Ika-13, Biyernes

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Marami ang nagsasabi na malas daw ang araw na ito.  Karamihan sa mga nakatatanda ang naniniwalang masasamang  elemento at espiritu ang gumagala sa tuwing matatapat na ika-13 ang araw ng Biyernes.

Kailangan daw mag-ingat dahil may mga malilikot na multo na pagala-gala sa araw na ito.  Konting maling kilos na makaka-istorbo sa mga elemento, gagantihan daw ng tiyak na kamalasan ang sinumang taong makakatuwaan ng mga multo.

Ang mapamahiing  paniniwala sa bagay na ito ang nagtulak sa akin  at sa dalawa  kong kaibigan na alamin kung talaga nga bang may mga  elementong gumagala sa Friday the 13th.

Taong 1982.

First year High school ako noon sa isang pribadong eskwelahan. Kakalipat lang namin sa bayan na ‘yon dahil na-assign ang tatay ko para sa isang 5-year project. Isang engineer ang tatay ko at medyo may katagalan ang  construction na gagawin kaya sa probinsyang’yon muna kami nanirahan.

Dalawa agad ang naging best buddies ko. Sina Fred at Jacob. Okay  silang kasama. Adventurous din gaya ko,  Pareho  din silang masipag mag-aral kaya madali kaming nagkasundong tatlo. At least, good influence ang mga klase ng kaibigan ko.

Masaya talaga ang high school. Maraming challenges at di malilimutang karanasan. Parang napakadaming  bagay  na puwede mong  matutunan.  Marami ring adjustments ang kailangan. Palagi kaming may group study. Maganda naman ang result dahil matataas  ang mga nakukuha naming marka sa mga exams namin.

Si Fred ang isa sa pinakamagaling sa Mathematics sa Kampus.  Si Jacob naman magaling sumulat ng mga  essays. Sabi nila, matalas naman daw ang memorya ko kaya halos perfect lagi ang exam  at quizzes ko kapag enumeration-type  ang test questions.

Araw ng Huwebes. Alas -5 ng hapon. Tapos  na ang klase. Nakatambay kami sa Canteen.

“Pare, anong date na  ba ngayon?” tanong ni Jacob.

“12,” sagot ko.

“12? Eh ‘di bukas, 13?” tanong ulit ni  Jacob.

“Natural! Sus!” a ni Fred.

“Hindi. ‘Kala naman ninyo pilosopo ako eh. Ibig  kong sabihin,

Friday the 13th bukas!” sabi ulit ni Jacob.

Nagkatinginan kaming tatlo. Parang may kung anong kaba  ang dinulot sa akin  nang marinig ko ang sinabi ni Jacob. Isa lang dahilan. Mahilig ako sa mga horror movies.  Ang mga istorya ng katatakutan  ay nagbibigay sa akin ng kakaibang klase ng excitement.

“Oo nga ‘no? Dapat pala, mag-ingat tayo bukas,” mungkahi ni Fred

“May P.E. pa naman tayo bukas. Baka mapilay ang isa sa atin,” sagot ko. Nagtatawanan kaming tatlo.

Pumunta ako sa canteen para bumili ng tatlong waffles. “O, treat ko sa inyo…. “Natuwa sila. “Yan naman ang gusto ko sa ‘yo eh. Sobrang  galante ka.   Big time kana ngayon. Dati rati eh, candy lang. Ngayon , waffle na. Ha! Ha! Ha!”

Talagang may kakulitan ang dalawang ‘to.

“Maiba ako mga tol.  Gusto n’yo ba ng bagong  adventure?” tanong  ko sa dalawa.

“Ano namang klaseng adventure ‘yan?” kantiyaw ni Jacob.

“Wala naman.  Parang experiment  lang,” simpleng sagot ko.”Science na naman?” sabi ni Fred.

“Hindi’yon ang ibig kong sabihin. Makinig muna kayo sa  sasabihin ko.”

Nakuha ko ang atensyon ng dalawa nang sabihin ko sa kanila na ghost hunting ang gagawin namin,  pero ibang klase. Hindi ito ‘yung usual na Spirit of the glass, or coin. Nakakatakot kasi ang ganun klase ng experiment. “Yun bang tipong mild lang.

May nabasa kasi akong libro. Kapag daw pakalat-kalat ang mga espiritu, mabilis daw mag interact ang mga ito sa mga tao kahit na walang medium na  gagamitin. Ayon sa aklat, ang importante lang daw  ay kung kelan malalaman ang araw na gumagala ang mga kaluluwa.

Tamang-tama. Pwede naming subukan bukas kung ano ‘yung sinasabi sa aklat.

Isa pa, wala naman sina tatay at nanay ko at ako lang ang maiiwan  sa bahay bukas. Hindi agad pumayag ang dalawa kung kaibigan. Nakakatakot daw. Isa pa, baka raw hindi sila papayagan ng mga magulang nila.

Kinabukasan, nagkita-kita kami sa klase. Masaya akong sinalubong ng dalawa kong kaibigan, bitbit ang mag bag packs nila. Pinayagan na raw silang mag-overnight sa amin. Ang paalam daw kasi nila  ay may gagawin kaming group project sa bahay  at Friday lang daw ako available  dahil luluwas ako sa bayan ng Sabado. Mautak din pala ang dalawang kaibigan ko sa paggawa ng excuse  sa magulang nila. Habang lumilipas ang oras sa klase, parang lumalakas ang kaba ko sa dibdib. Hindi ko kasi alam kung ano ang magiging resulta ng gagawin namin mamaya.

Alas-5 na naman.  Tutunog na ang bell. Uwian na… Ala-sais  na ng gabi nang makarating kami sa subdivision na tinitirhan namin.

“Ang ganda pala ng bahay n’yo” bati agad ni Jacob  pagpasok namin sa gate.

“Hindi pa naman sa amin yan.  Nirerentahan lang ng Kompanya ng papa ko dahil malapit’to sa construction site nila,” sagot ko. “Pero ang laki ng bahay talaga. ha?” comment naman ni Fred.

Kumain muna kami ng dinner. Tapos kuwentuhan tungkol  sa mga crush namin sa klase, mga teachers at mga makukulit  naming classmates.

“Siya nga pala, ano ba ‘yung experiment na sinasabi mo?”  tanong ni Jacob.

“Oo nga ‘tol. Anong klaseng ghost-hunting ba ‘yan?” sabad ni Fred

Huminga muna ako ng malalim bago ko sinagot  ang mga tanong  nila. ” Wag kayong masyadong matakot dahil hindi naman tayo mag-i-Spirit of the glass. Takot din ako dun eh.  Gusto ko lang subukan kung totoo nga ‘yung sinasabi ng librong nabasa ko na mataas ang rate ng interaction ng mga lost souls kapag Friday the 13th…

Pagkatapos naming kumain, hinanda na namin ang kailangan para sa experiment…. Hindi naman sa loob ng bahay namin gumagala ang mga multo. Malamang sa labas ng bahay. Naka-Indian -seat kaming tatlo. May puting kandila rin sa gitna namin. Nagdasal muna kami ng Our Father para may proteksyon sa masamang espiritu.

Nararamdaman ko ang kaba ng dalawang kasama ko. Pinagpapawisan si Fred, ganoon din si Jacob. Ako man takot din, pero hindi ito dapat mahalata.  Ako ang leader ng activity na iyon  at gusto kong ipakita sa kanila na buo ang loob ko, Isa lang naman  ang instructions ko sa kanila- oras na pumikit kaming tatlo, kailangang mag-hawak-hawak kami ng kamay.

Malalim ang konsentrasyon dapat.

Sa aming mga isipan,  kailangan naming kumontak ng mabuting kaluluwa na may mensaheng gustong sabihin.

Ready na… Isa.. Dalawa…

Naghawak-hawak kami ng kamay. Sabay-sabay din naming  ipinikit ang aming mga mata. Naramdaman ko ang biglang paglakas ng hangin sa loob ng bahay. Hindi ko napigilan ang mangilabot sa mga oras na iyon.  Guni-guni nga lang ba o baka dala lang ng matinding imahinasyon? Hindi ko alam…..

Biglang nasira ang concentration namin nang biglang tumunog ang  door bell. Napadilat kaming tatlo.  Binuksan ko  ‘yung ilaw dahil kung sina tatay yun, siguradong magtataka sila kung bakit  sarado ang mga ilaw sa sala.

“Wa epek naman pala, pare,” sabi ni Jacob.

“Oo nga. Takot na takot pa  naman ako,”  pakli naman ni Fred.

Sablay ang experimento.

Pero okay lang. Ang importante, may naramdaman kaming bagong  adventure kahit paano.  Iba kasi ‘yung excitement kanina eh.

Tumayo ako papuntang gate sa labas. Binuksan ko ang gate pero wala naman doon sina papa. Ang nakita ko lang, isang batang babae na naglalakad ng paatras…. papunta sa dilim!

Bago siya tuluyang nawala sa dilim,  may tinuturo ang bata sa akin  -sa bandang paanan ko.  Pagyuko ko, may napansin  akong isang papel.  Nang muli kong tingnan ang bata,  nawala siyang parang bula.

Nang damputin ko ang papel, biglang humangin ng malakas. Tumayo ang mga balahibo ko. Dali-dali akong pumasok sa loob.  “Pare, tingnan ninyo.  May sulat akong nakuha sa labas ng gate. Galing sa isang batang babae!”

“Hu?”

“Sulat yata… basahin natin.”

Tulungan ninyo ako. Gusto ko nang umalis  sa mundong ito pero ayaw ng aking ama.  Namatay kami sa isang aksidente nang itakas ako ng daddy ko kay Mommy. Nalaman  ng Daddy ko na may ibang lalaki si Mommy… Tulungan ninyo siya. Papatayin siya ni Daddy’ Yan ang dahilan kung bakit hindi kami  matahimik. Block 46,  No.  14 Acacia St.  TULONG… Maawa kayo!

Grabeng kilabot ang bumalot sa  aming mga katawan.  Hindi namin  alam kung  maniniwala ba kaming tatlo sa laman ng sulat na iyon.  Kung  may nagbibiro man sa amin,  paano naman kaya niya nalalaman na  naghahanap nga kami ng multong matutulungan?

“Anong gagawin natin?” Tarantang tanong ko.

“Baka tayo ang guluhin ng batang ‘yon kapag hindi natin siya tutulungan,” nanginginig na sabi ni  Jacob.

“Pero pa’no natin pupuntahan ang adress?  Paniniwalaan naman  kaya tayo ng babaeng tinutukoy ng bata?” tanong din ni Fred.

Nagdadalawang isip kaming tatlo.  Nalilito. Hindi namin alam kung dapat nga bang paniwalaan ang isang sulat. Halu-halo na ang  aming emosyon. Dominante ang takot sa aming isipan. Nagpasya  kaming manatili na lang sa loob ng bahay.

Hindi na namin inisip pang ituloy ang  eksperimento. Baka kung  ano pa ang aming kasunod na epekto nito.  Mayamaya pa’t dumating na ang mga magulang ko. Nagmano ako sa kanila at ipinakilala ko ang aking mga kaibigan. Mabuti na lang daw at may kasama ako sa bahay.  Nag-alala raw kasi  sila dahil  maraming pulis  sa kabilang kalye.

“Bakit po, ‘pa? Anong nangyari sa kabilang kalye?”

“Yung biyudang may-ari ng bahay, natagpuan daw ang bangkay niya, ” sagot ng tatay ko.

Nagkatinginan kaming tatlong magkakaibigan. Hindi kami  makapagsalita. Hindi na rin namin sinabi sa mga magulang ko ang  nangyari kanina dahil baka magalit lang sila.  Pilit kong hinahanap  ang sulat.  Hindi ko makita ang papel.  Umakyat na sina tatay sa taas.

Takot na takot kaming tatlo. Hindi na namin inalam kung ang  babaeng namatay ang nanay ng batang nag-iwan ng sulat kanina.  Hindi  rin namin lubos na maunawaan kung bakit wala na ang sulat sa lamesa.

Maaring natupad na ang paniningil  ng ama ng bata,  kaya sabay-sabay silang tumawid sa kabila..

‘Yun  ang akala naming tatlo hanggang sa tumunog ulit ang door bell!

Kinilabutan na talaga kaming lahat. Sabay-sabay kaming lumabas upang tingnan kung sino, pero wala kaming nakita. Maliban sa isang pirasong papel…

Parang may malamig na tubig na bumuhos sa ulo ko. may naaninag akong babae na nakatingin sa akin habang  naglalakad siya papalayo sa gate  ng bahay namin na ‘yon.

Ano ang laman ng papel?

Parang ayaw naming tingnan… Isang babala? O isang sumpa sahil sa ginawa naming kapangahasan  ng gabing iyon?  Mabilis ang kaba naming lahat.  Dahan-dahan kong tiningnan ang papel.

Laman ang sulat ang isang bagay na magtuturo sa amin ng aral. Isang aral na ‘wag na ‘wag nang makikialam sa mga kaluluwang maligalig. Dahil ang sulat ay may isang nakagigimbal na mensahe….

Bakit hindi ninyo ibinigay sa akin ang mensahe ng anak ko? Namatay ako ngayon gabi!  Sa susunod na  ika-13 ng Biyernes… HINTAYIN  N’YO AKO.

 

Leave a Reply