MANONG REY

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Hanggang saan mo kayang tulungan ang isang taong nangangailangan?

Isa akong empleyado  sa isang pribadong kompanya sa Makati. Maaga akong dumating sa opisina ng araw na ‘yon. Marami kasing  trabaho  na dapat tapusin. Isa pa, maaga talaga  akong umaalis ng bahay para maka-iwas trapik.

Wala pa halos tao sa opisina nang dumating ako. Binuksan ko muna ang PC bago  ako pumasok sa pantry para magtimpla ng  Kape.

“Good morning, Sir!” bati ni Manong Rey. Siya ang janitor na naa-assign sa fifth floor.

“Good morning, Mang Rey. Ang aga natin, ha, “sagot ko.

“Siyempre naman po. Kailangan maayos na maayos ang office bago  magdatingan ang iba pang employees.”  Pakli ni  Mang Rey habang  sinisilid ang basura sa black bag. Hindi na lingid sa akin kung gaano talaga kasipag si Mang Rey. Bukod sa pagiging janitor, nahihingan ko pa ito ng ibang pabor,  lalo na kapag magpapabili ako ng pagkain  sa mga “jolly-jeep” sa kabilang kanto. Minsan din ay napakiusapan  ko siya na maghulog ng sulat sa Post Office kung sakaling mapapadaan siya sa Buendia.

Isang simpleng  tao na dedicated sa kanyang hanapbuhay, si Mang Rey ay mahusay din talagang makisama kaya naman maraming empleyado ang natutuwa sa kanya.

Ilang minuto  pa ang lumipas at nagdatingan   na rin ang mga  officemates ko. Oras na ng trabaho. ‘Di nagtagal at lunch break na at gaya ng nakasanayan na,  nagpabili na  lang ulit  kami ng mga kasamahan ko ng pagkain kay Mang Rey.

“Okay talaga si Mang Rey, Madaling mapakiusapan.” Sabi  ni Wally, habang nag-bro-browse ng Internet sa tabi ng cubicle ko.

“Oo nga eh. ‘Di gaya nung mga  naunang janitor dito na ‘pag inutusan mo, nagdadabog pa, “sagot naman ni Raymond na isa  sa mga encoder namin.

“Hindi lang ‘yon, Minsan nga,  sa kanya ko na rin  pinapa-shred ‘yung mga lumang papeles at mga kontrata na dapat nang itapon,” sagot ko.

‘Di nagtagal  at dumating si Mang Rey. Dala-dala niya ang mga pagkaing pinabili namin. Bakas ang pawis sa  noo ng janitor  dahil malayu-layo rin kasi ang nilalakad nito sa pagbili ng lunch naming magkaka-opisina. Nagsimula  na kaming kumain.

Isang araw, maaga ulit ako dumating sa opisina. Katulad ng dati, maaga akong umalis sa bahay dahil siguradong trapik na naman lalo na’t Lunes pa. At gaya ng dati, ako pa lang ang tao sa opisina.

Pagka-switch-on ko ng computer,  nag-browse muna ako ng Yahoo at Friendster. Maaga pa naman kaya okay lang. Pagkaraan pa ng  ilang minuto,   nakaramdam ako ng panlalamig ng sikmura. Maaga pa kasi tapos medyo malakas pa ‘yung aircon. ‘Di kasi ako nag-aalmusal bago umalis ng bahay. Kape nalang sa office, okay na. Bahagi na rin  naman ng diet ko ‘yun. Dumiretso ako sa pantry.

Nagtataka lang ako dahil dati-rati, nandoon na si Mang Rey. Wala  ring tao, kaya nagtimpla muna ako ng Kape. Nang ilalagay ko na ang  creamer, nag-amoy araw bigla sa loob ng pantry, na para bang may kasama ako na nanggaling sa init o sa kalsada.  Parang may isang taong  amoy-pawis, hindi ko maipaliwanag.

Napalingon ako. Sabi ko na nga ba eh. “Mang Rey, nandyan ka na pala.  Hindi ko  man lang napansin na nakapasok kayo sa pantry.”

Pero tumingin lang siya sa akin; walang kibo.

“Kape tayo?” alok ko.

Tumango lang siya ng bahagya. Nakatitig lang sa akin  na para  bang ang lalim ng kanyang iniisip. Naisip ko na lang na baka naman  may problema siya sa kanyang pamilya o baka naman kapos sa  panggastos. Minsan kasi,  naikwento niya sa akin na kinukulang pa  ang suweldo niya sa agency dahil marami siyang anak na pinag-aaral.

Mabilis ang naging desisyon ko. Kaka-receive lang namin ng mid-year bonus.  Mahabang panahon na rin naman na napakinabangan si Mang Rey. Maging sa mga personal na pabor na hinihingi ko sa kanya.  Wala naman sigurong masama kung bigyan ko nang kaunting  pa konsuelo ang katapatan at ang pakikisama niya sa akin at sa mga ka-opisina ko.

Ewan ko nga ba pero bumunot agad ako ng limang daang piso sa wallet ko  at inabot ko sa kanya. Kinuha naman niya ito at ngumiti sa akin. Pansin ko na parang may luha sa kanyang mga mata pero hindi na ako nagsalita. Alam ko naman kasi na talagang mahirap ang buhay sa Maynila.

Umalis na walang imik si Manong Rey. Bumalik na rin ako sa  cubicle ko.  Nag-online muna ako sa Yahoo Messenger. On-line na rin pala si Wally at mukhang kakarating lang din niya. Nag-pop-up ang message sa akin, galing kay Wally.

Wally:  pare,  nabalitaan mo na ba yung nangyari?

Ivan: nangyari kanino???

Wally: sa janitor natin

Ivan: Sino? mang Rey?

Wally: yup!

Ivan: ano nangyari sa kanya?

Wally: 🙁

Ivan: ano nga?

Wally: inatake kagabi habang  nag-oovertime  sa paglilinis ng office natin.

Hindi agad ako nakasagot. Para akong tinusok sa dibdib. Nalito ako at, oo,  kinilabutan.  Tumakbo ako papunta sa cubicle ni Wally.

“Anong sabi mo Pare?’

“Sabi ko, namatay na si Mang Rey kagabi. Matigas na nang  makita  ‘yung katawan sa pantry. Atake raw. Nakakabigla nga eh. Isipin mo sa loob pa  ng pantry namatay!”

Di ako nakapagsalita.  Parang  nanlamig ang buong katawan ko. Tumayo ang mga balahibo ko.  Hindi ako makapag-isip ng maayos.

Sino ‘yung nakita ko kanina?

Buhay na buhay pa si Mang Rey pero hindi na siya nagsalita. Bakit siya nasa pantry na parang sobrang lungkot? Bakit awa ang naramdaman ko kanina sa kanya,  gayong wala naman siyang  hinihinging tulong?

Na-anticipate ko kaya na dapat akong magbigay ng abuloy? Kaya ba siya  biglang nakapasok sa pantry nang hindi ko man lang  namalayan na bumukas ang pintuan?

Ewan.

Kilabot ang  gumapang sa akin ng araw na ‘yon. Sino  ang  maniniwala na nakita ko siya kani-kanina lang? Sa naghahalong takot  at kalituhan, nabitawan ko ang hawak kong tasa ng kape.

KRASSHH!

Nabasag ang tasa. Ako na ang nagligpit ng kalat dahil natakot ako na baka balikan ulit  ito ni Mang Rey para linisin….

Leave a Reply