BALISONG

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Alin ang higit na mas matimbang sa kanya?

Noong una, hindi ko alam kung normal nga ba ang mga nakikita ko. Madalas akong umiyak noong bata ako, kahit na wala namang  nananakit sa akin.  Lagi akong natatakot  sa paligid ko. Pero sabi  naman  nila,  hindi raw  ako dapat na matakot….  guni-guni lang daw  ang lahat.  May mga araw na normal lahat.  Ngunit  may mga pagkakataon din na  bigla na lang akong sumisigaw. Sabi ng tatay ko,  ipapatingin daw niya ako sa isang  ispesyalista.

Ginawa naman ‘yon ng mga magulang ko. Maraming  tanong sa  akin ang doktor. Sa bandang huli, sinabi niya na wala na man daw akong diperensiya.

Lumipas  ang maraming taon….

College student na ako,  Dito ko nakilala si Von. Mabait siya at masipag mag-aral. Madalas kaming magkakasama sa group projects.  Si Von din ang unang lalaking minahal ko. Siya ang naging inspirasyon ko sa pag-aaral. Nang maka-graduate na kami ng College, nag-plano kaming bumuo ng pamilya.

May negosyo sina Von sa probinsya. Malaki ang lupain na kanilang  sinasaka.  At ayon sa kanya, namana na niya ang ilang ektarya rito.

Bumuo kami ng mga pangarap-kasal,  pamilya,  magandang bahay at negosyo. Dahil kay Von, nakalimutan ko ang maraming takot ko sa buhay,  ang mga bangungot ko noong bata ako, at ang mga kakaibang bagay na nasasabi ko.

Naging normal ang lahat dahil sa kanya. Siguro nga,  makapangyarihan ang pag-ibig. Ito ang nagbibigay ng liwanag at  kahulugan sa buhay ng isang tao. Napapawi nito ang kalungkutan, ang   mga pangamba,  at ang mga bangungot ng lumipas na panahon.

Dumating ang panahon na nagpaalam muna siya sa akin para umuwi sa probinsya.  Aayusin  daw niya  ang lupa  na gagamitin sa negosyo.

Nangako siya sa akin. Babalikan daw niya ako.

Pasakay na siya ng bus sa terminal.  Nalungkot ako dahil medyo  malayo ang probinsya nila. Maiiwan muna ako mag-isa sa Maynila habang hinihintay ko ang katuparan ng mga plano namin.

Hindi ko akalain ang pagbabalik ng bangungot. Bigla akong napasigaw sa terminal ng bus.  Akala ni Von, napasigaw ako dahil sa sobrang lungkot dahil sa pag-alis niya. Pero paano ko sasabihin ang dahilan? Maniniwala kaya siya?

Nakitang kong may dugo ang kanyang kamay! May hawak siyang  balisong… umaagos ang dugo. Pero kaninong dugo? Hindi ko makitang mabuti.

Niyakap niya ako ng mahigpit. Hindi ko sinabi ang nakita ko.  Sa halip  ay pinagbawalan ko siyang umuwi sa probinsya ng araw na ‘yon.  Ngunit hindi nakinig si  Von.  Buo ang kanyang plano.  Sinabihan  ko siya na mag-ingat nang mabuti.  Hindi raw siya magtatagal at babalikan niya ako.

Lumipas ang mga araw…. ang mga gabi.

Wala man lang akong natanggap na sulat o tawag mula kay Von. Hindi ko akalain na darating  ang magdamag na’yon nang bigla akong nagising isang madaling araw. Narinig ko ang isang babaeng lumuluha sa paligid ng kama ko.  Napasigaw ako sa takot!

Duguan ang babae.. Humahagulgol.

“LAYUAN MO AKO! SINO KA?” sigaw ko.

“Ikaw lang ang makakatulong sa akin,” sagot ng babae.

“Tu-tulong? Hindi kita kilala,”  ang sabi ko sa gumagaralgal kong tinig.

“Ituro mo sa kanila kung saan ako nilibing ng nobyo mo,  pagkatapos niya akong pagsamantalahan.”  ang sambit niya.

“Hindi!” ang muli kung salita.

“Nakita ko ang larawan mo sa wallet n’ya. Sinikap kong maglakbay dahil alam ng mga kagaya ko,  kahit sa larawan pa lang ng isang kagaya mo, na may kakayahan ka…

“Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo. Umalis ka na. Sinungaling ka. Hindi magagawa ni Von ang sinasabi mo!”

“Hindi kita patatahimikin kung hindi mo ako tutulungan. PINATAY AKO NG NOBYO MO!

Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. Dalawa kaming umiiyak  ng babae nang magdamag na ‘yon. Papano ko itatanggi ang  katotohanan? Nakatusok sa likod ng babae ang BALISONG  na nakita  kong hawak ni Von Bago siya umalis. Isang pangitain na may gagawin siyang hindi matuwid,  at puno ng pagkakasala. Isang tagpong pilit kong inilihim sa kanya,  sa ngalan ng pagmamahal.

Kinabukasan, umuwi ako sa lugar nina Von,  kasama  ang mga kinauukulan. Natunton ang krimen na inamin naman ni Von.

Napakasakit ng pangyayari. Pag-ibig laban sa  sigaw ng kunsiyensiya. Katotohanan laban sa pagba-balat-kayo.

Pero mali ba ang ginawa ko?

Ngayon ay tanggap ko na.  Hindi ko dapat na isiping bangungot  ang kakayahan kong makakita ng mga kaluluwa na humihingi  ng katarungan. Isang regalo sa kanya o isang sumpa  na nagmula kung saan? Hindi ko alam. Pero ang natitiyak ko, gagamitin ko ito sa ngalan  ng kabutihan.

Leave a Reply