LAHING ASWANG

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

By: Amelia G. Lince

Hindi gaanong naniniwala si Itoy  sa mga aswang at usaping  kababalaghan. Sabi niya noon sa sarili, gawa-gawa lang ang mga bagay  na’yun ng tao.  Kaya kapag kinukwentuhan siya tungkol sa aswang,   huwag na umasa ang kausap niya na  makikinig siya.  Pero  nabago ang lahat nang pumunta siya sa Tacloban City.  Taong  1968 ‘yun. Edad 25 siya.  Hindi sila nagkasundo ng kuya niya  na siyang kasama niya sa tinitirhan sa Cebu kaya pinigilan man siya ng  nakakabatang kapatid na babae, napilitan siyang pumunta sa  Tacloban, sa Tiyo Rodring niya,  isang matandang binata.  Doon ay naging katu-katulong siya nito sa pag-aalaga ng mga baboy at manok bilang  kabuhayan. Siya rin  ang  naging katulong ng tiyuhin niya sa pagtitinda ng  karne na baboy sa palengke sa bayan kapag nagkatay sila. Buwanan sila kung  magkatay ng baboy.  Sa palengke sa bayan, nakilala niya si Lorie,  anak ng tindera ng isda .  Simple lang si Lorie at ang kasimplehan nito ang naging dahilan kaya  marami itong manliligaw. Pero hindi nito pinapansin ang mga manliligaw dahil ayon rito, sa umpisa lang daw mabuti ang mga manliligaw niya.  Ipinagtaka iyon ni Itoy.  Pero nang lumaon, ang Tiyo  Pedring na rin niya ang sumagot sa maraming katanungan na gumugulo sa isipan niya.  “May lahing aswang kasi ang pamilya ni Lorie, Itoy,” Mahinang  sabi ni tiyo niya minsang nagpapaligo sila ng baboy. Nanlaki ang mga mata niya at gulat na gulat.  Hindi siya makapagsalita. “Namana ang lahing ‘yun sa lola ni Lorie sa tuhod, kay nana Belen.   Ipinamana naman iyon ni Nana Belen kay Aling Nena na anak nito.   Si Aling nena ay lola ni Lorie, nanay ng nanay niya. Pero namatay na ito. Ang nanay niya, si Aling Carmen, kay Lorie isinalin  ang pagiging  aswang nito,” ang mahabang paliwanag  Tiyo Pedring ni Itoy. “H-hooo?”  Hindi agad nagawang makapagsalita ni Itoy. “Yung nanay ni  Lorie,  hindi palakibo. Gusto  lagi nag-iisa. Kapag  kinakausap mo, madalang  ang salitang binibitawan.  At saka  hindi makatingin ng diretso sa tao,”  and dagdag pa  ni Tiyo Pedring. “Sapat na ho ba ang mga bagay na ‘yun para sabihing lahi sila ng  aswang?”  ang tanong ni Itoy.

Natawa si Tiyo Pedring. “Maraming senyales  na sila’y lahing  aswang.  Hindi sila nagsisimba. Kapag may fiesta at prusisyon, hindi  sila sumasama.  Dati,  may bangkay na kalilibing lang, ang bangkay ni Ruben. Kinabukasan , nakitang pakalat-kalat sa sementeryo ang iba’t ibang bahagi ng katawan nito at ang ibang bahagi  ay nawawala. May nakakita kay Aling Carmen  na nanggaling  sa sementeryo isang madaling araw at may bahid ng dugo ang suot nitong damit.”

Matinding kilabot ang bumalot kay Itoy. Pati ang ginagawang  pagpapaligo  sa mga baboy ay naihinto niya. Nananatili siyang nakatayo hawak ang tabo, samantalang si Tiyo  Pedring ay patuloy sa ginagawa.  Parang ordinaryo na lang dito ang ginagawang pagkwento. “At kapag bilog ang buwan, ” pagpapatuloy ni Rodring, “ay nawawala sina Lorie at Aling Carmen.”

“S-saan sila  nagpupunta, Tiyo?”

“Umaalis sila para- marami ang nagsasabi- makapambiktima.  Kaya nga maraming namamatay dito  sa lugar natin na hindi malaman  ang dahilan. Basta nalang nakikita na nakahandusay sa damuhan, at  kulang ibang bahagi ng katawan,” ang  sagot ni Tiyo Pedring.   Hindi na rin makapaniwala  si Itoy.  Maraming pagkakataong  pinag isipan niya ang bagay na ‘yun. Totoo ba o hindi ang kuwento ng kaniyang  Tiyo Pedring?  Pero, para sa kanya , napakaimposibleng gumawa lang ng  kuwento ang Tiyo Pedring niya.  Lumaki ito at nagkaisip sa lugar na ‘yun kaya alam nito ang totoo.   Sa pagdaan  ng mga araw ay lalo pang lumalim ang damdamin ni Itoy  para kay Lorie.  Nakipagkaibigan  siya rito at niligawan niya.  Pero binigo siya nito dahil ayon rito, may napupusuan na itong iba. Akala ni Itoy ay ang mayaman na manliligaw ni Lorie ang siyang nakapagpasagot dito  pero isang kababayan din nila na hindi rin ganun kaginhawa ang buhay  ang siyang maswerteng  nakapagpaibig sa dalaga.

Ikinasal si Lorie kay Gary.  Isang linggo lang ang nakakalipas ay namatay sa sariling silid si Lorie.  Maging ang kanyang nanay  na si  Aling Carmen ay natagpuan ding patay sa sarili  nitong silid.  Ni hindi  man lang naging malungkot si Gary at hindi rin kinakitaan ng pag-iyak. Dalawang araw lang ibinurol  ang mag-ina at saka  umalingawngaw ang isang usapin: pinatay ni Gary ang mag-ina  para mawala na ang lahi ng  mga aswang sa lugar nila.  Sa kasalukuyan  ay lolo na si Itoy ng apat na apo.  Malaki na rin  ang ipinagbago  ng Tacloban City at halos  mabura na sa isipan niya  na minsan siyang nagmahal ng isang babae mula sa  lahi ng mga aswang.

Leave a Reply