sa mga magulang niya ang nararamdaman niya.  Kung bakit hindi  niya pinapahalagahan ang kalusugan niya. Siguro, ayaw na rin niyang  mamroblema ang mga magulang niya. At ayaw niyang mahirapan sila.

Marami pala talagang  paraan ng pamamaalam ng isang taong malapit  nang mamatay.  Nagpaalam ang kaibigan ko maayos  sa mga taong mahal niya sa buhay.  2004 pa nang mawala si Ron. College na ako at  sinusuportahan parin ni Mr. Gonzaga ang pag-aaral ko.  Nararamdaman ko pa rin ang espiritu ni Ron lalo na kapag nasa panaderya ako at ang oras ay alas sais ng gabi  hanggang alas-otso-‘yun kasi  ang pasok namin sa panaderya.

Leave a Reply