JENNIFER

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

By: Sharon R. Navera

Maliit pa ako ay bukas  na itong mall na ito.  Isa ito sa mga madalas naming pasyalan ng Auntie at lola ko, lalo na kung  kakain kami  ng burger  steak… hindi jolibee ha.  Noong araw kasi wala pang mga fast food joints. Puro fine dining at sa mall makikita ang pinakamalaking  restaurants, ang iba pa nga ay naging malalaking  pangalan pa.

Taong  1982  nang pinasyal ako ng lolo ko sa mall, suot ko pa ang magandang pulang polka dot na  dress ko  at ako ay may mahabang  pony tail.  Lagi akong kasama niya lalo na kung magtatrabaho siya,  kung  saan-saan kami napapadpad.

May linggo na magkakasama kaming lahat,  lolo at lola, tiyahin, pinsan ko at ako,  para kumain sa labas.  Tuwang-tuwa ako kasi makakasakay nanaman ako sa  mechanical horse. Nang biglang sinabi ng lolo ko  na umalis  na kami  as soon as possible.

Kahit na may bibilhin pa kami,  pinilit niya kami na umalis na.  Pagdating namin sa bahay, agad na  binuksan niya ang TV. At laking  gulat namin na nasusunog ang mall. Nanlambot  kaming lahat.  Doon ko  lang nalaman na “nakakita” ang lolo ko.

Ilan taon ang nakalipas, nabuksan muli ang mall. Nasa high school  na ako nang ininaugurate at tinayuan ng madaming sikat na tindahan.Pero hindi ko lubos maisip bakit madilim pa rin ang pananaw ko sa mall na iyon.

Kasama ko pa ang dalawang kaibigan ko na sina Carmina at Vivian, nang una naming binisita  ang newly renovated na mall.  Halos walang pinagbago ito, marble pa rin  ang sahig at ang mga show windows ay ganun parin ang itsura. Nag-iba lang ang mga sikat na shops at  pinalaki ang mga activity area.

Pagpasok pa  lang nagtaka kami sa daliang paglabas ng tao. In isip namin na baka may sale sa  loob ng mall at madaming tao ang nauhan na kami.  Hindi namin masyadong  pinansin ang umaalis. Tinungo  namin ang activity area sa gitna ng mall  na noong 1980s ay may malaking fountain  sa gitna.

Napansin namin na may mga   taong maiitim ang mukha na nakatayo sa gitna at parang tuliro.   Akala ko ako lang ang nakapansin, kinapitan ako ni Vivian at binulong na dalian namin at umuwi na.

Agad kaming bumili ng supplies na kailangan namin at umalis  na ng mall, pero naalala ko na si Carmina ay may bibilin pa sa 2nd floor.  Dahil wala pang cellphones noon,  naghintay kami sa may kainan ng lugaw.

Halos pagabi na  pero wala pa rin siya. Napasyahan ko na puntahan at iwan muna si Vivian sa ibaba.  Napadaan ako sa may chapel side  ng mall.  Open ang chapel nito at may mga pews at santo lang sa gitna.  Pag lagpas ko ng kaunti,  naramdaman ko na may lumingon sa akin mula  sa pews.

Tumalikod ako,  nagulat ako  sa nakita ko,  Mga tao na maiitim  ang mukha at walang mga mata.Parang naagnas ang kanilang  mga mukha  sinasabi ng paa ko na umuwi na,  pero kailangan kong hanapin ang kaibigan ko.

Pagtunton ko sa kanya, sinabi ko na uuwi na kami,  agad niyang binayaran ang kinuha at agad na sumunod sa akin.  Hawak ko ang kamay niya, hinanap namin ang escalator.   Dumaan kami tungo sa chapel at  alam ko na malapit na ang labasan doon. Pero pagliko namin sa pillar,  nakita na naman namin ang chapel.

Ilan ulit namin nadaanan ito. Natatakot na ang kasama kong si  Carmina,  hindi ko alam ang gagawin . Naisip niyang baliktarin ang suot na damit, nakakita kami ng tagong lugar at nagbaliktad kami ng damit.  Sinimulan na naman namin ang paghahanap ng escalator, Pagliko pa rin namin nakita namin muli ang chapel. Naupo na si Carmina,  gusto na niyang umuwi, pero wala kaming paraan.

Iniisip ko na maaring may kinalaman ang mga tao sa loob ng chapel. Pinuntahan  ko ang loob nito at nagpanggap na magdarasal Agad na tiningnan ako ng mga taong nagdarasal na sunog ang mukha, umuusok  at walang mata. Gusto ko nang umalis nang naramdaman ko si Carmina sa likuran ko, halos  himatayin na siya sa nakita niya sa loob.

Sinabi ko sa kanya na magdasal lang at baka umalis sila.  Pinikit  namin ang mata namin pero walang silbi pagbukas namin walang nagbago. Kumapit si Carmina ng mahigpit  sa braso ko, sinigaw ko kung  ano ba ang kailangan nila.

Nag-amoy na sunog ang paligid, halos  kulangin kami ng hangin.

Uminit ang paligid, hindi namin makapitan ang mga silya at kahit na  anong gamit.  Agad na  tumayo kami at tumakbo sa labas ng chapel,  unti-unti ng lumalamig ang paligid, patuloy kami sa pagtakbo  nang muntik   na kaming malaglag sa escalator!

Bumaba kaming  hapong hapo at maitim ang mga mukha, nakita namin si Vivian.  Tumayo siyang galit na galit,  sinabi niya na matagal  na siyang naghihintay sa amin. Sinabi namin na agad na kaming umalis sa mall, habang nadadaanan pa kami ng napakaraming tao, pero nagtataka kami sa napansin namin sa ilang mga tao na naglalakad. Para silang mga transparent.

Ilang araw ang nakalipas, nalaman ko  na anniversary pala ng pagkasunog ng mall.  Hindi ko akalain na may mga  nasawi pala sa pagkasunog nito. Matagal na panahon bago ako bumalik  ulit sa lugar.

Halos sampung taon na ang nakalipas nang bumalik ako sa mall  para i-meet ang isang client. Since late siya,  nagpasya ako na lumibot  sa lugar.  madami ng nagbago pero ang aura ng mall  hindi pa rin nagbago, madilim pa rin kahit na madaming ilaw.

Nabuksan na rin eight years ago ang second wing nito.  Sa kakalakad ko, napadpad ako sa second wing. Biglang sumakit ang ulo ko at naupo ako sa isang  fast food chain. May tumabi sa akin na babae na nakasuot ng  malaking blouse na kulay pula at may print na blue at yellow at maong na maikli pati na white na sneakers. Ang buhok naman niya ay kulot-kulot na mahaba,  hanggang shoulders niya.

Tinanong niya ako kung madalas ako doon sa mall. Sinagot  ko  siya na may hinihintay lang ako na client ko.  Hinawakan niya ang braso  ko at napansin ko na napakalamig ng kamay niya at halos maitim na ang kulay. Hinahanap  niya ang isang  tindahan sa loob.  kaya lang hindi siya masyadong makakita dahil nanlalabo ang kanyang mga mata.

Humingi ako ng paumanhin  dahil matagal na rin  akong hindi  gumagala sa mall  kaya hindi ko alam ang tindahan na hinahanap niya. Nalungkot ang itsura niya,  sinabihan ko siya na magpunta na lamang sa information na nasa harapan ng mall.

Nag-text sa akin ang  client ko at nagdecide ako na  doon  ko siya kitain sa  second wing. Nakipagkwentuhan pa ako sa babae na nasa harapan ko, medyo naguluhan ako sa kwento niya dahil parang hindi tugma ang present location ng mga tindahan sa sinasabi niya.

Ilan minuto lang dumating  na ang kliyente ko, tinanong niya kung sino ang kausap ko.  Dahil sa hindi ako matandain sa  pangalan,   sinabi ko na  isa siyang nakilala ko habang nakaupo ako.  Nilapit ng kaibigan ko ang mukha niya sa tainga ko,  binulong  niya na wala daw akong kausap.

Nagulat ako na ang kausap ko ay multo pala.  Pinaupo ko ang client ko sa bakanteng  upuan at sinabi ko na isulat  ang mga insidente na sasabihin ko. Tinanung ko sa multo kung sino siya.

J-ennif-e-rr…. Millari… Mill-iari..  unti-unti niyang sinabi, tinanong ko sa kanya  kung alam na niya  ang nangyari sa kanya,  kinuwento niya na anak siya ng may-ari ng isang tindahan  ng mga damit sa second floor. Kakatanghalian lang nilang magkakaibigan nang may napansin silang umusok sa foodcourt (ang foodcourt dito noong 1980’s ay nasa  2nd floor pa).  Kumapal agad ang usok kaya hirap silang makakita, pilit  na sinasalba nila  ang paninda at mga importanteng bagay sa loob ng stall nila.

Pababa silang apat na magkakaibigan at tatlong saleslady nang  naramdaman nila na tumitindi ang usok, nasa harapan na pala nila ang higanteng apoy. Hindi nila makapa ang escalator kaya napilitan na sila  na gamitin ang hagdan sa gilid ng mall, pero sa dami ng tao, nagkaroon ng stampede. Ang iba nahuhulog na lamang  sa mga gilid nito.  Nagyakapan silang magkakaibigan at saleslady,  itinali nila ang kanilang  mga damit, pero sa kanilang kakalakad  unti-unti ito napipigtas.

Biglang  may tumama sa ulo niya, hindi na niya matandaan kung ano.  Hindi na niya alam ang kasunod, namulat siya na iba na  ang itsura ng mall.  Kaya lang kahit  na anong gawin niya hindi siya makalabas, hanggang ‘di niya nakikita ang tindahan nila.

Suggestion ng client ko na alamin ang dating location ng tindahan, pero ang sabi ko walang makakabigay noon dahil well-kept secret yun ng mall. Pero dahil madaming kilalang opisyal ng munisipyo ang kaibigan ko kinabukasan may sagot na siya sa tanong namin.

Agad na tinungo namin ang second floor wing.  Natagpuan namin  siya na  nasa upuan  pa rin ng second wing, agad  na dinala namin siya sa second floor ng mall, at binigay ang tamang location, nang nagulat siya na isang bangko na ang nakatirik  doon,  bigla siyang nagalit. Nagulat kami sa reaksyon niya, hindi  daw yun ang tamang lugar. Ipinakita ng kaibigan ko ang lumang locations ng mga tindahan, nang tinanong  namin kung anong akala niyang kasalukuyang taon… ang sagot niya ay April 10, 1982, tanda niya iyon dahil birthday ng kaibigan niya na si  Wilma.

Sinabi namin na 1998. Ayaw niyang maniwala, pinakita ko  ang petsa sa cell phone ko, nagulat siya na ilang taon na ang  nakakaraan. At sobrang nagulat din siya sa cell phone ko. Sinabi ko na ang totoo na  matagal na siyang namayapa.

Gusto lang niya makauwi na, makalabas,  pero ang sabi ng kasama niyang multo na wala rin naman daw silang mapuntahan. Hinimas ko ang likod niya at sinabing babalikan ko siya kapag may linaw na ako  kung saan siya galing.

Pero sa tagal ng kakahanap ko, wala pa rin akong nahahanap  na  records tungkol sa kanya.  Hanggang ngayon makikita siyang nakaupo sa fast food chain sa second wing ng mall na ito.  Actually, madami pa  silang nasa loob, sana nga lang bigyan na sila ng linaw ng may-ari ng mall para sa ikatatahimik ng  kaluluwa nila.

Leave a Reply