GRADUATION DAY

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

By: Alex Cruz

Unang araw ng enrollment sa isang elementarya sa Tondo,  Manila.  Ang mga graduate sa kinder sa nasabing  paaralan ay inaasahan  na daragsa para magpa-enrol maging ang mga batang galing sa  ibang eskuwelahan. Si Ka Rolly, ang opisyal na photographer  ng school ay maagang   nakaabang sa gate ng paaralan para abangan ang mga magulang  ng  grumadwyet na kinder para ibigay ang mga litrato  sa graduation.  Iyon  ang pagkakataon niyang maging pera ang mga larawan na matagal  ding naitago dahil sa inabot na sila ng summer vacation.   Sa ‘di kalayuan ay natanaw niya ang mag-inang Mrs. Delos Reyes at ang anak nitong si George. Isang ngiti ang kanyang naging pagbati. “Tingnan ko nga ang mga kuha ng anak ko,” sabi ni Mrs. Delos Reyes.

Ibinigay ni Ka Rolly ang mga litrato. “Okey. Maganda. Pero Ka Rolly , wala akong dalang pera ngayon,”  litanya ni Mrs. Delos Reyes.  Biglang kambiyo ng aura ang photographer. Medyo naasar. “Ang mabuti pa’y dalhin  mo na mamaya sa bahay namin ang litrato.”

“Saan po ba ang  bahay ninyo?”

“Pagtawid mo lang doon sa kabilang kanto. Ipagtanong mo lang ang  pangalan ko.”

Dismayado man si Ka Rolly ay wala siyang magagawa. Puwede ba  naman niyang mapilit ang taong magbayad na naiwanan ang pera sa bahay?

“Puwede bang magpakuha kami ng anak ko,  Ka Rolly. Souvenir lang sa enrollment,”  hirit ng babae. “Isama  mo na  sa ide-deliver mong  litrato sa bahay.”

Dagdag sa asar, tumalima si Ka Rolly. “Saan n’yo gustong  magpakuha?”

“Kahit dito na lang.”

“Pangit ang view dyan. Doon na lang sa loob ng eskuwelahan,” ang  suhestiyon ni Ka Rolly.

“Okey lang dito,” ang pilit ng ginang.

Customer is always right.  Ipinorma niya ang kamera at pinitikan  ang mag-ina.  Nakangiting  pumasok ang mag-ina sa loob ng eskuwelahan.   Balik sa paghihintay si Ka Rolly sa iba pang magulang  para sa mga  nalalabi pang litratong dapat niyang bayaran. Nang maging pera  na ang nalalabing larawan ay umuwi muna si  Ka Rolly para i-develop ang  huling kuha  ng mag-inang  Mrs. Delos Santos.

Sa kanyang  mini-dark room dini-develop ang lahat ng kanyang  mga kuhang litrato. At laking  pagtataka niya nang blankong lumabas  sa papel ang kuha niya sa mag-ina. “Bakit nga ba naging ganito?” napakamot siya sa ulo.  Dismayado siya sa sarili kung bakit pumaltos  siya sa  pagkakataong  iyon.  Kung hindi siya nagkakamali ay iyon  ang kauna-unahang  kapalpakang nangyari sa kanya simula nang maging professional siya sa larangan. Ganoon pa man ay dala ang kuha sa graduation na pupunta  siya sa bahay nina Mrs.  Delos Reyes. Malapit  lang iyon sa kanilang  bahay kung kaya nilakad lang niya. Natunton niya ang lugar. At malayo pa lang siya  ay tanaw niya ang maliwanag na bahay ng mga Delos  Reyes. At obvious na may  patay sa bahay na iyon.  Tumuloy siya sa bakuran ng bahay na kung saan ay dinaanan niya  ang mga taong naroon na pawang nagsusugal at ang iba ay abala sa mga  card games para palipasin  ang oras.

“Nariyan po si Mrs. Delos Reyes?” tanong niya sa  isang matanda  na nanonood  ng tong-its.

“Hayun po ang asawa,”  sabay turo sa lalake na nakaupo malapit  sa dalawang kabaong  na pinaglalamayan.  Nagpakilala siya at iniabot ang mga larawan ng graduation.  At sa  pagtataka niya ay biglang napahagulgol ang lalake. Nalilito man sa inasal ng lalake ay napasungaw siya sa kabaong. At laking pagkagimbal niya  nang makita sa loob nito si Mrs. Delos Reyes at nasa tabi ang kabaong ng anak.  Naging balisa ang araw ni Ka Rolly nang mismong sa asawa ni Mrs. Delos Reyes nalaman ang malagim  na nangyari sa mag-ina. “Masaya pa kanina ang aking mag-ina dahil enrollment ng aking  anak sa grade one. Naroon ang kasiyahan sa aming mag-asawa dahil   mag-aaral na nga si  bunsoy.  At hindi ko inaasahan na malagim ang sumunod na mangyayari, ” kuwento ng asawa  na hindi mapigilan ang pagdaloy ng luha. “Diyan sa mismong  harapan ng aming  bahay ay nabundol sila ng sasakyan.

Nabayaran man ni Mr. Delos Reyes ang kanyang inihatid  na mga  larawan ay nakaramdam siya ng panlulumo. Ni hindi  na niya magawang  ikuwento pa ang nangyari noong umaga.  Bumalik si Ka Rolly  sa eskuwelahan at nagtanong sa teacher na tumatanggap  ng mga enrollees  kung may nag-enroll na Delos Reyes. At lumabas sa listahan na wala.

Sa kanya  lang nagpakita ang mag-ina. At hindi na niya ikukuwento  pa ang nangyari sa pag-aalalang  pagtawanan lang siya. Maganda sanang ebidensya  ang huling kuha ng mag-ina kung nagrehistro lang sana ang kanyang kamera.

Anim na taon ang lumipas.  Nakalimutan na ni Ka Rolly  ang multo ng mag-ina.  Maaga siya sa eskuwelahan dahil graduation. Magiging abala siya sa araw na iyon.  Sa paghihintay sa gate  ng iskul  ay bigla na  lang niyang   naalala ang nangyari sa kanya noon.  Naisip niya na sana’y  kasama sa graduation ang anak ni Mrs. Reyes kung hindi ito  namatay.

Bigla ay maraming bagay ang naglaro sa kanyang isipan.  At ang  isang katanungan ay paano kung muling lumitaw doon ang multo ng mag-ina para dumalo sa graduation? Natawa na lang si Ka Rolly. Iniisip niya isang malikmata lang ang nangyari sa kanya noon.  At hindi na muli mangyayari sa kanya sa pagkakataon iyon.

Nagdatingan na ang mga gagradweyt  at ang hinihintay na pagdating ng mag-inang multo ay hindi nangyari. Nagsimula ang graduation.  At sa bawat tawagin na pangalan ng bata para tanggapin ang diploma ay kuha  lahat ng kamera ni Ka Rolly.  Natapos ang graduation. Naging abala sa pagdevelop ng mga  pictures ng graduation si Ka Rolly ng sumunod na araw. At di niya  Akalain  na sa sandaling  hindi inaasahan ay doon niya makikita ang mag-ina. Isa sa kuha niya sa stage ng eskuwelahan na kung saan tinatanggap  ng mga estudyante  ang diploma ay naroon ang mag-ina na nakatayo at   kitang-kita ang saya sa kanilang mukha.  Nang matuyo ang larawan ay humangos siys papuntang bahay ng mga Delos Reyes. Pagkakataon na ikuwento niya ang karanasan. May ebidensya na siya sa bahay ng mga Delos Reyes nang tingnan muli  ang larawan na inilagay niya sa brown envelop. At laking gulat niya   na nawala ang imahe ng mag-ina  sa larawan.  Hindi na siya tumuloy .  Sa halip ay tumungo  siya sa eskuwelahan  at ikinuwento   ang naging karanasan sa kaibigan niyang security guard na si Rael. Kailangan niya  iyon para mabawasan ang takot at bigat na dinadala. Pero gaya nang  inaasahan niya, hindi siya pinaniwalaan.  Ganoon pa man,  medyo gumaan din and pakiramdam ni Ka Rolly  dahil nai-share niya ang experience sa iba kahit  pa nga hindi siya  pinaniwalaan.  Sa kanyang pag-uwi sa kanila ay naglalaro sa isipan ang  positibong pananaw sa mag-ina. Naisip niya  na hindi man nagkaroon ng kaganapan ang pag-aaral  ng bata dahil sa trahedya ay naroon sila  at maligaya para makibahagi sa mahalagang yugto ng pag-aaral-ang graduation day.

Leave a Reply