HULING PAGPAPAKITA

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

 

Noong maliliit pa kaming magpipinsan, tuwing gabi,  lalo na kapag walang pasok sa school , at nagtutumpok-tumpukan kami sa labas ng  bahay at umuupo sa mga sementong upuan doon para magkuwentuhan . Kadalasan, nakakatakot ang mga pinagkukwentuhan namin, lalo na  kapag bilog ang buwan.

Kapag tungkol sa multo at patay ang pinag uusapan  namin,  inaamin kong natatakot ako. Likas akong matatakutin  hanggang sa magdalaga ako.   Grade four kami ng mga kaibigan at ng mga iba kong pinsan  nang pagkwentuhan namin  ang tungkol sa mga patay at kaluluwa, pagmumulto, pagpapakita, etc.  Bilog ang buwan nun. Sabi ko sa mga  kaibigan ko, “Ako, ‘pag ako ang namatay, hindi ako magpapakita  kahit kanino.   Ayaw kong matakot sila sa multo ko.  Kawawa naman ‘yung  makakakita sa ‘kin. Mamaya mo d’yan, maysakit pa s’ya sa puso tapos  biglang atakihin at mangisay nang ganito….” Nagkisay-kisayan pa ako sa harap nila.  Malakas na tawanan ang sunod na narinig sa kanila. “Ako naman, ‘pag ako ang namatay, hindi rin ako magpapakita!”  sabi naman ng pinsan kong si Owi  na super taba.

“Hmn, gaya-gaya ka naman eh!”  kantyaw sa kanya ng pinsan kong si Enrik. “Ginagaya mo si Natnat!”Natnat ang palayaw ko.

“Hindi ah! Ang gusto ko, sa panaginip ako magpapakita! ‘yun, dun ako dadalaw sa inyo, sa panaginip!” “Eh, pwede ba ‘yun? tanong ni Kat.

“Pwede’ yun, Ate Kat,” sabi naman ng kapatid niyang si  Kiko. “Di ba sabi ni Lolo,  nung namatay ‘yung nanay n’ya  noon,  laging  nagpapakita sa kanya sa panaginip?”

“Ay,oo nga!”

“Ikaw, Patricio, magpapakita ka ba ‘pag namatay ka?’

Matagal na  nag-iisip si Patricio.  Isa-isa  silang tiningnan at biglang  namilog ang mga mata nitong malalaki.  Pagkatapos  ay bigla itong  tumayo na sinasadyang patigasin ang galaw ng katawan.

“H’wag kang manakot, Patricio!”Malakas na sigaw ko sa kanya.  Natatakot na kasi ako.  Lalo pa akong natakot nang i-unat niya  nang  tuwid na tuwid ang mga braso niya.  “Ngeee! parang bangkay si Patricio!” Malakas  na sigaw ko.  Talagang takot na ako. Pero hindi parin ako pinansin ni Patricio.   At dahil sa reaksyon ko,  nahawa sa pagkatakot  ko ang mga pinsan kong sina Owi,  Enrik,  Me-Ann, Gladys, At ang mga kaibigan kong sina  Nenet, Toto,  Bey, Bongbong at Lingling. Nagsiksikan kami.   Nagsalita ai Patricio sa nakakatakot na boses, tuwid na tuwid  pa ring  naka-unat ang mga braso niya. “Oo, kapag namatay ako, magpapakita  ako sa inyo…”

“Eeeeeeeeeeeee!” Malakas na sigaw namin at nagsiksikan pa kami lalo. “Lahat kayo,  pagpapakitaan ko pero ang pinakahuli ay si…. ” at sa akin tumingin si Patricio, namimilog ang lumalaking mga mata, “Natnat  dahil matatakutin siya.”

“Eeeeeeeeee!” malalakas na sigaw namin. Kinilabutan ako nang husto sa sinabi ni Patricio! para kasi siyang  totoong patay kung magsalita.

Nagdalaga’t  nagbinata kami na nagkanya-kanyang landas.  Kami  na lang nina Owi, Enrik at Me-Ann ang nagkikita-kita minsan tuwing  ikalawang buwan, pero kadalasan tuwing may okasyon lang sa mga  kamag-anak namin.  Pero may komunikasyon ako sa mga kaibigan ko kahit hindi kami madalas magkita-kita.

About 30 years later,  may kanya-kanya na silang pamilya.  Ako,  dalaga parin. Isang gabi,  nag-overtime ako sa opisinang pinapasukan ko. Government office’yun at nasa 8th floor ang opisina namin. Dalawa  kami ni Loida na nag-overtime. Talagang patapos na ang trabaho namin at pauwi na kami nang iwan ako ni Loida sa room. May naiwan kasi siyang mamahaling ballpen sa comfort room. Inaayos ko ang huling folder na isasalansan ko  nang biglang lumamig ang paligid. Naka-off na  ang aircon kaya nagtaka ako.  Hindi ko na lang  masyadong pinansin. Pero habang tumatagal, lalong lumalamig ang hangin.   At nang malamig na malamig na ang pakiramdam ko ay parang  hinahaplos naman ang balat ko ng yelo.  Kinilabutan ako at natakot. Tatayo na sana ako  nang biglang sa paglingon ko sa gilid ko ay may  nakita akong isang lalaking nakabarong, kulay puti! Naka-sideview  ang lalaki! At sa isang kisap-mata ay bigla itong naglaho. “Sino ‘yun?  takot na takot na tanong ko sa sarili ko. At bago pa ako makasigaw ay bumalik na si Loida. At matapos na mailigpit  ang mga  gamit ay nilisan na namin ang building.  Kinagabihan, 11:30 ng gabi, may tumawag sa bahay, si Nenet. May  hatid  na masamang balita. “Patay na si Patricio. Ililibing na bukas.”

Si Patricio  ang nagpakita sa akin! Nang gabing iyon  ay agad akong nagpasama kay Nenet para puntahan  ang huling burol ni  Patricio. Ang suot niyang barong sa loob ng kabaong ang siyang suot ng nagpakita sa akin. Multo nga ni Patricio ang nagpakita sa akin!

Nalaman ko sa mga kaibigan ko na nagpakita  rin sa kanila  si Patricio.  Kay Nenet, sa likod  ng kurtina sa study room niya;  Kay Toto at Bey, Parehong sa likod bahay nagpakita si Patricio; kay Lingling naman,  sa kusina nila; kay Bongbong, sa tabi ng cabinet niya sa kwarto; sa mga  pinsan ko naman  -kay Enrik, nagpakita si Patricio sa office niya tulad  ng sa akin; kay Owi naman, sa may pintuan nila; kay Me-Ann sa office rin, sa  tabi ng computer; at kay Gladys,  nagpakita si  Patricio sa tabi  ng  bukas na pintuan ng library nila sa U.S.

Ang sabi ng nanay ni Patricio, si Aling Carmen, napakalakas  daw ng  multo ng anak n’ya dahil biglaan ang pagkamatay nito. Stroke. Ikalawa na raw iyong atake. Na-comatose ng isang linggo at isang araw, tuluyan  na itong  namahinga.  Ning Highschool kami, dalawang beses kaming nagkita  ni Patricio- ‘yung isa sa birthday ni Bongbong at’yung isa sa isang beach resort.  Nung College, isang beses lang kaming  nagkita, nung kasal ni Bey.  Bukod doon wala na.  Tinupad  nga ng kaibigan ko ang binitawan niyang salita noong kami  ay mga bata pa lamang. Ako nga ang huli niyang pinagpakitaan.  Ang biruang naganap isang gabing maliwanag ang buwan ay nagkarun ng katuparan.  Kayo,  may mga pangako bang binitawan ang mga kaibigan n’yo?

Leave a Reply