ANG TATLONG KATAUHAN NI MARIA LABO

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

By Abelardo  Gajarion

  1. Mula nang naging malaganap ang militarisasyon sa kanayunan naging magulo na ang probinsya  ng Sorsogon. Walang masaganang ani  ang mga magsasaka’t mangingisda Maraming maliliit na negosyo ang nagsara. Hindi makapasok sa eskwela ang mga bata. Halos hindi na nga makalabas ng bahay ang mga tao. Lahat  naghihintay  na lang na mabagsakan ng bomba, para sabay-sabay na mamatay.  Maliban  kay Maria Labo. Malapit sa paanan ng bundok, malayo sa kabayanan, Nakatira sa maliit na bahay  na yari sa cogon at kawayan ang mag-asawang Maria at Ermin Labo.  Mayroon  silang dalawang anak, sina pablo at Rosalinda. Si Ermin ay isang magsasaka habang si Maria naman ay naglalako ng mga ani sa kabayanan.

Mula nang mawalan ng ani  ang kanilang gulayan, ipinasya  ni Maria na sumama  sa kaibigang naghahanap ng domestic helper papuntang Espanya.  Naisip niyang mas marami ang kanyang kikitain sa pagtatrabaho sa ibang bansa kaysa sa  paglalako ng gulay na hindi na nga niya nagagawa dahil sa kaguluhan sa kanilang bayan.

Isinangla nila ang kanilang lupa sakahan at ang kinatatayuan  ng kanilang bahay para pambayad sa kanyang placement fee. Pagkalipas ng  tatlong buwan, lumipad si Maria papuntang Espanya.

  1. Sa isang lumang mansion, sa isang bayan na malayu-malayo sa siyudad napadpad si Maria. Bumaba siya mula sa isang kakarag-karag na bus at tapat  ng isang  malaki at lumang-lumang gate na bakal. Napupuluputan ito ng mga gumagapang na halaman. Ayon sa agency na nagpadala sa kanya, isang matandang lalaki at isang katiwala  na lang ang nakatira sa mansion na kanyang pagtatrabahuan.

Pumasok siya sa gate na bahagyang nakabukas. Tanaw niya mula sa kinatatayuan ang kulay abong mansion.  Bago makarating roon,  kinakailangan munang maglakad ni Maria ng halos dalawang kilometro. Maalikabok  and daan  na nililinyahan ng malalaking puno sa magkabilang  tabi.

Pagdating sa tapat ng mansion, nagulat pa si Maria nang makitang  halos tatlong beses na mas matangkad sa kanya ang pintuang gawa sa matigas na kahoy na may  mga ukit-ukit na ubas at mga bulaklak. Gawa sa bato ang buong mansion. Napansin  niyang halos hanggang  tuhod na niya  ang mga damo sa bakuran.

Halos  mapuno na rin  ng mga gumagapang na halaman ang kanang bahagi ng mansion.  Kumatok siya gamit ang bilog na bakal na nakasabit mula sa sabitan na hugis  ulo ng leon. Luminga-linga siya, nagbabasakaling may tao siyang makikita, ngunit walang sumalubong sa kanya. Matapos ang  halos limang minutong paghihintay,

Kusang bumukas ang pinto. Bumukas ito nang mabagal na mabagal at gumawa ito ng  nakaririndi at nakakangilong ingay na parang  bang matagal na itong  nakasara at noon  lamang nabuksan. Wala siyang nakitang tao sa loob sa kanyang  pagpasok.

Hindi niya  nakita ang  matandang lalaki na kanina pa siya taimtim na tinititigan mula pa lang nang  pumasok siya sa gate at maglakad patungo sa bahay.  “Hola, como estas?” bati sa kanya ng isang lalaki mula sa  kaliwang bahagi ng  mansion.

Napaigtad si Maria sa gulat. Hindi niya inasahang lalabas na lang bigla ang  isang lalaki may magarang-magarang kasuotan.

“Soy Eduardo. Que te llamas?”

Hindi alam ni Maria ang isasagot.  “Comprendes Espanol?” Umiling -iling lang si Maria. Kung hindi man wala, katiting lamang ang  kanyang nalalaman sa salitang Espanyol. Tinitigan muna siya ng lalaki bago nagpumilit  magsalita ng Ingles.”Follow. Follow.”

Si Eduardo ang katiwala ng mansion.  Matagal-tagal na rin siyang naninilbihan doon.  Nagbabalak na siyang umalis ngunit hindi niya iyon magawa hangga’t  hindi pa  niya napipili ang tamang babaeng mag-aalaga sa kanyang amo.

Inabot sila ng kalahating araw para lamang libutin and buong  mansion.  Inisa-isa ang bawat kwarto. At sa bawat kuwarto ipinaliwanag ni Eduardo ang mga takdang  gawain ni Maria.  Pautal-utal na Ingles  ang ginagamit  ni Eduardo, maging iyon ay hindi  gaanong naiintindihan  ng kanyang  kausap ang sinabi niya.  Doon niya nalaman  na natagpuan na niya  ang babaeng matagal na niyang hinahanap.

“Senior Gustavo wants to.. e, hablar…e, speak to you…

Tatlong buwan na ring nagtatrabaho sa mansion si Maria, ngunit  hirap na hirap parin silang magkaintindihan at magkausap. Mas madali na lang  para sa kanila ang magsenyasan.

Sa loob ng tatlong buwan na iyon. Dalawang beses pa lang  nakakapasok si Maria sa kuwarto ng among si Gustavo. Sabi ni Eduardo, sa pautal-utal at tagpi-tagping  kuwento. Si Custavo ay matagal nang may karamdaman.

Maselan ang kalagayan nito kaya hindi pwedeng makita ng maraming tao.  Noong una pagkakataon na nakapasok si Maria sa kuwarto ni  Gustavo halos  hindi rin sila nagkita. Ipinakikila lang siya ni Eduardo, ngunit doon lamang sila nakatayo sa pintuan. Madilim ang bahagi ng kama kung saan nakaratay si Gustavo kaya hindi  halos naaninag ni Maria ang mukha  ng matandang lalaki.

Nang ikalawang  pagkakataon, nakapaso at nakalapit na si Maria kay Gustavo. Kinuha niya ang arinola sa tabi ng kama ng amo.  kulu-kulubot na ang balat nito. Manipis na manipis  na ang maputing buhok sa ulo.  Halos puti na ang mga mata nito.

Bago siya umalis tinanong si Maria ni Gustavo. Mahinang-mahina ang boses nito, halos  hindi na marinig ni Maria.

“Are you Filipina?”

Tumango si Maria, naintindihan niya ang tanging tanong na itinanong sa kanya ng amo. “A, opo, si,  si, senor Gustavo. I am Filipina.”

Nagtataka si Maria. Iniisip niya ang mga posibleng  dahilan kung bakit siya  pinapatawag ni Gustavo gayong nariyan naman si Eduardo para ibigay anuman  ang pangangailangan ng amo.  Iniwan niya ang nililinis sa kusina para pumunta sa kwarto  ng amo. Bago makalabas ng kusina, pinaalalahan pa siya ni Eduardo. “Maria,  nunca, e,  do not go out  of the room if Senor  Gustavo, e is not  asleep yet.”

Marahang  kumatok  saka pumasok si Maria sa kwarto ni Gustavo. Lumapit siya  sa matanda.  Sinenyasan siya nitong lumapit.  Tila may ibinubulong ang kanyang amo. Dahan-dahan niyang nilapit ang kanyang mukha sa mukha ni Gustavo.  Kabadong-kabado si Maria. Hindi man lang niya nahulaan na ang pagpasok  niyang iyon ay ang kanyang huli. Dahil paglabas niya, hindi na siya  ang dati.

  1. Malaki ang nagbago sa pamilya ni Maria simula nang bumalik siya galing Espanya. Dalawang buwan na rin ang nakakaraan mula nang bumalik siya sa bayan nila sa Sorsogon.

Inggit na inggit ang mga tao nang dumating siya. Apat na buwan lang siya namalagi sa Espanya, ngunit marami siyang dala-dalang pasalubong. Marami siyang dalang mamahaling mga plato,  kubyertos, at Kandelabra. Nabawi nila agad ang lupang  isinangla  at nakapagpagawa na ng bagong bahay.

Ngunit ang ipinagtataka ng lahat ay kung bakit ni hindi man lang nila makita  si Maria na lumabas ng bahay.  Lagi silang  nag-aabang  na luluwas sa bayan si Maria ngunit hindi man lang nila ito matiyempuhan.

Gayon din si Ermin at ang kanyang mga anak. Takang-taka sila sa panlalamig ni Maria sa kanila.  Hindi ito gaanong nagsasalita bagamat nananatili pa rin itong  maasikaso at mapagbigay. Kapag gabi,  sa kama,  naririnig ni Ermin ang impit nitong pag-iyak.

Kapag hinawakan siya ni Ermin para aluhin napapaso ito dahil sa sobrang lamig ng kanyang katawan. Para siyang  yelo sa lamig.  Kinukumutan siya ni Ermin at niyayakap.  ngunit pakiramdam nito  para lamang itong yumayakap sa hangin.  Minsan, isang hatinggabi, napabalikwas si Ermin nang marinig niyang  pumapalahaw sa bintana si Maria.

Nang magmulat siya’t hinanap ang asawa nagulat siya  nang makitang duguan ang katawan ni Maria.  Laslas ang leeg nito at sumisirit mula  doon ang napakaraming dugo. Hindi siya nagpahalatang gising bagama’t takot na takot  na siya. Nakita niyang tumagos sa pader ang katawan ni Maria. Nangilabot siya.

Nagkunwari siyang tulog nang lapitan siya ng kanyang asawa. Alam niyang nilapitan siya  nito at tinitigan ang kanyang mukha. Naaamoy ni Ermin ang lansa ng dugo at ang amoy  ng naaagnas na katawan. Ipinagdasal niya na sana panaginip lang ang lahat. At kung  binabangungot man siya, sana magising na siya, at sana normal pa rin ang lahat.

Paggising niya kinabukasan, wala si Maria sa kanyang tabi. Hinanap niya ito  sa buong kabahayan ngunit hindi niya ito nakita. Tinanong niya ang kanyang mga anak kung nakita nila si Maria ngunit hindi rin nila ito nakita simula ng nakaraang gabi.

Ikinuwento ng kanyang dalawang anak na nanaginip  silang nakita nila ang  kanilang ina na umiiyak sa kwarto nila.  Nilapitan sila at hinalikan ng kanilang ina, tapos  paggising nila, walang anumang bakas na nagpunta nga roon si Maria.

Kinilabutan si Ermin. Pare-pareho nilang nakita si Maria ng nakaraang gabi sa pare-parehong sitwasyon. Takang-taka pa rin siya kung saan naroon ang kanyang  asawa. At habang tumatagal lalo siyang kinakabahan sa mga bagay na maari niyang matuklasan.

Mag-aalas siyete ng gabi,  wala pa rin si Maria,  nang biglang may kumatok sa kanilang pintuan. Dali-daling tumayo si Ermin para pagbuksan ang pinto. Inaasahan niyang si Maria na iyon.  Ngunit, nang kanyang pagbuksan, bumungad  sa kanya  ang dalawang lalaki dayuhan.

Ang dalawang lalaki ay mula sa  Spanish Embassy. Ibinalita  nila na noong isang  araw, natagpuan ang bangkay ni Maria Labo na naaagnas sa ilalim ng kama ng amo nito sa Espanya. Ang amo si Gustavo ay dating magaling na doktor na nabaliw dahil iniwan ng kanyang  Filipinang asawa.

Nasa mental hospital na si Gustavo habang  ang katiwala naman nitong si Eduardo ay nakulong sa pagtatakip  sa krimen ng kanyang amo.  Hindi makuhang magsalita ni Ermin. Tinignan niya ang buong kabahayan .

Inisip niya kung paanong patay na si Maria nang mahigit dalawang buwan, gayong dala-dala pa niya  ang mga pera’t kagamitan na nakikita niya sa paligid ng bahay. Hindi siya  naniwala sa dalawang lalaki. Pinaalis niya ang mga ito  at pinagsisigawan.

Hinintay niya si Maria.  Inisip niyang nagbakasyon lang ito sa kung saan at babalik na rin pagtagal-tagal. Hinintay niya ng hinintay ang kanyang asawa. Pagkalipas  ng isang linggo dumating si Maria, ngunit, isa nang naaagnas na  bangkay.

Leave a Reply