Iba’t ibang kwento tungkol sa multo

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

VINCENT

First year high school ako noon nang magbakasyon kami sa  probinsya ng Mommy ko. Sabi nila, nalulungkot daw ang lola  nang pumanaw ang lolo.   Kakatapos lang naman ng klase noon kaya  doon muna ako pumunta para naman mabantayan ko si lola.

Lima ang anak ng lola. Si mommy ang panganay. Sila na lang ng  Tita Garing ang nandito sa Pilipinas. Nasa Canada na lahat, maliban  kay tito  Vincent na namatay sa aksidente noong college student pa lang siya.

Malaki ang bahay ng lola ko.  Old style pero maganda pa rin ang  disenyo ng bahay.  Madami pang mga gamit na antigo.  Sabi nga ni Mommy,  masyado raw metikulosa si lola. Mataas ang standards lalo na  sa pagpili ng mga gamit na bibilhin.

Isang araw,  pinasyal  nina Mommy at Tita Garing si lola.  Ako lang   ang naiwan sa bahay.   Wala naman akong magawa kundi manood ng  mga palabas sa cabled TV.   Nakakalungkot din pala sa lumang bahay. Iba pa rin talaga sa Maynila. Mas maraming libangan.  Para malabanan  ko ang inip,  naghanap  ako ng mga VCDs para sa videoke. Isinaksak ko ang microphone  saka ako kumanta.

Ako lang yata ang maingay sa lugar namin ng mga oras na iyon.  Mayamaya,  nakaramdam ako ng gutom kaya lumabas ako sa sala para kumuha ng makakakain. Walang pagkain sa refrigerator.  Puro ulam na dapat pang lutuin.  Mabuti na lang at may nakita akong corned beef na de-lata.

Nagsalang ako ng kawali para lutuin sandali’ yung corned beef.

Nakakuha rin ako ng dalawang beer in can sa  ref.  Naalala ko na naiwan  ko sa loob ‘yung VCD Umaandar ang  videoke..

Habang nagluluto,  narinig ko ang kasunod na kanta. Malakas ang volume  ng stereo. Medyo malakas kasi talaga akong magpatugtog. Hindi ko  alam ang susunod na kantang narinig ko. Sa halip  na musika lang, may  boses na kumanta sa microphone!

Now I understand….

what you  try to say to me…

And how you suffered for  your sanity… How you tried to set them free… they  would not listen they not know how… perhaps they’ll listen now…”

Kaninong boses ‘yon? nagtatakang tanong ko sarili ko.

Dali-dali akong tumakbo sa sala pero wala namang tao.  Nag-isa lang talaga ako sa bahay.  Pagdating ko sa harap ng TV.  nawala ‘yung  boses ng kumakanta kanina.  Hindi ko maaring  magkamali. May boses akong narinig kanina ‘nung nasa kusina ako. Boses lalaki.

Paano akong hindi kikilabutan? Ang lyrics ng kanta… alam ko ang title nito: VINCENT.

Hindi ako pwedeng magkamali. Boses ni tito Vincent ang narinig kong kumanta….

 

ANG MGA TAO SA BANGIN

Sa isang military school nangyari ang ghost story na ito. Dekada  ’60 noon. Masyadong matindi ang training  ng mga kadete sa loob ng  nasabing campus.

Isa sa mga estudyante rito ay anak ng isang prominenteng pamilya sa Maynila.  Nasa katindihan ng training ang mga estudyante nang matuklasan ng mga sundalo na nawawala ang estudyanteng ito. Isang linggo nang hindi pumapasok ang kadete. Inakala ng lahat  na hindi na niya nakayanan ang pressure sa training kaya ito tumakas.

Lumipas pa ang  ilang araw nang biglang lumitaw ulit ang kanilang  kaklase sa training.  Lahat ay nagulat dahil inakala nilang nag-quit na  ang lalaking ito.  Nagpaliwanag siya…

Talaga raw plano niyang  tumakas dahil hirap na siya sa training.  Hirap daw siyang lumabas sa campus  kaya sa gabi  siya tumakas.  Habang  tumatakbo  siya papalayo  ng iskwelahan, nadulas siya at nahulog sa  bangin. Alam daw niya na iyon na katapusan niya.

Ganoon na lang ang gulat niya nang bumagsak siya sa lugar na  may mga tao. Una na rito ang isang magandang babae. Kinausap siya ng mga tao at sinabi sa  kanya na mag-ingat siya. Wag na raw niyang dagdagan ang bilang nila sa baba ng bangin. Sikapin daw niyang mabuhay at piliting makabalik nang buhay sa kanyang pamilya.

Doon na siya nakatulog.

Nang magising siya, wala na ang mga tao sa bangin.  Ang nakita lang niya ay isang wasak na bus na sa palagay niya ay aksidenteng nahulog rito.  Sa sobrang takot, nagpasya siyang bumalik sa eskwelahan at tapusin ang kanyang kurso.

Lumipas pa ang ilang taon, nakatapos ang lalaki  ng kanyang  pag-aaral.

Paglipas ng ilang dekada, naging isa sa mga heneral ng bansa ang lalaking ito…

 

Quija Board

Minsan, nagkaayaan ang tatlong magkakaibigan na subukan  ang board game na ito.  Pinatay nila ang ilaw at tiningnan nila kung talagang  sasagot ang espiritu sa larong ito.

Nang tanungin nila kung naroon na ang espiritu. “YES” ang mga  letrang nabuo. Ayaw nilang  maniwala dahil  sinasadya lang daw  ng isa  sa kanila  na itulak ang cursor sa mga letra.

Para mapatunayan  nila talaga,  kinausap ng isa sa kanila ang espiritu.

“Kung talagang nandyan ka sa loob ng  Quija board, sabihin mo sa amin  kung ano ang middle name ko. Wala maski isa man sa mga kasama   ko rito  ang nakakaalam ng middle name ko,”  sabi ng  babae.

Nagsimulang lumakad ang cursor sa mga letra…

Sabi ng babae,” Diyos ko, alam nga niya ang buong pangalan ko…”

 

ANG BABAE SA PANAGINIP

Sa  isang pribadong  kompanya sa Makati,  maraming  mga guards at janitors ang nagsasabing may napapakita raw na babae sa loob ng  elevator.  Nakausap ko mismo  ang dalawang  operator  nang  mapasyal  ako sa building  na ‘yon.

Baguhan pa lang daw sila ng kasama niya na isa ring operator ng elevator.  Nang magkuwentuhan sila, pareho raw sila ng napanaginipan noong nakaraang gabi.

Sa panaginip , may matandang babae raw na sumakay sa elevator  at nakatitig ang mga mata ng matanda sa kanilang dalawa.  Nang  hapong iyon, nakita nila pareho ang matanda na nagpakita sa panaginip.   Sumakay daw ito  sa elevator pero bago  pa man bumukas  ang pintuan, wala na raw ito sa likuran nila.

 

KULAM

Bigla na lang nagkagulo ang mga  kapitbahay nina Mang Ben at  Aling Rosie.  Kumalat ang balita na kinukulam daw si  Jun,  ang anim  na taong-gulang  nilang anak.

Nagkaroon ng kaguluhan. Dumami ang mga nakiki-usisa.  Narinig namin mula sa labas ng bahay nila ang malakas na sigaw ng bata,  nagwawala ito at nagsisigaw.  Nakapasok kami sa bakuran.  Mayamaya ay dumating ang isang lalaki na may kwintas  na bungo,  kasama ang isa pang babae. Ang lalaking iyon daw ang manggagamot. Mabilis na  tinali ni Mang Ben si Jun sa upuan. Pilit pa rin nagwawala  ang bata.  Ang nakakapagtataka lang, talagang boses ng matandang lalaki ang lumalabas sa bibig ng bata. Nagsimulang  orasyunan  ng  manggagamot ang bata.  Patuloy pa din ang sigaw ni Jun.

Lahat kami  ay kinilabutan sa among nasaksihan. Biglang  nawalan ng malay si Jun. Nang  magising ito, sigaw ulit siya ng sigaw. Nakikiusap sa manggamot na pakawalan na siya. Pinalo siya ng latigo pero  nakakapagtataka na walang latay sa balat ng bata.

“Bakit mo kinulam ang bata?” galit na sigaw ng manggamot.

“Pakawalan mo na ako!”

“Hindi kita pakakawalan hangga’t hindi mo sinasabi ang dahilan!” utos ng manggagamot.

Sumagot ang sinasapian. “Dumayo lang ako sa lugar ninyo noong  isang araw. Bumili ako ng yelo sa bata pero hindi niya pinansin!”

Sunud-sunod na  hagupit ang ginawa  ng maggagamot sa bata.

Halos maiyak si Mang Ben pero nagtataka rin siya marahil  kung bakit  wala man lang latay ang bata.

“Dahil lang sa yelo? Sino ang nagturo sa’yo ng ganitong gawain?” tanong ulit ng lalaki sa bata.

“Dati akong katoliko, ngunit napakalupit ng naging kapalaran  ko. Kumita ako sa kabila. Nag-aral ng kulam para kumita ng pera at  magantihan ang mga kaaway ko…”

“Hindi mo kaaway ang bata! Wala siyang alam…  Sabihin mo kung  saan ka nakatira, at kung hindi,  papatayin  kita sa loob ng katawan ng  batang ‘to!’ banta ng manggagamot.

Nagtagal pa ng ilang oras ang tagpong iyon. Nawalan ng malay ang kawawang si Jun.   Noon lang ako nakakita ng biktima ng kulam.  Mabuti  na lang daw at nahuli agad ng manggagamot ang espiritu ng mangkukulam, kaya naparusahan ito nang mabuti.

Binalaan ng manggamot ang mga magulang ng bata na hindi pa  raw ganap na tapos ang gamutan.  Posible pa raw na bumalik ang  espiritu at magpapagaling lang daw ito dahil sa mga latay na natamo…

 

ORB

Bandang alas-otso na ng gabi nang madaan ako sa highway  na iyon.  Medyo mabilis  ang pagmamaneho ko sa kotse dahil nagmamadali na akong  makauwi.  Habang-nagba-byahe, parang napansin  ko na hindi  yata  balanse ang takbo ng sasakyan.  Para bang  malambot  ang gulong  ko sa likod ko.

Pinarada ko muna ‘yung kotse para-i-check ang gulong.  Napansin  ko na medyo  malamig ang hangin  sa lugar  na hinintuan ko.  Hindi ko alam kung malik-mata  lang, pero kitang-kita ko ang dalawang bilog  na liwanag na nakalutang sa hangin!

Natakot ako. Pero hindi ko talaga lubos  na maipaliwanag kung ano  nga ba talaga ang nakita ko.   Alam ko na may mga kuwento  sa multo, pero   ang ganoong  klaseng liwanag,  parang hindi ko talaga  maisip kung  ano  ‘yun.  Bumalik na lang ako sa sasakyan at nagpaandar na lang ako nang dahan-dahan.

Kinabukasan, nagtanung-tanong  ako tungkol  sa nakita ko.  Akala  ko kasi fairy, pero ang sabi nila, orb daw ‘yung nakita ko.  Ang orb daw  ay parang mga ghost ball o espiritu na pagala-gala sa gabi….

Sabi ng iba,  swerte raw ‘yun. Sana nga.

Pero talagang takot ang una kong naramdaman nang makita  ko ang orb noong gabing ‘yon….

 

Leave a Reply