MAHIWAGANG AKLAT

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Bata pa lang ako ay marami na akong tanong sa mga multo.  Ngunit  sa tuwing kakausapin ko ang mga magulang ko tungkol  dito, hindi  nila ako masagot  nang diretso dahil ayaw nila  ang ganoong usapan sa  bahay. Kinikilabutan daw kasi sila.

Isang araw, nagpunta ako sa isang lumang bookstore. Nakilala  ko ang  matandang babae na may ari ng tindahan.

“Ano ang  kailangan mo?” tanong sa akin  ng  babae.

“Naghahanap po kasi ako ng ghost book…”

“Sabi ko na nga ba.  Isang araw,  isa ‘yan sa magiging propesyon  mo. Isa rin  akong  manghuhula,” sabi pa ng babae.

Hindi ko maintindihan  ang gusto niyang sabihin.  Ilang saglit pa,  inabot  niya sa akin  ang aklat  na kulay itim.  Pinagpagan niya ang  alikabok  sa cover ng libro.

“Ano ang pangalan mo?” tanong niya.

“Christian po,” sagot ko.

“Alam mo, Christian, hindi ko  ipinagbibili ang librong  ito, pero  dahil sa nakikita ko sa mga mata mo, ibebenta ko sa yo  ang aklat na ‘to  sa halagang P500.”

“Ang mahal naman po. Pero sige,  bibilhin ko na rin,” sagot ko.

“Sandali… wag na wag mong titingnan ang huling page ng aklat  na ‘yan, kahit anong mangyari,” ,” nakakatakot na paalala ng babae  habang nanlilisik ang mga mata niya sa akin.

“Ba-bakit po?”

“Basta. Hindi  mo dapat titigan ang huling pahina dahil baka magsisi ka!”

Parang ayaw ko nang kunin ang libro dahil kinikilabutan ako sa sinasabi ng babae na nakasuot ng itim.

“Ano po ba  ang  mangyayari sa akin kapag binasa ko pati ang last page?” muli kung tanong.

“Kung masunurin kang bata, makinig ka sa akin. Mahiwaga ang  aklat na ‘yan…”

Nang makauwi ako sa bahay, inumpisahan kong basahin ang libro. Ipinaliwanag ng aklat kung paano nagkakaroon ng mga kaluluwang  pagala-gala. Marami akong natutuhan.  Sinunod ko ang matandang  babae. ‘Wag basahin ang huling pahina. Pero pagkalipas  ng ilang araw, hindi na ako makatiis.

Pinikit ko ang aking mata, habang  binuksan ko ang last page.

Hindi ako makapaniwala sa nabasa ko.

Nakasulat ang presyo  ng libro: P100.

 

 

Leave a Reply