ANG TAGA-BANTAY NG BALON

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

By: Gene-no Dig

 

Pinakamahiwaga marahil  sa aming barangay ang balon nina  Manoy  Gani.  Bukod kasi sa  mga matitinis na tinig na madalas naririnig tuwing gabi,  nakakakita rin daw ng maliliit na nilalang  na naglalaro sa may  paligid ng balon. Sabi ng Lola ko, hindi raw lalagpas sa  isang talampakan ang taas  ng mga  nilalang ng nakita niya nang minsang mapadaan isang  dapit-hapon. Mukhang naglalaro raw ang mga ito at nakakatuwaan pa.  Dagdag pa ng Lola ko,  simula nang mamatay si Leroy, narinig na ang matitinis na boses tuwing gabi sa may paligid ng balon. Si Leroy ang batang nakapatay umano sa duwendeng dating nagbabantay sa balon. Bilang ganti, pinatay naman si Leroy ng mga kalahi ng duwende.

Matagal na panahon na raw ang nakaraan, nakagagaling daw ng karamdaman ang tubig na nagmumula sa balon nina Manoy Gani.  Nagbibigay ito ng kung anong sigla at  enerhiya  sa sinumang iinom  ng tubig nito. Kaya nga madalas itong pinagkukunan ng tubig halos  buong barangay sa tuwing  may magkakasakit. Ang iba nga, ito ang iniinom araw-araw.

Subalit kakambal ng kahiwagaan ng balon ang nakakatakot  na nilalang na nagbabantay umano sa balon ngayon.  Kung dati-rati ay nakakagaling ang tubig ng balon, ngayon ay nakakalason na raw ito.  Nilagyan daw ng itim na duwende ng lason ang balon bilang ganti sa  pagpatay sa dating nagbabantay ng balon.

Hindi pa raw  ako buhay  noon nang may tatlong batang naglaro sa balon nina Manoy Gani isang umaga. Paikot ikot daw ang mga ito sa balon,  habang  nagahahabulan at nagkakasayahan.  Nang mapagod ang tatlo,  pumunta sila sa isang malaking puno, mga sampung hakbang ang layo  mula sa balon. Sa ilalim ng puno sila  nagpahinga. Habang  namamahinga ang tatlo, dumating ang isa pa nilang kaibigang si Leroy upang makipaglaro rin.  Palibhasa’y pagod pa, walang tumayo sa tatlo,   Nagkuwentuhan na lamang sila habang nakaupo ang tatlo, samantalang nakatayo naman paharap sa kanila si Leroy.

Naghahalakhakan ang apat habang nagkukuwentuhan. Nag-aaksyon pa nga raw si Leroy habang nagbibiro. Dahil  nakaharap sa mga  kaibigan, hindi niya namalayan ang umbok  ng lupa sa kanyang likod kaya habang nagsasadula ng kanyang kuwento ay naapakan niya ito. Nadulas  si Leroy at naupuan ang punso.  Pinagtatawanan naman siya  ng mga kaibigan pero  agad siyang bumangon  at itinuloy  ang kuwento.

Kinagabihan, sumakit ang tiyan ni Leroy. Namilipit ito sa sakit  at hindi kinayang  bumangon.   Pinagpawisan din daw ng malamig ang  bata habang hawak  ang tiyan. Dahil dito,  pumunta  ang kanyang mga  magulang sa balon at kumuha ng tubig para ipainom sa kanya.  Subalit  hindi man lang naibsan ang pananakit ng tiyan ng bata. Lalo pa nga raw  iyong sumakit.  Noong mga oras na iyon,  tumawag ng albularyo  ang kanyang ama. Agad namang  dumating ang albularyo; mga  dalawang  metro  lang ang  layo  ng bahay  nina Lorey.  Sinuri ng albularyo ang bata.  Nag-oorasyon ito,  nagpatulo ng kandila sa palangganang  may tubig at nagpagaspas ng mga dahon  sa paligid ng bata at  sa buong  bahay.  Duwende  raw ang may kagagawan noon- ang tribo ng mga duwendeng itim.  Hindi pa  man nagkukuwento  ang mga kaibigan ni Leroy na naroon  sa kanilang bahay ay alam na ng albularyo  ang sanhi  ng pagpapasakit  ng duwende kay Leroy. Sabi  ng albularyo, pinatay ni Leroy  ang duwendeng  puting nagbabantay sa balon. Bilang ganti  raw  ng mga duwende, buhay din ang  gusto nilang kapalit.  Sinubukang  kausapin ng albularyo  ang mga duwende ngunit  wala na itong nagawa. Ang laging sinasabi ng mga duwende ay lapastangan daw  ang bata  kaya dapat lang na mamatay. Wala raw utang na loob  ang bata dahil pinatay nito ang puting  duwende gayong ito  pa nga ang  tumutulong  sa mga tao tuwing  may nagkakasakit.  Ayaw  ng mga  duwendeng  itim ng  anumang alay kundi ang buhay ng bata.

Kinaumagahan, namatay nga si Leroy.  Labis  ang paghihinagpis  ng kanyang mga magulang. Galit na galit  ang kanyang ama sa mga duwende kaya bago pa man mailibing  ang kanyang anak, ayon sa nanay ni Leroy, pumunta ang kanyang asawa sa may punso,  sa naupuan ni  Leroy. Pinagsisira raw nito ang sinasabing bahay  ng mga duwende . Sinuntok, tinadyakan,  at binuhusan ng tubig ng kanyang asawa ang punso hanggang maging patag na ang nakaumbok na lupa.  Nang Makaganti sa pumatay sa kanyang anak,  umuwi na raw ang tatay ni Leroy.  Dahil sa tatlumpung minuto buhat nang makatulog ang tatay ni Leroy. Hindi pa man lumilipas ang tatlumpung minuto buhat ng makatulog  ang tatay ni Leroy, sumigaw  ito ng  pagkalakas-lakas. Agad nagtakbuhan ang mga tao sa burol sa kuwarto kung saan natutulog ang tatay ni Leroy.  Doon  ay naabutan nilang nakahiga ito- walang nang buhay, dilat ang dalawang mata. Sabay na inilibing ang mag-ama makalipas ang tatlong araw.

Simula rin noon, madalas  nang narinig ang mga ingay ng sinasabing  duwendeng itim na naglalaro.  Inaakit daw ng mga duwende  ang mga  tao, lalong-lalo na ang mga bata, para pumunta sa balon. Doon ay  paglalaruan daw ng mga duwendeng itim ang sinumang maglalaro roon  hanggang sa mamatay ang mga ito.

Leave a Reply