KILLER CLOWN

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Mga bata, tayo na sa  circus para makipaglaro sa  isang…

KILLER CLOWN

Minsan sa isang taon kung magdiwang ng piyesta ang mga baryo  sa aming probinsya. At sa piyestang ito ipinagdiriwang ang araw ng mahal na Poon.  Gaya ng mga tradisyunal na pistahan sa ibat’ ibang  lugar,  mayroong mga nakasabit na banderitas sa mga lansangan, mga  samu’t saring pakulo at palaro,  at siyempre ang perya sa mga baryo.

Taong  1987. Pitong taong gulang pa lang ako noon. Natatandaan ko pa ang papalapit na pista sa baryo namin.  Meron na raw peryang  dumating.  Tuwang-tuwa ang mga kalaro ko.  Masarap daw kasing  sumakay sa tsubibo, lalo na sa caterpillar ride.

‘Yung isang kaibigan ko naman,  enjoy-na-enjoy daw siya nang sumakay sila ng Tatay niya sa horror train.  Grabe raw ang takot nila dahil marami talagang “monsters”  sa loob  ng tunnel na dadaanan mismo ng  train.  Nainggit ako sa mga kwento nila.  Hindi kasi ako pinayagan  na sumama sa kanila para pumunta sa lugar na medyo may kalayuan sa bahay namin. Minsan, naiinis ako. Nagtatampo

Solong anak kasi ako kaya medyo  mahigpit sa akin ang mga magulang ko. Sa katunayan, malapit na akong mag-walong taon noon, pero hindi pa rin ako nakakaroon ng kapatid.  Narinig kong minsan na hirap daw talagang magbuntis ang mommy ko.  Muntik na nga raw akong malaglag noong pinagbubuntis niya ako.

At dahil nag-iisa lang akong anak, lahat ng laruan at damit na gusto ko,  naibibigay nila sa akin. Pero hindi naman ako  spoiled eh.

Pagdating sa  pagdi-disiplina, istrikto ang magulang ko. Madalas akong paluin kapag may ginawa akong hindi maganda.  Kaya nga kapag sinabi nila na ‘wag lumayo ng bahay, hindi talaga ako lalayo. Masama kasing magalit ang Daddy ko.

Araw ng Sabado. Pagkatapos  kong manood ng TV, lumapit sa akin ang mommy.

“Samahan mo ako mamaya. Magsisimba tayo.”

‘Opo, Pero ‘Ma, ” di ba every Sunday ang mass?” tanong ko.

“Meron din kapag Sabado ng hapon.  Anticipated mass ang tawag sa ganung misa.  Kaya pagkatapos mong maglaro mamaya,  gumayak ka na, ha? May lakad kasi kami ng Daddy mo bukas kaya ngayon na ako  magsisimba,” paliwanag ni Mommy.

Pagkatapos kong manood ng TV gumayak na ako. Dumating kami sa simbahan bago mag-alas-5 ng hapon.  Ilang minuto pa ang lumipas  at nagsimula na ang misa. Tahimik lang akong nakikinig sa pari, pero iba ang naiisip ko.  Nadaanan kasi namin ‘yung perya kanina. Naalala ko’ yung mga kuwento ng mga kalaro ko. Parang gusto kong  ayain ang Mommy ko doon at sana pumayag siya.

Tapos na ang misa. Naglalakad na kami ng Mommy palabas ng simbahan. Malapit lang ang simbahan sa Perya.

Kinakabahan akong magsalita, “Mommy..” “Yes?”

“Uhhmm… pwede po ba na…”

“…puwedeng ano?”

“Pwede po bang ipasyal n’yo ako sa perya? Kahit sandali lang po? Kasi,  kapag nagkukwento ang mga kalaro ko, wala akong masabi. Hindi  ko pa kasi alam kung anong meron sa loob ng perya eh.” Paliwanag ko na may halong kaba pa rin.

“Yun lang pala eh. Sige,” natatawang sabi ni Mommy.

Siyempre naman,  tuwang-tuwang ako, Sumakay muna kami sa caterpillar ride. Panay ang sigaw ko, Pagkatapos no’n sa tsubibo naman. Nakakalula pala doon pero enjoy  pa rin.  Alam ng mommy ko  na masayang-masaya ako dahil  na -experience ko ‘yung mga ginagawa ng ibang bata.

“Hindi ka pa ba nagugutom?” tanong niya. “Medyo po,” sagot ko.

“O sige, kain muna tayo. Doon tayo, ” sabay turo ni Mommy sa isang food stand.

Kumain kami ng hotdog sandwich. Nakadalawa yata ako. Lalo  akong nabusog sa softdrinks.

“Enjoy kaba?” tanong ng mommy.

“Opo. Thank you po.

“Basta lagi kang mabait at masunurin, siguradong dadalhin kita ulit sa perya,” natatawang pangako ni Mommy. “Saan mo pa ba  gustong sumakay?”

“Isa na lang, Mommy. Doon tayo sa horror train!” pakiusap ko.

“Naku, ayoko yata dun. Parang nakakatakot eh.” Kontra niya.

Halos lahat kasi ng rides nasakyan namin eh.  Hindi ko naman gusto sa carousel kasi parang puro maliliit na bata lang ang nakasakay. Bagama’t nakakatakot, gusto ko  talagang subukan ang horror train.  Siguradong  may maikukuwento na ako sa mga kalaro kapag nakasakay na ko ‘dun.

“Mommy, may mga ibang bata naman pong sumasakay eh. Gusto n’yo po, ako na lang ang sasakay. Hintayin n’yo na lang ako sa exit,” sabi ko habang hinihila ko ang braso ni Mommy.

“Sigurado ka bang kaya mo?”

“Opo. Marami  naman pong nakapila eh.”

“Sige. Hihintayin na lang kita dito ha?”

Pumila na ako. Ilang minuto pa ay lumabas na ang train sa tunnel.   Nakakatakot ang itsura ng background nito.  May mga larawan ni  Dracula, ni Frankenstein,  mga aswang, kapre at kung -anu-ano pang nakakatakot na creatures.  Gusto ko din mag-back-out sana kaso nandun  na rin ako eh. Bahala na.

Sa bandang likod ako umupo. May kahabaan din ‘yung tren.  kahit na sa tingin ko ay marami ang nakapila  kanina, hindi pa rin pala sapat ang bilang ng mga bata para mapuno ang tren.

KRRIIINGGGGG!!!! Tumunog na ‘yung bell.  Umandar na ang train. Kabado ako.

TSUG-TSUG-TSUG-TSUG…

Nakakangilo ang tunog habang tumatama sa riles ang horror train.  Biglang dumilim nang papasok na kami sa tunnel. Para talagang kweba.  May nakabiting mga paniki sa gilid, mga kalansay, at mukha ng black bear na parang kakain ng tao.

Biglang may tumiling na babae sa loob ng tunnel. Nagsisigawan ang mga bata.  Sumigaw din ako nang biglang may lumabas  na kamay sa kweba. May mga monsters sa loob na talagang nakakagulat.

Ayaw ko na. Natakot na’ko talaga. Tinakpan ko ng dalawang kamay ko ang mga mata ko dahil  baka may makita pa akong higit  na nakakatakot.  Patuloy pa rin ang sigawan ng mga bata  sa loob ng tunnel.

“Sana makalabas na kami,” bulong ko sa sarili.

Walang anu-ano parang may naramdaman akong tumatawa sa likod ko.  Isang boses ng lalaki na medyo  malat.  Nakakatakot  ang tawa  niya. Dahan-dahan akong lumingon sa likuran ko. Pabilis  nang pabilis ang tibok ng dibdib ko sa kaba.  Parang nahihirapan akong huminga.

“Psst, bata… Psst. Hehehehe!” may tumatawag sa akin. Ganoon na lamang ang kilabot  ko nang makita ko ang isang clown  na kakaiba ang itsura sa lahat. Kalbo ito at namumuti ang mukha. Namumutla rin ang labi niya at parang may tumutulo mula sa bibig nito. Nakaupo ang clown sa likuran ko, pero wala naman siya kanina  sa lugar na ‘yon.  Bigla akong hinawakan ng mahigpit sa braso ng payaso!

Tumatawa siya nang malakas at nakalabas ang mga ngipin.

“Hehehehe! nakakakilabot ang tawa ng payaso.

Hindi na kaya ng isang batang katulad ko ang ganoong klase ng takot at naiyak na ako sabay tawag sa mommy ko.

Nang huminto ang train, sinalubong ako ni Mommy. Mabilis akong yumakap sa kanya. Umiiyak.

“Bakit? Anong nangyayari? Napa’no ka? alalang tanong niya. “Mo-mommy, tinakot po ako nung clown sa loob ng tunnel.”

“Sinaktan ka ba niya?”

Umiyak parin ako at hindi makasagot.

Hindi ko akalain ang magiging reaksiyon ni Mommy.  Hinila niya ako saka sumugod sa dalawang lalaki na nag-ooperate ng tren.

“Ano bang meron sa loob ng train na ‘yan? Bakit sobra ang iyak ng anak ko? Okay lang na takutin ninyo dahil horror train ‘yan. Pero  Bakit may gasgas sa braso ang anak ko? Sinaktan daw siya ng clown sa loob!” Galit na galit ang mommy ko.

Nagkatinginan ang dalawang lalaki. “Pasensya na po, Ma’am. Pero  sigurado po ba kayong clown ang nakita ng anak ninyo?” Tanong ng  isa sa kanila.

Tiningnan naman nung isang lalaki ‘yung braso ko.

“Sabihin mo sa akin, pogi, kung ano ‘yung nakita mo sa loob, at kung sino ang gumawa sa iyo niya para makausap ko ang mga  kasamahan namin?”  tanong ng isang operator.

“Clown po. Nakakatakot ang itsura. May tumutulo sa bibig nito. Parang dugo. Wala naman  po siya kanina  nang sumakay ako. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang siyang napunta doon sa likod.   Tawa siya ng tawa. Hinawakan niya ako na parang kakagatin ako. Buti na lang  po at biglang  nakalabas ng tunnel ang train,” salaysay ko.

Nagkatinginan ulit ang dalawa, hanggang sa kinausap nila ang Mommy.

“Ma’am, kung clown po ang sinasabi ng anak ninyo,  wala po kaming mga kasama na naka custome ng clown.  Isa pa, hindi  po sila sumasakay ng train habang umaandar ito. Nananakot lang po ang mga kasamahan namin at nakatago lang sa mga gilid ng tunnel.  kahit po  i-check ninyo,” Paliwanag ng lalaki.

“Kung gano’n sinasabi n’yo ba na nagsisinungaling ang anak ko,  samantalang nasaktan na nga siya?”

Huminga ng malalim ang lalaki bago nagsalita.

“Ma’am….. hindi po sa ayaw naming maniwala. Tatapatin po namin  kayo.  Kinilabutan ako sa kuwento ng anak ninyo,” Paliwanag ng lalaki.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ulit ng Mommy sa kanya.

“Isang taon  na po ang nakaraan, isa sa mga clown dito sa circus ang napatay.  Napag-alaman  po ng mga pulisya na isa palang Kriminal ang payaso na ‘yon  sa probinsya na kanyang pinanggalingan-isang  kidnapper ng mga bata Pumunta siya sa lugar na ito  at nag-apply bilang  isang clown.  Kaya pala lagi siyang naka-disguise ay para kumita siya ng  pera,  at makapag-kidnap ng mga bata. Nang hulihin po siya  ng mga pulis,  nanlaban kaya napatay,” Kwento ng operator.

“Diyos ko! Anong ba ng mga tao ang kinukuha ninyo sa  ganitong trabaho? Dapat sana ay sinusuri ninyong mabuti dahil puro mga bata halos ang pumupunta rito,” Pahabol  pa ng Mommy.

Humingi ulit ng dispensa ang dalawang lalaki sa amin.

Pauwi na kami. Binilhan ako ni Mommy ng cotton candy  para hindi na ako umiyak. Hindi ko makakalimutan ang unang gabi ko sa perya.

Palabas na kami ng gate nang lingunin ko ang horror tran. Kitang-kita ko ulit ang payaso! Kinakawayan pa niya ako na para bang  nagpapaalam siya sa akin.  At parang hindi siya nakikita  ng operator  at ng mga bata doon!

Sobrang takot na naman ang nararamdaman ko kaya kinalabit ko si mommy para ituro ang payaso.  Pero bigla na lang siyang nawala….

Leave a Reply