ANG PIYANISTA

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Sino ang may gawa ng krimen?

Marami ang nabigla noong umagang iyon.  Nagkakagulo sa simbahan dahil sa napabalitang nawawala ang imahen ng kanilang  mahal na patron.

“Alam na ba  ng mga pulis  ang nangyari?” tanong ni Father Ed kay  Miguel, ang kanyang  sakristan at katiwala sa simbahan.

“Opo Father, Parating na sila rito pati na ang mga imbestigador,” sagot nito sa pari.

Nawawala ang imahen na mahigit tatlong daan taon na ang edad.  Dala pa ito ng mga prayleng kastila na siyang nagtatag ng simbahang iyon. Maraming mga deboto at mga namamanata  ang nakiki-usyoso sa labas.

Ilang saglit pa ay dumating na ang mga kinauukulan, kasama ang imbestigador para alamin kung paano ninakaw ang imahen gayong  sarado naman ang simbahan buong gabi.

“Father, wala ba kayong kilalang tao na maaring may motibong nakawin ang imahen? tanong ng imbestigador.

“Wala. Sa katunayan nga, palaging binabantayan ‘yan ng sakristan dito at ng piyanista namin sa choir.

“Sakristan? Piyanista?”

“Oo. Si Miguel ang sakristan at ang katiwala rito.  Apat na taon  nang nagsisilbi rito  ang mga batang ‘yan.  At si Jeric naman ang piyanista. Dito na halos sa simbahan nagbinata ang mga ‘yan,”  sagot  ni Father Ed.

Tumingin sa paligid ang imbestigador at sinuri ang mga posibleng  dinaanan ng magnanakaw…

“Father,  walang sign ng forcible entry. Malinis ang pagkakagawa…”

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ng pari.

“Posibleng may access sa simbahan ang kumuha  ng imahen, Father.”

“Hindi kaya mga eksperto ang gumawa?”

“Posible rin po,  Father. Pero wala akong makuhang  finger print  dito sa lugar na kinaroroonan ng imahen.”

“Ano ang pwede nating gawin?”

“Kung maari po sana,  pwede ko bang makausap ang sakristan  at  ang piyanista ninyo?”  hiling  ng imbestigador.

“Kung makakatulong sila sa inyong  imbestigasyon, ipapatawag ko sila,”  Desisyon ni Father Ed.

Nang araw din na ‘yon, nakuha  nila ang   statement  ni Miguel. Samantala, hinanap na nila  kung saan-saan pero hindi pa rin nila  makita si Jeric, ang piyanista. Nakakandado ang bahay na tinutuluyan ng binata.

Kinabukasan, bumalik  ang mga pulis  ngunit  wala talaga silang  makitang  bakas kung saan  nagpunta ang piyanista.

Lumakas ang kutob nila kung sino ang may gawa ng krimen.  Bakit  nga kaya biglang nawala si Jeric kasabay ng pagkawala ng imahen?

Hindi makapaniwala si Father Ed sa nangyayaring progreso ng imbestigasyon.  Hindi niya lubos makumbinsi ang sarili na magagawa  ni Jeric ang ganoong klase ng krimen.  Kilala niya ang binata. Mas higit pa nga na masunurin ito kaysa sa matalik niyang kaibigan na si Miguel. Pero kahit na anong klase ng imbestigasyon ang gawin, tanging si Jeric  ang itinuturong  primary suspect sa nakawan

Lalo pa tumibay ang ebidensya nang magpahayag si Miguel na nakita niyang palagi si Jeric na pinupunasan ang imahen kapag nasa  loob sila ng simbahan.

Isang hapon, magkausap sina Father Ed at Miguel sa harap mismo  ng altar.

” Hanggang ngayon, Miguel, hindi pa rin  ako makapaniwala na magagawa  ni Jeric sa simbahan ang bagay na ‘yon.

“Ako nga rin po, Father.  Hindi ko akalain na pag-i-interesan niya ang mahal na patron.  Minsan nga po, nang makita ko siyang  pinupunasan ang imahen,  biniro ko s’ya.  Bigla na lang siyang nagalit sa akin samantalang  magkaibigan naman kaming dalawa.

“Patawarin sana ng Diyos si Jeric sa ginawa niya,” dagdag ni Father Ed.

Tok! Tok! Tok!

Natigilan ang dalawang magkausap nang marinig nila ang katok  mula sa nakasaradong pintuan sa gilid ng simbahan. Lumapit si Miguel para buksan ang pinto.  Nagtaka siya dahil wala namang tao sa labas.

Biglang may malamig na hangin na dumapo sa katawan ni Miguel.

Tumayo ang mga balahibo niya sa batok  at para bang may nagbuhos ng malamig na tubig sa kanyang ulo.

“Sino ‘yan Miguel?”

“Wala po,  Father.  Baka may nagbibiro lang,” sagot ng sakristan.

Sinara na ni Miguel ang pinto.  Hindi pa man lang siya  nakakahakbang papalayo nang….

Tok! Tok! TOk!

Mas madiin ang katok ngayon sa pintuan na para bang galit na galit ang kumakatok. Binuksan niya ulit ang pinto pero wala naman siyang nakitang tao.  Ihip lang ng hangin ang humarap sa mukha ng sakristan..

Simula ng mawala si Jeric, a capella na lang  muna ang choir ng simbahan. Kung minsan,  may sumasama sa kanilang gitarista pero nang kalaunan ay hindi na rin ito nakadalo sa choir pratice nila. Araw ng Sabado nagpa-practice ang choir sa may gilid ng simbahan. Nandoon sila sa tabi mismo ng piyano.  Nasa Kalagitnaan sila ng pagkanta nang biglang natigilan ang lahat.

TING!!

Isang tunog ng nota ang nanggaling sa loob ng piano. Nagkatinginan ang lahat. Nagtataka sila kung saan ba nanggagaling  ang tunog samantalang nakasarado naman ang piyano. Ngunit tumuloy pa rin sa pagkanta ang grupo ng mga worships songs.

Ting! Dong! Ting!

Tatlong nota ang tumunog. Tumigil ulit sila sa pag-awit. May tumugtog ng piyano. Sigurado sila. Pero sino? Nagtataka ang buong grupo.

“Baka naman may daga lang na nakapasok sa loob.  Okay, tuloy  tayo sa  practice,” sabi ng leader ng choir.

BLAG!

Nagulat ulit ang grupo. Biglang bumagsak ang luhuran. Hindi nila maintindihan kung bakit parang may nanggugulo sa kanila sa araw na ‘yon sa loob mismo ng simbahan…

Isang gabi,  mag-isang nagliligpit ng gamit si Miguel sa loob ng simbahan. Malakas ang ulan sa labas. Nagsimulang magpatay-sindi ang ilaw sa taas ng altar, hanggang sa tuluyang  mag-brown-out. Agad naman niyang hinanap ang lighter para sindihan ang malaking kandila sa gilid ng altar.

Panginoon ko!” Ang tanging sabi ni Miguel. Hindi siya makapaniwala sa nakita. Bakit nga ba hindi?

Ang nawawalang imahen ay nasa ibabaw ng piano!

Kinusot niya nang mabuti ang mga mata upang tiyakin na hindi siya nananaginip.  Nang muli niyang idilat ang mga mata, nawala ang imahen

“Malik-mata lang pala,” bulong niya sa sarili.

Pagtalikod niya, biglang tumunog ang piyano. Nakita nya si Jeric na tumutulo ang dugo nito sa ulo. Patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan….

“Imposible! Patay ka na, Jeric!” patuloy lang sa pagtugtog si Jeric. Bawat nota ng piyano ay sumisira sa  katinuan ng sindak na sindak sakristan.

“PATAY KA NA, JERIC. UMALIS KA RITO! PINATAY NA KITA!”

Subalit nanatili lang na nakatitig ang lalaki kay Miguel. Isa ba itong katotohanan? O isang guni-guni?

Parang sasabog ang ulo ni Miguel. Pabilis nang pabilis  ang pagtibok ng kanyang puso.

“Tama na, Jeric. TAMA NA! Hu! Hu! Hu! Sinabi ko naman sa’yo,  hati tayo sa pagbebentahan ng imahen eh.  Bakit mo kasi ako  isusumbong  kay Father? Eh ‘di sana hindi na  kita pinatay. Tumigil ka na sa pagtugtog! Ha! Ha! Ha! AHHHH!!!”

Kinabukasan, muling nabulabog ang mga deboto sa simbahan nang malaman nilang wala na sa sariling katinuan ang sakristan  habang   paikut-ikot siya sa labas ng simbahan…

 

 

Leave a Reply