BATA

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

By: Sharron R. Navera

Natatandaan ba ninyo ang urban legend ng isang mall na may  sinasabing  ahas na  nakatayo sa isang fitting room? Ang kuwento, isang  “kakambal”  daw ito ng may ari ng  Department store at naghahanap ito  ng magagandang babae at biglang bubukas ang  trap door sa sahig  ng fitting room at mawawala ang babae. May isa  pa ngang kilalang artista  na sinasabing  nalaglag sa trap door na ito.

Imagine, ang kuwentong ito ay buhay na noong ako ay 4 years old pa lang,  taon ng 1978. Dahil dito madaming mga namimili ng damit   nagtatantiya na lang  ng sukat  ng bibilhin nila at hindi na sa fitting room.  Grabe  ang nagong epekto sa tao noong panahong iyon. Ngayon bagong renovate na mall ganun parin  ang umiikot na kuwento.

Pero walang trap door dito. At wala rin ahas o mala-“Zuma” ang dating na monster sa basement nito.  Ang natatandaan ko lang, may multo…yes, multo.

1978:

Panahon ng  1978, sobrang tanda ko  ang incident na ito kasi ito ang unang beses na sumama ako sa isang doppelganger,  at nawala ako ng ilang oras.

Kakasweldo lang ng auntie ko sa kanyang opisina,  umaga pa  lang ng araw ng linggo,  excited na ako  sa lakad namin dahil ibibili nanaman niya ako ng  bagong manika. Nagsimba muna kami sa Sto.  Nino Church, at tumuloy kami sa mall na iyon. Kumain muna kami  ng tanghalian kasama ang pinsan kong si  Harry, si Auntie at ang lola ko.  Nagpasya si Auntie na bumili muna  ng damit niya.   Hindi pa tulad ngayon ang ayos ng racks,  halo-halo pa  ito at pabilog, minsan may maliit na platform sa gitna na lagi naming  pinaglalaruan ni Harry. Nakasuot  si Auntie nuon ng light  blue na body fit na  T-shirt (na  ngayon ay “tee”  na ang  tawag) at siyempre dahil 1970’s. Kombinasyon din ang  walang kupas  na bell-bottom. Ang lola ko naman  ay naka-brown na may mocha  printed  silk at stretchy pants. Si Harry, as usual ay  pareho ko ang suot na blue  Adidas shirt, pero siya naka-maong pants….at  ako red pants naman.

Naglalaro kami ng hide-and seek ni Harry sa mga racks, si Lola  naupo kasama si Auntie habang  pumipili ng damit. Biglang nawala si Harry pero pilit  ko na  sinundan ito,  dahil natandaan ko naman ang damit niya na pang itaas. Pero may kamay na biglang humarang sa harap ko at narecognize ko ang kulay ng damit ni Auntie.  Hinawakan ko ang  kamay niya pero ubod ito ng lamig.

Pumasok kami sa isang maliit na pinto ng mga damit na nakadisplay sa mga dingding. Akala ko may kukunin siyang damit  sa loob nito at duon mamimili.  Napunta ako sa liwanag na lugar na puno ng ilaw.

Parang napakalayo ng hallway na ito, may mga nadadaanan ako  na halos nakakapaso ang ilaw. Sa dulo  nito may isang lalaki na  nakaupo sa isang bangko, may hawak na gitara at nakita ko siya, walang mukha, parang sinunog at dinukot ang kanyang mga mata. Nilingon ko ang inakala kong “Auntie” ko,  at nakita long walang  rin itong mukha….

Bigla akong sumigaw  at nilapitan ako ng isang saleslady. Tinanong ako kung nasaan ang mga kasama ko. Hindi ko alam kung paano pero nakabalik ako sa lugar kung saan ako nawala nuon.

Maya-maya nakita ako ng lola ko,  and as usual,  kinurot niya ako sa tenga… wala tuloy akong manika nuong araw na iyon.

1987….

Ilan taon ang nakalipas, bumalik ako sa department store dahil  bibili ng damit si lola para sa pinsan ko na si Gail.  Napadaan ako sa  mga rack ng damit. Dahil  magkalapit lang ang mga damit pangbata at  matanda,  sinabi ng lola ko na pumili na ako ng damit ko.

Kinilabit ako ng lola ko at sinabing samahan ko siya. Hinawakan ko ang kamay niya.  nakaputi pa siyang pang itaas dahil kakamatay pa lamang ng lolo ko kaya nagluluksa pa lahat ang pamilya.

Dinala niya ako sa maliwana na lugar. Natandaan ko  ang lugar na ito.  In-expect ko na  sa dulo nito ay ang lalaki na walang mukha.   Nang biglang lumitaw siya sa harap ko, nagulat ako.  Dali-dali  akong tumakbo, pagdating ko sa pinagmulan ng hallway, ayaw bumukas ng pintuan.  Nang may kamay na nagbukas nito, tumingala ako nakita ko ang isang matanda… na recognize ko ito bilang lolo ko, sabi niya na wag akong matakot sa mga nakikita ko at makikita ko.

Nagising na lang ako sa harap ng isang mannequin. Kinalabit ako ng lola ko at sabi kanna pa niya ako hinahanap.

2001:

May isang events coordinator na inimbitahan ako sa kanilang  event.  Halos dalawang taon na ang nakakalipas  nang marenovate ang  Mall na ito.  Pinalaki  ito at  dinagdagan ng mga stalls.  Since  pareho  pa  rin ang mga entrance at exits  nito sa dating structure,  hinanap  ko ulit  ang  lugar  na kung saan ako naligaw nuong bata at nuong  teenager  ako.

Halos  walang  pinagkaiba ang lugar,  may mga racks pa rin pero  may mga designated na  consigners. Medyo  lumuwag na rin ang pinakasentro nito, nawala na rin ang malaking fountain sa gitna na sinasabi  sa kuwentong  pinagkukunan ng tubig ng “ahas” sa ilalim.

Sa puntong  iyon  wala akong nararamdaman kakaiba. Kinagabihan tumulong ako sa pagtayo ng mga booths at activity area ng kanilang  event.  Sarado  na ang lahat  ng tindahan,  mga gwardia na lang  ang natitira para magronda. Inabot kami ng hatinggabi  sa pag-aayos,  nang may nakita akong isang babae na dumaan sa may gitna  ng activity  area,  huminto sa harapan ng department store.  Tinawag naming ang isang gwardia na nagroronda  at ininform siya  tungkol sa babae.  Binuksan niya  ang flashlight at nang maaninag ang babae, hindi lumingon ito.  Nakasuot ng maong na overalls at mga  10-12 years old siya, nakatali  ng pataas ang buhok niya, may medyas na kulay pula at terno na t-shirt na  ang kalahati ng laylayan ay nakalitaw sa labas ng kanyang pantalon.

Nilalapitan siya ng gwardia,  habang  niraradyo  ang description, nang sinabi ng kausap niya sa kabilang linya na huwag itong  lapitan. Nagulat ang guwardia nang makita niyang unti-unting  nawawala  ang babae sa lugar. Biglang  sumigaw ang event coordinator at sinasabing  umalis na kami.

Ilang sandali lang, dumating na ang head security. Tinanong  kami agad kung nilapitan namin ang multo. Lahat kami nagsabi na hindi kami gumalaw man lang sa kinaroroonan. Sinabi niya na kapag nilapitan namin ito  bigla nalang kaming mangingisay at matutumba… hanggang  mawalan ng malay. Ang huling guwardia na lumapit sa multo ay  biglang nawalan ng malay at namatay kinabukasan sa bangungot. Pero dahil sa kinukulit ako  ng event coordinator na umalis  na sa  lugar,   agad na pack up kami at bumalik kinabukasan bago nagbukas  ang mall. Isa ako sa unang dumating, kasama ko ang isang guwardia at  naglibot kami sa lugar.

Dumating ako sa harap ng department store kung saan ako  nawala nuon… napansin ko na ito rin ang lugar kung saan nakatayo ang  bata.  Dahil sa malapit nang magbukas  ang mall,  unang nabuksan ang  pintuan sa harap ng tindahan. Pinasok ko ito at lumibot sa lugar.

May lumapit sa akin na saleslady, sinabi na napakaaga kong mamili,   sinabi ko na may hinahanap akong damit para sa event. Tinanong  ko sa kanya kung may nakikita siyang bata na naka suot ng overalls at pulang T-shirt, sabi niya minsan daw ay may naglalakad sa mga racks,  ang kwento pa daw may isang bata na naligaw sa loob ng construction site sa kalapit na  apartment complex, habang nag-iikot doon, nakaapak ng live wire at nakoryente hanggang mamatay.

Sa kakaikot ko,  naaninag ko ang batang  babae. Sinundan ko ito  at maya-maya napadpad ako sa isang maliwanag na kwarto.  Nakita ko  ang isang lalaki sa dulo nito, kapareho ng nakikita ko simula nuon pa.  Sinabi ko  sa kanya na hindi na ako natatakot sa kanya,  kundi tutulungan ko pa siya.

Agad na lumiit ang kwarto, hanggang unti-unting dumilim,  at napansin ko ang sarili kong nakaupo sa sahig. Nasa harap ko ang  batang babae, napansin ko ang isang  malalim na sunog sa kanyang mukha,  mula  sa kanan tenga hanggang sa leeg niya sa kaliwa. Pilit na ngumiti siya sa akin.

Hanggang ngayon,  hindi ko parin alam kung bakit may isang  “portal”  sa lugar na hinihila ang mga tao. Sabi nila na ang lugar  daw na iyon ay may nakatirang mga engkanto na dinala  ng may-ari nito  para maging masuwerte ang mall.  Madami na rin nagtangka na i-quest  ang lugar o hanapin ang trap door,  pero lahat ng ito ay hindi man lang  nagkaroon ng tunay na report… siguro isa sa mga araw  na ito,  maaring  makasama ko ang team namin para hanapin ito.

Leave a Reply