ANINO

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

By: Gino R.  Gonzales

Na-assign ako sa isang maliit na mall sa tabi  ng isang malaking unibersidad  sa Manila.  Dahil sa maliit  lang ito at  seasonal  ang mga  namimili,  halos  buong  araw ay  wala akong  ginagawa kundi magbilang  ng butiki sa ceiling.

Since bago ako, madaming tao ang hindi ko pa nakikita. Madalas akong nasa malapit  sa pintuan para nakikita ko ang mga tao na  naglalakad at makilala ko rin  ang mga empleyado ng ibang  mga stalls.

May dumaan sa harap ko at nagpakilala siya na si Gina,  may-ari ng isang malaking  tindahan ng accessories sa ibaba. Nakipagkuwentuhan siya sa akin pero nang isasarado ko na  ang pintuan napansin ko   ang anino niya sa sahig. Isang maitim  na anino  ng  lalaki na malaki  ang  katawan, maikli ang buhok.  Hindi ko masyadong pinansin ito dahil  baka  isipin niya na  niloloko  ko siya.

Hanggang sa gumabi na, nagsarado na kami ng aming mga  shops at agad na  umalis. Iniisip ko pa rin ang anino, dalawa kasi ang  ibig sabihin ng anino sa tradisyonal na paniniwala. Una,  maaring  ang anino ay namatay na kamaganak na hindi pa rin makahiwalay sa isang taong  kinapitan niya.

Pangalawa,  puwedeng resulta ito ng kulam o isang espiritu  na kumakapit sa taong  kinukulam nito. Hanggang hindi nagaganap  ang kulam hindi iiwan ang tao ng espiritu o anino.

Kinabukasan,  maaga akong nagbukas ng tindahan dahil may   nag-order sa akin ng mga incense sticks.  Inaayos  ko ito  sa may window display nang dumaan ulit si Gina. Nagmamadali siya,  kinawayan lang ako. Nakita ko ang anino niya  na sumusunod sa kanya.  Lumabas ako  sa tindahan at sinundan ko siya.  Biglang tumingin  sa akin ang anino at  nagkaroon ito ng mata, ‘yun nga lang,  pulang-pula.

Huminto ako sandali. Pilit kong iniisip  kung tunay ang nakikita ko o hindi. Bumalik  ako sa shop ko, iniisip ko pa rin ang nakita ko. Ilang  minuto ang nakalipas, nakita ko siyang dumaan ulit,  pinigilan ko siya at niyaya sa loob.  Napansin ko ulit  ang anino, nagsindi ako ng incense, (ang incense o kamangyan ay nag-aatract ng mga spirits;  kung tama  ang  mixture ng incense scents at sticks ay pwedeng  mai-detach ang masamang elemento sa katawan ng tao), nakita ko na humihiwalay ang anino  sa babae.

Ilang minuto pa, naglibot ang anino sa buong  shop ko.  Dumating  ang isang clairvoyant na kaibigan ko, si Jaime, at bigla siyang natigilan nang may makitang anino na lumilibot.  Pero napansin niya na may isa  pang anino na nasa may paanan ni Gina.

Matapos ang kuwentuhan namin, umalis si Gina at babalik na daw sa tindahan niya.  Susundan sana siya ng mga anino nang sinara ni  Jaime ang pinto.   Malakas na sigaw ang narinig namin,  halos mamatay ang mga ilaw at mabasag ang mga bintana.

Pinabuksan ko ulit ang pintuan at dali-dali na umalis ang anino.   Alam ko na hindi ito ang huling beses namin na makikita  ang anino.  Bago kami magsarado ng tindahan,  pinuntahan kami ni  Gina,  sabi niya na sobrang bigat ng katawan niya at parang  magkakasakit siya.  Umuwi  siya pero nakita namin ang dalawang anino na nasa likod niya.

Hindi parang eksena sa pelikulang  “Shutter” ang anino niya ay  nakasunod sa kanya at hindi nakapatong. Inisip ko baka  may kaibigan  siyang namatay at may mensahe na gustong  ipahiwatig  sa kanya.

Kinabukasan, dumating ulit  siya sa   shop,  sabi niya ilang minuto lang kahapon na nakaranas siya ng ginhawa  pero biglang  bumigat  na  naman ang pakiramdam niya.  Nagumpisa daw ito nang mamatay ang  kapatid niya,  hindi niya malaman kung ano ang dahilan.

Tinanong ko kung  nagkonsulta na siya sa albularyo, tumayo  siya  at sinabing  hindi siya naniniwala  sa ganitong mga doctor. Dumating  na rin si Jaime, nakita niya ulit ang anino  sa tabi ni  Gina, siya naman ang  nagsindi ng insenso.

Mas lalong  sumama ang katawan ni Gina  kaya nagpasya siya na  bumalik  sa kanyang tindahan.  Naiwan  ang mga  anino, bago magalit  ang  mga ito.  pinatay namin lahat ng ilaw at  nagsindi ng kandila,  mas lalong  maging malinaw  ang mga anino.

Napansin  namin na malaking lalaki ito,  ang unang anino, mapula  ang mga mata  nito at parang galit na galit. Ang isa naman ay mas  mababa,  parang babae ang itsura. Buo siyang anino mula ulo hanggang paa,  at wala siyang pulang mata.

 

Halos  sumabog  ang ulo namin ni Jaime  sa sakit  at nasusuka  kami  sa lakas ng kanilang mga aura. Nagpasya kaming  madaliin ang usapan,  tinanong niya kaagad ang dahilan bakit nila  sinusundan ang babae.

Hindi sila kumibo, binuksan na lang namin ang pintuan at  pinakawalan sila.  Habang  nakikita  kong lumalabas sila, nilapitan ako ng babaeng anino,  itinaas ang kanyang kamay na may mahahabang daliri,   at itinapat sa ulo, ilang sandali lang nasa lugar ako na hindi ko malaman kung saan. Parang hapon na ang setting, pero nakatirik pa  araw sa itaas, nasa isang bahay ako  na kulay green ang pintura at  may mga  furniture na hindi naman kalumaan. Lumibot ako pero parang  walang tao sa loob ng bahay.

Sa sala ako unang napadpad, magaganda ang mga kurtina at ang  mga sofa ay yari sa tela at may carving ng mga bulaklak sa gilid,  may  chandelier at carpet na kulay berde. Malaki ang bahay,  may mababang  hagdan sa gitna ng bahay na yari sa kahoy.  Ilang sandali lang,  may bumaba na lalaki. Matangkad,  maikli ang buhok, maputi rin ang kanyang  kutis, napansin ko na parang familiar  ang itsura niya.  Medium built  siya kaya kapag lumalakad  siya medyo  mabigat ang mga paa, nakita ko  na may wedding ring siya  sa kamay. Humabol ang babae, mahaba ang  buhok  niya na abot ng balikat, parang commercial  ng shampoo, maputi rin siya at may korte ang katawan, parang kamukha siya ni Gina. Ang  kaibahan lang ay medyo  payat at mababa ang kanyang height.

Nagyakapan sila na parang mag-asawa , iniisip ko kung  ano ang kahulugan nito sa mga  anino nila.  Sumunod na pangyayari, nakita ko  si Gina  sa loob ng bahay at nakikipag-usap sa babae, napansin ko na  magkapatid  silang dalawa. Hanggang sa uminit  ang usapan nila at nagkasakitan bago umalis na  na padabog si Gina.

Nag-iba na naman ang scene. Gabi na nang makita ko  ang paligid, dahan-dahan na pumasok si Gina sa loob ng bahay, naka-abot siya sa kuwarto ng magkasintahan. Biglang binaril niya na lamang  ang dalawa sa kanilang  paghimbing.

Nang  mahimasmasan si Gina,  niyakap niya ang kapatid  at umiyak ng husto… Binitawan ako ng anino, bumalik ako sa kasalukuyan  at naintindihan ko na kung  bakit niya  sinusundan. Tinanong ko  kung  anong gusto nila sa kanya,   tumalikod siya at umalis.

Ilan araw  ang nakalipas,  nadatnan  ko si Gina na hinihintay ako  sa labas ng shop ko, sinabing hinahanap ako. Pinapasok ko siya sa loob,   dumating na rin si Jaime. Hinawakan ko ang kamay niya at nanlalamig  siya,   sinabi na death anniversary ng kanyang kapatid. Napansin ko rin ang mga anino  na nasa likod niya muli,  iniba ko muna ang usapan.

ILang rounds ng kuwentuhan, bigla siyang umiyak.  kinuwento niya ang nangyari sa kapatid niya, doon namin nalaman na ang lalaki   ay asawa niya.  Matagal na  niyang alam ang nangyayari pero pilit niya itong hindi pinapansin, pero nang sinabi ni Gertrude  (ang kapatid niya) na gusto na nilang magsama,  ikinagalit niya ito.  Ninakaw niya ang baril  ng kanyang security guard, at binaril  silang dalawa.

Nag-serve siya ng ilang taon sa kulungan hanggang pinalabas siya dahil sa good conduct.  Pero ang bigat ng kanyang kalooban ay hindi mapapawi. Lumabas ang anino mula sa sulok,  biglang nagkaroon ng malinaw  na itsura ang babae.

Niyakap niya ang kanyang kapatid at ipinaramdam ang kanyang kalooban. Umiyak si Gina dahil hindi niya akalain na magagawa niya  iyon sa kapatid. Lumabas na rin  ang lalaki mula sa likod, napansin din  namin ang pag hupa ng kanyang galit.  Humihingi ng tawad ang lalaki  sa kanyang asawa. Hindi niya inisip  ang pagiging sakim niya, hanggang  sa nagsabi si Gina na pinapatawad na niya sila at sila rin sana ay  patawarin siya sa  kanilang pagkamatay.

Tumayo siya at umalis  ng shop ko.  Agad na sinundan namin siya  at baka may gawing masama. Pero nagmamadali siyang umalis  ng kanyang  tindahan at ng mall.  Sinabihan namin ang mga tindera niya na kontakin ang malapit na kamag-anak niya para bigyan siya ng gabay.

Halos  hindi ako mapalagay  nang pumasok ako kinabukasan.  Pagbukas ko ng shop, nakita ko ang dalawang anino na ngayon ay naging multo na.

Sinabi nila na maayos na ang lahat at nagpaalam na  sila. Medyo kinabahan ako sa sinabi nila pero wala  akong magawa kundi  tanggapin ang kanilang pamamaalam.

Matapos ang kanilang pagpapaalam, palabas ako ng shop nang makita ko si Gina. Nakita kong maaliwalas ang kanyang mukha.  Tinanong ko kung ok siya, ok naman.   Pumasok siya at naupo sa harapan ko.  Sinabi niya na galing siya sa sementeryo kahapon at naglabas ng sama ng loob at pangongosensya ng kanyang damdamin.

Masaya siyang umalis  at sinabing magbabakasyon muna siya sa  Amerika.  Natuwa naman ako sa nakita ko.

Tanghalian, yayain ko sana si Gina kumain pero pagdating ko sa  shop niya, nakita ko na sarado ito Nagtaka ako kasi parang may naaninag akong mga anino sa loob.  Kinalabit akong bigla ng may-ari ng katabing computer shop,  hindi ko pa daw ba alam….

Ano yun?

Nagpakamatay si Gina pagkagaling sa libingan ng kanyang  kapatid. Binaril niya ang sarili sa loob ng kotse sa kanilang garahe kahapon….

Bigla akong napaupo sa sahig, sabi ko kakakita ko pa lang sa  kanya kanina.  Nagresign na ako pagkatapos nu’n. At matapos  nga ang  ilang taon na pag-alis ko mula sa mall,  sinasabi sa’kin ng ilan  sa mga kaibigan ko na hanggang ngayon ay nandoon pa rin daw si Gina  sa shop niya.

Leave a Reply