HARANA

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Sino ang tagahanga ni Berto?

Taong 1953. Sa isang probinsya na may kalayuan sa Maynila, makikita ang isang lalaki na naghahanda ng gabing ‘yon sa gagawing  panghaharana.

Itinono muna ni Berto ang mga kwerdas ng gitara bago ito  uminom ng isang baso ng lambanog  na nakalagay sa ibabaw ng mesa….

Kailangan niya kasi ng sapat na lakas ng loob para sa gabing iyon.

Maraming taon na niyang hinahangaan ang  kagandahan ni Belinda, pero talagang wala siyang tiwala sa kanyang  sarili. Kilala ang kagandahan ni Belinda sa baryo nila. Ito ang dahilan  kung bakit maraming manliligaw ang dalaga.

Isang  balita ang nakarating  kay Berto at ito ay ang pagiging malapit daw ng dalaga sa isa sa mga  masugid nitong manliligaw-bagay na  ikinalungkot  ng binata. Marahil,  ito ang nagtulak sa kanya upang mag-desisyon-ang magtapat ng pag-ibig sa dalaga, bago  pa man ito tuluyang mapunta sa iba.

May dahilan kung bakit urong-sulong si Berto pagdating kay Belinda. Alam niya kasi na imposible siyang magustuhan ng babae. Simula pagkabata, tampulan na siya ng panunukso dahil sa kanyang itsura. Ngunit sa kabila nito, lumaki siyang magalang sa kanilang lugar.

Kaya naman  malapit  ang loob ng mga taga-baryo  sa kanya.

Pagka-inom ng alak, tiningnan niya ang sarili sa salamin, sabay  hinga nang malalim. Pilit niyang nilalabanan ang kaba. Bilog ang buwan ng gabing iyon. Lumabas  na si Berto  sa kanyang  bahay.  Umihip ng malakas  ang hangin, dahilan para  gumalaw ang maraming halaman  sa loob  ng kanilang bakuran.

Sinimulan niyang  awitin  habang  naglalakad ang kanta na sarili  niyang komposisyon .Sumulat  kasi siya ng isang awitin para kay Belinda. Matagal niyang hinintay  ang pagkakataong iyon para maiparating sa dalaga ang awit na nasulat niya sa sobrang  pagmamahal. Palakas  nang palakas  ang kaba sa dibdib ni Berto habang  naglalakad  siya papalapit  sa bahay nina Belinda.

Ilang saglit pa, sinimulan na niyang tipahin ang gitara at umawit  ng isang kundiman para sa babaeng nililigawan.Nasa kalagitnaan na  siya ng pagkanta nang unti-unting bumukas ang bintana sa taas ng  bahay na iyon.  Lalong pinagbuti ni Berto ang  kanyang pag-awit.

Maganda ang boses ni Berto. Alam niya na maski paano, hindi  siya mapapahiya basta kantahan ang usapan.  Nang bumukas  ang  bintana na gawa sa kapis, lumabas sa bintana si Belinda. Pero sa halip  na makinig, sinigawan nito ang lalaking nagha-harana.

“Hoy Berto!” Pwede ba? Huwag ka nang mang-istorbo! Umuwi ka na! May nobyo na  ‘ko at nalalapit na ang kasal namin!” sigaw ni  Belinda.

Kasabay nito, isinara ni Belinda nang padabog ang bintana.  Natigilan sa pag-awit ang kaawa-awang si Berto.  Sayang. Ni hindi  man lang  hinayaan ni Belinda na matapos ni Berto ang awitin. Sa  totoo lang,  hindi naman talaga umaasa si Berto. Alam niya kasing  hindi rin siya ang pipiliin ni Belinda. Naglakas loob siyang pumunta sa bahay   na iyon para kahit man lang sa una  at huling  pagkakataon ay maiparating  niya sa dalaga ang nasa loob niya-ang kanyang paghanga na hindi nagbago simula nang makita niya si Belinda.

Napayuko si Berto. Hindi na halos niya namalayan ang pagpatak ng luha  sa kanyang mga mata dahil sa pagkabigla. Malungkot siyang  naglakad papalayo sa bahay na ‘yon.

Simula ng gabing ‘yon, marami ang nagulat nang makita na lang  si Berto na pasuray-suray sa daan.  Palagi itong lasing. Dinibdib niya nang matindi ang kabiguan sa pag-ibig.

Ilang buwan pa ang lumipas,  ikinasal si Belinda sa kanyang nobyo. Isang gabi,  umupo sa terrace si Berto. Nakatingin ang binata  sa malayo, habang sinimulang kalabitin ang kwerdas ng kanyang gitara.  Gusto niyang damhin ang lungkot ng gabi, habang iniinom niya ang  isang bote ng lambanog.  Humuni si Berto ng isang awit. Hindi na niya sinambit pa ang lyrics ng kanta dahil maaalala lang niya ang masakit  na panlalait sa kanya ni Belinda.

Isang musika na lumibang sa kanyang kalungkutan. Isang  huni  na tanging  ang mga kuliglig  lamang ang nakakarinig…..

Nakadama ng kaunting kapayapaan si Berto. Ganito  na nga pala marahil ang gagawin niya sa tuwing  maaalala niya na may asawa na si Belinda.

Subalit sa sumunod pang mga gabi na tumutugtog siya sa kanilang  bakuran,  wala siyang kamalay-malay na may isang  babae pala ang humahanga sa kanyang musika. Biglang nakaramdam ng kilabot si  Berto noong gabing ‘yon. Tumayo ang kanyang  mga balahibo na para  bang may mga matang nanonood sa kanya.

“Pssttt….

Napalingon ang binata. Hinanap niya kung saan nanggaling ang tinig na ‘yon.  Nang wala siyang makita,  nagpatuloy siya sa pag-awit at sa pagtugtog ng gitara. Hanggang  sa may bigla na lamang lamig na  dumampi sa kanyang mukha. Naramdaman ni Berto na parang may tao sa kanyang likuran.

Daha-dahan siyang lumingon at…

“AAAHHHH!!!!”

Napakalakas ng sigaw ng binata dahil sa kanyang nakita. Nasa likuran  niya ang  isang babae na maikli ang buhok.  Nakasuot ito ng itim na saya. Subalit  ang nakapagtataka, wala itong mukha!

“A -anong  kailangan mo sa akin?’

“Matagal na akong nakikinig sa harana mo, Berto.  Ang himig na  walang salita. sanay maialay mo ito sa akin….” sagot ng babae.

Lalong nasindak ang binata nang makita  nito na  walang tuhod ang babae. Nakalutang lang siya sa kanyang harapan…”

Hanggang ngayon, hindi pa rin nakikita ng mga kapitbahay niya si Berto.  Palaisipan pa rin sa kanila ang misteryong pagkawala  ng binata.

 

 

Leave a Reply