BANGA

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

By: Mickoy Villabona Patacsil

Sadyang mahilig mangoleksyon ng mga antiques ang Auntie Jovie ko mula ng namatay si Uncle Luis dahil sa cancer sa baga. Simula sa mga maliliit na furniture hanggang sa pinakamalalaki ay konikoleksyon niya eto. Isa sa mga koleksyon niya ang di namin makakalimutan ang Banga na nabili niya pa sa Bengued.

Gawa ang banga sa napakatigas na kahoy at halos anim na talampakan ang taas nito at sadyang malapad. Kasyang kasya ang isang tao sa loob ng Banga. Ginagamit daw ang banga noon sa pag-iimpok ng tubig. Ipinuwesto ang banga sa bahay ng Auntie ko sa may pintuan papunta ng garden. May kalakihan kasi ang bahay ng Auntie ko dahil alahera ito ng mga alahas at apat ang pawnshop nito sa aming lugar dito sa Mariveles.

Unang araw pa lamang ng dumating ang banga sa bahay ay mabigat na ang pakiramdam namin dito except sa AUntie ko. Pati ang dalawang anak ng Auntie ko (mga pinsan ko) ay may takot na nararamdaman sa banga. Sa itsura pa lamang nito na halos kulubot na ang kahoy ay makikita ang kakaibang mga pulang linya nito sa buong bahagi nito. Kulay pula na kasing kulay ng dugo.

Isang umaga habang naglilinis si Aling Merced (kasambahay) sa may garden ay bigla na lamang ito napasigaw. Dali-dali akong lumapit dito at sinabi niya na may nakita daw siyang isang maitim at malaking tao na dumaan sa kanyang harapan at pumasok daw ito sa loob ng bahay. Dahil bakasyon din ng mga panahon na yun ay naroon ang aking mga pinsan at narinig ang sinabi ni Aling Merced.

“Saan nyo po banda nakita Aling Merced?” Tanong ni Kuya Ronnie sa matanda, Si Kuya Ronnie ang panganay na anak ni Auntie Jovie.

“Ate Roxy natatakot ako.” Sabay akap sa akin ni Katrina ang bunsong anak ni Auntie Jovie, pitong taong gulang na ito samantalang si Kuya Ronnie naman ay 15 years old. 13 years old ako ng mangyari lahat ng kababalaghan na ‘to.

Sabay-sabay namin pinasok ulit ang bahay galing sa hardin. Hinalughog ang lahat ng kwarto at pati stock room ay binuksan upang malalaman kung may maitim na tao ba na nakapasok sa loob. Ngunit wala kaming nakita.

Minsan habang may mga bisita si Kuya Ronnie sa bahay, mga kabarkada. Nagpra-praktis sila ng sayaw para sa magaganap na dance workshop sa subdivision. Napansin daw ng isang kabarkada ni Kuya Ronnie na may malaking tao na nakasilip daw sa banga. Nasa loob daw ito ng banga at tangi ang ulo lamang nito ang nakalabas.

Nilingon agad ni Kuya Ronnie ang kinaroroonan ng banga ngunit wala naman itong nakita. Unti-unti nito nilapitan ang banga at kumuha ng upuan na matutungtungan at dahan-dahan nito sinilip ang loob. Madilim ang loob ng banga at nagsalita si Kuya Ronnie.

“May tao ba sa loob ng bangang ‘to?” Tanong nito. Ngunit walang tugon kaya ipinagkibit balikat na lamang ito ni Kuya Ronnie. Ngunit sadyang pinaninindigan ng kabarkada ni Kuya ang nakita nito.

Habang naghahapunan kami at masayang nag-uusap sabay nasambit na lamang ni Katrina ang tungkol sa banga sa ina.

“Mommy, pwede itapon na natin yung banga? Nakaktakot kasi ang itsura.” Wika nito sa ina.

“Anong nakakatakot doon anak? At isa pa napakamahal ng bili ni Mommy sa banga na yun at halos 100 years na ang banga na yun anak.” Sabi ni Auntie Jovie.

“I suggest mommy ibalik mo na lang sa pinagbilhan mo yang banga na yan. Iba kasi ang binibigay nito na vibes sa bahay.” Dagdag ni Kuya Ronnie.

“Kung ayaw ninyo sa banga eh di wag ninyong tignan! Wala namang ginagawang masama sa atin yang banga na yan at bakit yan ang pinagdidiskitahan ninyo!” Sabay sigaw sa amin ni Auntie Jovie. Halos lahat kami ay nagulat sa reaksyon ni Auntie.

Halos nanguilid ang luha ni Katrina dahil sa inasal ng ina.

“Mommy, what’s going on? We are just suggesting kung ano ang dapat gawin sa banga.” Sambit ni Kuya Ronnie.

“Sorry mga anak ha. Maski ako hindi ko naintindihan ang inisal ko.” Gulat din na tugon ni Auntie Jovie.

“Sige na tapusin na natin ang pagkain para makapagpahinga na din tayo. Pagod lang siguro ‘to dahil sa trabaho.” Wika ni Auntie Jovie.

Sa taas na palapag ng bahay natutulog ang mag-iina sa kanilang mga sariling kwarto. Habang ako naman sa guest room sa ibaba malapit sa sala at sa sliding door papunta sa hardin. Pag labas mo ng pinto ng kwarto ko ay matatanaw mo na agad ang banga na nasa labas ng sliding door. Katabi ng kwarto ko ang kwarto ni Aling Merced.

Dito muna ako pinagbakasyon ni Nanay habang inaayos nila ang relasyon nila ng Tatay ko. Sadya kasing napakababaero ng Tatay ko. Magkapatid si Auntie Jovie at nanay ko. Matanda ang nanay ko kay Auntie Jovie at tanging kabuhayan namin sa amin sa bataan ay pagtatanim at pagbebenta ng gulay.

Ako lang din naman ang nag-iisang anak kaya medyo di naman ganun kahirap ang buhay namin. Isang gabi habang nanonood ako ng palabas sa telebisyon sa aking kwarto ay napansin ko na may dumaan ng napakalaking anino sa bintana ko.

Kitang kita ko ang hugis ng isang lalaki maski anino lamang ito. Dali-dali akong lumapit sa bintana at kinapitan ang medyo may kanipisan na kurtina at dahan dahan itong binuksan ngunit wala akong nakita na kalake sa labas. Walang tao sa may hardin. Inayos ko na ulit ang kurtina ng biglang may kumatok sa pinto ng aking kwarto.

Patungo na ako sa pinto ng sabay namatay ang TV. Pero isinawalang bahala ko muna ito. Pagbukas ko ng pinto ay kitang kita ko na putlang putla si Aling Merced at umiiyak ito.

“Roxy, pwede bang dito na muna ako makitulog sa kwarto mo?” Tanong nito habang takot na takot.

“Sige po. Pasok po kayo.” Anyaya ko sa kanya sa loob ng kwarto.

“Ano po bang nangyari Aling Merced?” Tanong ko sa matanda.

“May kumatok sa kwarto ko akala ko si Jovie o ang mga bata at baka nagugutom kaya bumaba. Pero ng buksan ko ang pinto ng kwarto ko isang napaka-itim na lalaki ang nakatayo sa labas ng pintuan ko. Matangkad ito siguro nasa mga anim na talampakan ang taas. Puting puti ang mga mata nito at wala kang makikitang itim sa mga mata niya. Mahahaba ang kanyang mga daliri sa kamay at paa at may mahahabang pangil ito. Nakangisi ito ng buksan kko ang pintuan tapos nun nagsisisgaw na ako ng tulong!” Kwento ni Aling Merced.

“Nakakapagtataka naman Aling Merced ni wala akong narinig na sigaw mo at magkatabi lang ang kwarto po natin.” pagtataka kong tugon kay Aling Merced. Natulog kaming magkatabi ni Aling Merced ng gabing yun at ramdam ko ang takot niya.

“Merced! Roxy! Ronnie! Katrina! Hali nga kayo dito!” Halos basagin ni Auntie Jovie ang umaga dahil sa lakas ng sigaw nito! Paglapit namin lahat sabay ito nagtanong.

“Asan ang banga dito?” Sabay turo sa kung saan nakalagay ang banga ngunit wala ito sa kinalalagayan niya.

“Sino ang nagsabi sa inyo na tangalin ang banga ko dyan?” Galit na tanong ni Auntie Jovie.

“Jovie, wala naman gumagalaw sa banga dyan. Sa laki at sa bigat nun sa tingin mo kaya eh makakaya namain ilipat yun. Walong lalaki nga ang nagpasok noon dito hindi ba noong dinilever.” Sagot ni Aling Merced. Sabay natahimik si Auntie Jovie at nakapag isip.

“Ano ibig mo sabihin Merced na kusang naglakad ang banga kung saan?” Sarcastic na tanong ni Auntie Jovie sa kasambahay.

“Mommy! Andito ang banga o!” Sigaw ni Katrina sa labas ng bahay.

“Paano napunta diyan sa gitna ng hardin ang banga?” Tanong na may halong pagtataka kay Auntie Jovie.

“Hala pagtulungan natin iurong ulit ang banga doon sa pwesto niya. Utos ni Auntie.

Pinilit naming pagtulungan iurong ang banga at ibalik sa kanyang kinalalagyan ngunit sadyang napakabigat nito. Dahil na din sa uri ng puno na ginamit dito. Dahil sa sobrang bigat ay hinayaan na lamang namin eto na nakapwesto sa gitna ng hardin.

“Merced! Roxy! Sino ang nagbalik ng banga sa may sliding door?” Sigaw ni Auntie Jovie.

Agad namin tinungo ang kinaroroonan ni Auntie. Nagulat kami sa nakita na ang banga na napakahirap ilipat kahapon ay bumalik sa kinalalagyan nito.

Takang taka kaming nagtitinginan nila Aling Merced at Auntie Jovie.

“Ano bang nangyayari dito?” Tanong ni Auntie Jovie sa amin. Bago pa lang kami makasagot ni Aling Merced ay narining namin na nagsisisigaw si Katrina sa kwarto niya.

Tumakbo kami paakyat sa ikalawang palapag ng bahay at timing naman na lumabas din ng kwarto si Kuya Ronnie at binuksan ang pintuan ng kwarto ni Katrina. Pagbukas ng pinto ay nakita naming nakatalukbong ng kumot si katrina sa kama at nangimginig ito sa takot.

“Mommy may malaki at maitim na tao dito sa room ko. Nakakatakot itsura niya Mommy!” Takot na pagsusumbong nito sa ina.

“Ikaw ba ang pumasok sa kwarto ko kagabi Ronnie?” Tanong ni Auntie Jovie kay Ronnie habang yakap-yakap si Katrina.

“Hindi po. Ang aga ko nga nakatulog kagabi eh.” Sagot ng panganay nitong anak.

“Eh sino yung nagpatay-sindi ng ilaw ng banyo ko kagabi?” Tanong ni Auntie.

“Hay naku kung kailangan magpa-bless ng bahay gawin natin!” Sabi ni Auntie Jovie.

“Kung ano-ano na kasi ang iniisip ninyo na katatakutan dito sa bahay at lalo na dyan sa banga kaya kung ano-anong himahinasyon ang pumapasok dyan sa mga utak ninyo!” Sambit ni Auntie Jovie sa amin.

Noong hapon din na yun ay pumunta ang pari parokya ng lugar sa bahay at kasama nito ang dalawa nitong sakristan. Nagpahanda si Auntie ng kaunting mapagsasaluhan na pagkain para sa blessing ng bahay.

“Kakaiba ang presensya na meron sa bahay mo Mrs. Reyes. Kakaibang init ang nararamdaman ko dito sa loob at labas ng iyong tirahan. May kasama kayo dito na hindi natin kaparehas.” Wika ni Father Jorge.

“Naku Father kaya nga po ipinatawag ko kayo dahil madami daw nakikita ang mga kasama ko dito sa bahay ng kung ano-ano. Kaya nga po ipapa-bless ko po ulit ang bahay.” Tugon ni Auntie.

Pagkatapos maghanda ng Pari at ng mga sakristan ay nagsimula na ang pagbebendisyon sa loob ng buong bahay. Pagbaba namin galing sa mga kwarto sa pangalawang palapag ng bahay ay tinungo na namin ang sliding door palabas ng garden. Ngunit sa kung anong kadahilanan ay bigla itong sumarado.

Hinawakan ng sakristan ang sliding door ngunit napaso ang mga ito dahil sa init ng pintuan. Pagkalayo ng lahat sa pinto ay kusa itong bumukas ulit. Halos lahat ay nagtataka sa nangyari.

“Walang aatras! Itutuloy natin ang pagbebendisyon!” Wika ni Father Jorge. Pagdating namin muli sa sliding door ay sinabuyan ng Pari ng agua bendita ang pintuan at kusang walang nangyari dito. Binasbasan ng pari ng agua bendita ang Banga at lahat kami ay nagulat sa aming nakita. Umuusok ang paligid ng banga at kung anong amoy na malansa ang lumalabas dito.

“Alam ko na kung saan nagmumula ang mga kababalaghan dito sa bahay ninyo Mrs.Reyes.” Wika ng Pari.

“May kung anong nilalang ang kasama sa banga ng binili mo ito. Ayaw nito na may ibang kasama sa kanyang teritoryo, Ang buong bahay mo na ngayon ang teritoryo niya at gusto niyang umalis kayo sa tahanan ninyo dahil inaangkin na niya ito.” Wika ng Pari kay Auntie Jovie.

“Naku Father Jorge moderno na ang mundo ngayon. Hindi po ako naniniwala sa mga ganyan. Baka alikabok lang po yung kanina at hindi usok.” Tugon ni Auntie Jovie sa Pari.

“Basta kung kakailanganin mo ng tulong bukas po ang pintuan ng parokya sa inyo.” Pagpapaalala ni Father Jorge Auntie Jovie.

“Ronnie! Ano bang ginagawa mo diyan sa banyo ko anak! Lumabas ka nga dyan!” Sigaw na mando ni Auntie Jovie sa tao na nasa loob ng kanyang banyo.

Binuksan nito ang lampshade sa tabi ng kama at tumayo sa kama at tinungo ang banyo upang sawayin ang anak. Pagdating niya ng banyo ay walang tao siyang dinatnan dito. Pagpatay niya ng ilaw ng banyo habang nagtataka at pabalik na sana ito sa kanyang kama ng biglang sumgiaw ito, Isang napaka-itim na nilalang ang nakatayo sa kanyang kama.

Matangkad ito, puti ang mga mata at may mahahabang pangil. Mahahaba ang mga daliri sa kamay at sa paa at naaaninag niya ang maala-puno na kunot na balat nito.

“Ako na ang nagma-may-ari ng buong teritoryo na ito! Wala na kayong karapatan dito! Umalis kayo sa teritoryo ko!” Sabi ng nilalang kay Auntie Jovie.

Sa sobrang takot ay tumakbo si Auntie Jovie sa pinto at agad itong binuksan una nitong pinuntahan si Katrina at sunod ay si Kuya Ronnie. Kinatok na din kami ni Auntie Jovie at sinabing sumakay kami sa sasakyan at kailangan namin umalis sa bahay.

Agad binuksan ni Aling Merced ang gate ng garahe at nilisan namin ang bahay. Pagdating sa guard house ng gate ng subdivision ay naghabilin si Auntie na tignan ang buong bahay hanggang mag-umaga dahil may emergency.

“Ano po ban nangyayari Ma’am Reyes?” Tanong ni Raul isa sa mga pinagkakatiwalaang Security Guard ng subdivision.

“May kung ano ang meron sa bahay ko! Please paki utusan na lamang ang ibang gurad na bantayan ang bahay hanggang makabalik kami.” Habilin ni Auntie Jovie.

Pinapuntahan ni SG Raul ang bahay namin dahil nga napabayaan namin na bukas ang gate sa garahe ng umalis kami. Pagdating ng dalawang gwardya sa labas ng bahay ay may nakita silang napakatangkad at maitim na lalake na nakatayo sa garahe. Nanlilisik ang mga puting mata nito.

“Umalis kayo dito! Hindi ninyo teritoryo ang lugar na ito!” Nakakapangilabot na boses na may pagbabanta. Sa taranta ng mga gwardya ay pinaputukan nila ito ng makailang beses ngunit andun lamang at nakatayo pa din ang maitim na nilalang. Sa takot agad umalis ang mga gwardiya at nireport ang nangyari sa pamamagitan ng radyo kay SG Raul.

“Father Jorge, kailangan namin ang tulong nyo!” Halos maputol ang hininga ni Auntie Jovie sa takot habang kausap ang Pari.

“Nangyari na ang dapat mangyari!” Tugon ng Pari.

“Antayin nyo ako dito at kukunin ko lang ang aking mga gamit”. Pagkatapos ihanda at ipunin ang mga gamit na gagamitin ni Father Jorge ay sabay-sabay kami na nagdasal sa simbahan bago tumulak pabalik sa bahay. Pagdating namin sa gate ng subdivision ay may kaunting komosyon.

“Raul, anong nangyayari dito?” Tanong ni Auntie Jovie kay SG Raul.

“Ma’am Reyes kayo po ang hinahanap ng dalawang lalaking ito. Galing pa daw po sila ng Bengued at may kailangan daw po kayo malaman.” Sabay turo sa dalawang lalaki. Ang isa ay nasa singkwenta na ang edad at habang ang isa naman ay nasa mahigit trenta na. Paglingon ni Auntie Jovie ay nakilala nya agad ang pinakamatanda na lalaki.

“Apo Lakan? Ikaw ba yan?” Tanong nito.

“Oo, ineng ako nga ito. Alam ko na may nangyayari na di maganada sa iyong tahanan at ilang gabi ko na ito nakikita sa aking mga panaginip. Nasa pamamahay mo siya. Kasama nyo si Apo Udol. Ang ninuno namin na matagal ng namatay. Sa banga na yun inilagak ang kanyang katawan kasama ang kanyang mga ginto at mamahaling bato. Ngunit dahil sa kasakiman ng tao ng makita ng mga taga siyudad at kolektor ang banga sa kweba kung saan ito nakalagak ninakaw nila ang mga gnto at mga bato nito. Itinapon nila ang mga kalansay at buto nito sa kweba at sapilitang dinala ang banga upang ibenta. Kung sino man ang makakabili at magmamay-ari ng banga ni Apo Udol ay di niya ito papatahimikin. Sapilitan niyang kukunin ang lahat ng pag-aari nito maski ang mga buhay ng mga mahal ng taong ito ay kukunin ni Apo Udol” Pagpapaliwanag nito.

“Sumakay na po kayo Apo Lakan. Ituloy na lang po natin ito sa bahay.” Wika ni Auntie Jovie. Punong-puno na ang SUV ni Auntie Jovie.

“Sasama na ako sa inyo Ma’am. Sususnod na po ako sa inyo gamit ang motor ko.” Sambit ni SG Raul. Pagdating namin lahat sa labas ng bahay ay patay na ang mga ilaw.

“Merced, pinatay mo ba ang mga ilaw ng umalis tayo?” Tanong ni Auntie Jovie sa kasambahay.

“Hindi ko matandaan Ma’am. Basta alam ko bukas ang mga ilaw ng nagkakagulo tayo kanina sa bahay at bago tayo umalis.” Takot na tugon ni Aling Merced.

“Huwag tayo matakot sasama natin harapin ito kasama ang Diyos.” Wika ni Father Jorge habang bumababa na kami sa sakyan.

“Merced dito lang kayo sa loob ng sasakyan ng mga bata, Raul baka pwede mo silang samahan dito?” Pakiusap ni Auntie kay SG Raul.

“Sige ako na bahala sa kanila Ma’am.” Tugon ni SG Raul.

“Ihanda mo ang mga alay at pangontra Salel. Mukhang napakalas ng presensya ni Apo Udol.” Utos ni Apo Lakan sa kasama. Naiwan kami sa loob ng sasakyan. Nakaupo kami sa passenger seat nila Kuya Ronnie at Katrina. Sa harapan naman ay nakaupo si Aling Merced at sa Driver seat nakaupo si SG Raul. Pumasok na sa loob ng bahay sila Auntie Jobie, Father Jorge, Apo Lakan at Salel.

“Ano ba ‘to? Yang Nanay niyo naman kasi eh kung ano-ano ang binibili na antique diyan sa bahay. Ayan tuloy may kung ano sa demonyo ang kasama ng banga na yan.” Sambit ni Aling Merced.

Napatigil ang lahat ng may makita si SG Raul.

“Ano yan?!?” Sigaw nito sabay turo sa lalaking itim na nasa harapan ng sasakyan. Halos takot na takot kami dahil unti-unti nitong niyuyugyog ang sasakyan ngunit nakatayo lamang ito sa tapat ng sasakyan. Sa sobrang lakas ng pagkakayugyog ay halos tumatama na ang aming mga ulo sa mga salamain ng bintana ng sasakyan. Nagsisigawan na kami sa loob ng sasakyan pero parang di kami naririnig ng mga tao na nasa bahay.

Naramdaman na lamang namin na tumigil na ang pagyugyog ng sasakyan at ng buksan namin ang aming mga mata ay wala na sa kinatatayuan niya ang nilalang. Halos tahimik kaming lahat sa loob ng sasakyan ng bigla na lamang sumigaw si Katrina!

“Andito siya sa loob ng sasakyan!” ng paglingon namin sa aming likuran andun at nakaupo sa third row seat ang maitim na nilalang at nakangisi ito sa aming lahat! Sa taranta ay agad kaming lumabas ng sasakyan at tumakbo papasok sa loob ng bahay. Nagulat na lamang sila kung bakit kami lahat ay namumutla.

“Anong nangyari sa inyo?!? Raul anong nangyayari?!?” Tanong ni Auntie Jovie sa amin habang yakap si Katrina dahil sa takot ay umiiyak na ito. Ipinaliwanag ni SG Raul ang nangyari.

“Huwag tayong maghiwahiwalay. Galit na siya dahil bumalik kayo sa teritoryo niya. Padre, kakailanganin namin ang mga dasal niyo at hayaan ninyo din gawin namin ang ritwal upang mabalik siya sa loob ng banga. Pag nabalik namin siya sa loob ng banga kailangan namin ibalik ito sa kweba kung saan ito nararapat at ibalik ang kanyang mga buito sa loob ng banga.” Wika ni Apo Luden.

Salel simulan na natin ang ritwal. “Asan po ba ang banga?” Tanong ni Apo Lakan.

“Nasa may pintuan po papunta sa hardin.” Tugon ni Auntie Jovie. Nang marating namin ang kinalalagyan ng banga ay wala ito roon.

“Inilipat niya ang banga sa ibang parte ng bahay para di ko siya maibalik dito.” Sambit ni Apo LAkan.

“Tama ka Apo! Kahit kailan ay di ninyo ako maibabalik sa kinalalagakan ko. Ako na ang nagmamay-ari ng teritoryong ito kaya wala na kayong magagawa!’ Gaiit na malaking boses ang aming narinig sa aming likuran ng lingunin namin ay andun si Apo Udol halos nanlilisik ang mga mata nito at malalalim ang paghinga nito! Sa sobrang takot sa aking nakikita napayakap na lamang ako kay Aling Merced.

“Ang bahay na ito ay di mo pag-aari. Ito ay pag-aari ng isang pamilya na nananalig sa pangalan ni Hesus! Kaya inuutusan kitang lisanin ang bahay ng pamilyang ito!” Sigaw ni Father Jorge sa nilalang.

“Sino ka para utusan akong lisanin ang lugar na ito?!? Walang magagawa maski ang Diyos nyo! Nararamdaman ko ang takot mo Padre! Kaya huwag mo akong subukan!” banta ng nilalang kay Father Jorge.

“Kung wala man sa tingin mo magagawa ang Diyos nila Apo Udol pero ang ating bathala at ninuno ay may magagawa upang ibalik ka sa lagak mo.” Pagbabanta ni Apo Lakan. Salel ang buhay na manok. Maghalin ng apoy. Ang abo ng ating mga ninuno isaboy mo sa kinatatyuan natin na pabilog. Walang lalabas sa bilog na marka. Ito ang magpapatnubay sa atin. Mas magiging ligtas tayong lahat kung walang lalabas sa bilog.” Sambit ni Apo Lakan.

Agad naman isinaboy ni Salel ang abo na pabilog sa aming lahat. Inilabas din nito ang isang maliit na palayok na may lamang tuyong mga kahoy sa loob at sinimulan nitong halingin ang mga kahoy ng apoy. Inilabas din niya sa bayong na kanilang dala ang isang native na manok it sabay isinaboy ang abo sa nakahaling na apo sa payok.

“Huwag mong idamay ang mga ninuno natin dito Lakan! Huwag mong gawin ang mga ritwal na yan kung ayaw mo makita ang pwede kong gawin sa inyong lahat!” Sigaw ni Apo Udol ngunit di ito pinakikingan ni Apo Lakan kaya mas lalo itong nagalit. May sinasabi ito na di na namin naiintindihan bagkus si Salel at Apo Lakan lamang ang nakakaintindi sa mga salita na sinasambit ni Apo Udol.

“Isarado ninyo ang inyong mga mata at huwag huminto sa panalangin ninyo sa pinagpala ninyo na Diyos.” Sigaw ni Apo Lakan lahat sa amin. Walang tigil ang aming pagdarasal sa pangunguna ni Father Jorge. Nakailang ulit naming dinarasala ang Ama Namin, Aba ginoong Maria, Apostle’s Creed at Glory Be. Habang si Apo Lakan naman at Salel ay may sinasambit na mga ritwal sa kanilang wika.

“Halos malakas ang sigaw ni Apo Udol sa galit! “Iisa-isahin ko ang pamilyang ito hanggang mapasa akin ang teritoryo ko na ito!” Sigaw sa amin ni Apo Udol.

“Huwag mong gawin sa akin ‘to Apo Lakan!” Sambit ni Apo Udol.

“Asan ang banga mo Apo Udol?!? Asan!” Tanong ni Apo Lakan.

Nagsaboy ito ng abo sa hinaling na kahoy sa palayok at unti-unting ipinatak ang dugo ng manok dito.

“Huwag!!!! Pagsisisihan mo ‘to!” Sigaw ni Apo Udol.

“Mommy ang banga nasa may pintuan na ulit!” Sigaw ni Kuya Ronnie.

“Patawarin mo ako aking kapatid! Pero dito ko mahahayaan na saktan mo ang pamilyang ito! Alam ko na kung sino ang mga nagnakaw ng mga kayamanan mo pero hindi mo sila dapat idamay sa iyong paghihiganti!” Sigaw ulit ni Apo Lakan sa nilalang.

Nag orasyon ulit ito at isang napakalakas na sigaw ang narinig namin na halos nakakabingi. Hanggang humina ng humina ang sigaw hanggang sa bigla na lang itong nawala. Bumukas na ulit ang mga ilaw sa kabahayan.

“Tapos na. Di na niya kayo gagambalain pa ulit. Naka kulong na ulit siya sa loob ng banga.” Wika ni Apo Lakan.

“Salel tawagan mo ngayon ang mga katutubo natin na tutulong sa atin sa pagbabalik ng banga sa kuweba sa Bengued.” Utos nito sa kasama.

Umaga pa lang halos sampung kalalakihan na nasa bahay upang pagtulong-tulangan ilabas ng bahay ang banga.

“Maraming salamat sa inyo Father Jorge at Apo Lakan.” Pasasalamat ni Auntie Jovie sa dalawa.

“Alam mo Mrs. Reyes di lahat ng luma ay maganda sa ating paningin. Hindi lahat ng antigo ay nararapat sa ating mga pamamahay. Minsan ang akala natin na importante sa atin na bagay ay makakapagbigay ng saya sa atin pero ang totoo nasa harapan mo na ang makakapag[asaya sayo ngunit pilit mong itinutuon sa iba. Huwag mong pahalagahan ang mga koleksyon mo Mrs. Reys mas bigyan mo ng halaga ang iyong mga anak. Sila ang kayamanan na kahit kailan ay di mo maipagpapalit sa kahit ano mang mamahaling antigo.” Wika ni Apo Lakan skay Auntie Jovie

“Kami ay yayao na Mrs. Reyes. Pasenxa na sa nangyari.” Pagpapaalam ni Apo Lakan.

“Ako din ay magpapaalam na Mrs. Reyes at may misa pa ako mamaya.” Pagpapaalam din ni Father Jorge.

“Apo Lakan naisakay na po ang banga sa truck pwede na po tayong umalis.” Sambit ni Salel.

“Maraming salamat po ulit sa lahat ng tulong ninyo Apo Lakan at father Jorge”. Nakaalis na ang mga bisita at nagsimula na kami ni Aling Merced maglinis ng bahay.

Kinahapunan ng araw ding yun habang nasa sala kami ni Aling Merced at nagkwekwentuhan tungkol sa mga nangyari at natutulog naman si Auntie Jovie sa kwarto nito pati ang mga pinsan ko sa mga sari-sarili nitong kwarto ay may narinig akong kaluskos na parang may naglalakad pababa ng hagdanan.

“Aling Merced?” Tanong ko sa matanda habang takot na nakatitig dito.

Nakikita ko na nangingilid ang luha ni Aling Merced sa takot dahil din sa naririnig na mga yabag pababa ng hagdan. Unti-unti kaming tumayo sa kinauupuan namin at dahan dahan naglakad patungo sa may hagdan at nakita namin ang antique na rebulto ng isang makalumang lalakeng matanda gawa sa kahoy na halos walong talampakan ang taas na nakalagay sa front door ng bahay ay nakatayo sa kalagitnaan ng hagdanan ng bahay! Napasigaw na lamang kami ni Aling Merced at kumaripas ng takbo papasok sa kwarto ko!

 

Leave a Reply