ANG PANGAKO

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

By: D.  Ordono

lumaki  si Lyn  na malapit sa kaniyang lolo at lola  sa side ng kaniyang   nanay. Taraken ang tawag sa kaniya.  Ilocano na salita ‘yun. Roughly translate, it means favorite. Grandparents’ pet.  Higit na malapit si Lyn sa kanyang lola Nata. Kilala si lola Nata sa kanilang lugar dahil sa kabaitan nito.  Ang lolo Nesto ni Lyn ay naging teniente del barrio  sa kanilang lugar nung panahon ng mga hapon.  Marami silang natulungang guerilla noong panahon noong panahon ng digmaan kung  kaya naman lubos  ang paggalang ng mga tao sa mag-asawa.

Hindi nakapag-aral si lola Nata. Natuto lamang ito sumulat at  magbasa sa tulong ng kanyang ina. Kaya naman nang mag-aral na si  Lyn at natutong magbasa, naging kaugalian na niya  ang basahan ang  Lola Nata niya mula sa subscription nila ng magazine nun. Habang si Lyn ay nagbabasa, nakikinig naman si lola Nata niya habang naggagantsilyo. Madalas ang nagkukuwentuhan lamang sila.  Maraming kuwento ang kaniyang Lola Nata tungkol  sa mga Hapon at kung paano nila naitatago  sa mga ito  ang mga sugatang Guerilla. Kung minsan ay kasali ang kaniyang lolo Nesto sa Kuwentuhan.  Binibida pa nito na  nakilala at nakadaupang-palad niya si Heneral Emilio Aguinaldo. Nang nasa high School na si Lyn,  nagsimulang manghina  ang lola Nata niya. Mahigit  na rin itong 80 years old nang panahong iyon. Ang  dating masiglang pangangatawan nito ay unti-unting nahulog.  Old  age daw, sabi ng doktor. Mahina na ang vital organs kaniyang lola  Nata.  Ang kanilang  pamilya ay malaki.  Maraming  apo si Lola Nata. Sampu ang kanilang  naging  anak ni Lolo Nesto,  bunso nilang anak ang nanay ni Lyn.  Kahit naman  taraken nila  si Lyn,  hindi naman nagkulang  sa  pagmamahal sa ibang  apo  sina Lola  Nata at Lolo Nesto.

Katunayan, nang magkasakit si Lola Nata, salitan ang kanyang mga apo sa pagbabantay.  Shifting sila.  Wala ni isa mang sandali na walang kasama si Lola Nata. Nang sina Lyn ang nagbabantay, kinakausap ni Lyn ang kanyang lola. “Huwag niyo po akong multuhin kapag wala na kayo, lola,”  sabi ni Lyn sa matanda habang hawak niya ang kamay ng Lola.   “Bakit naman kita mumultuhin? Alam ko namang takot ka sa multo. Mahal kita kaya hindi kita tatakutin,” ang sagot ni Lola  Nata.  “Pangako , Lola?” ang pilit ni Lyn.

“Pangako, apo,” ang sagot ng kaniyang lola Nata at nguniti ito.  Nasa klase si nang bawian ng buhay ang kaniyang lola Nata.   Ang kuwento ng kanyang mga tiyahin, tahimik na  nalagutan ng hininga  ang kaniyang lola.  Ngunit may naririnig din silang kuwento tungkol  sa kalabog sa ilalim ng kama  ng kaniyang lola Nata bago ito nalagutan ng hininga. Hindi maintindihan ni lyn ang kuwento. Basta ang sabi lang sa kaniya,  may sumundo sa kaniyang lola.   Sadyang matakutin, kinilabutan si Lyn sa kuwento.  May pamahiin sa kanila  na kapag matanda ang namatay,  malakas daw ito magparamdam.   Ngunit pilit na winaksi ni Lyn  ang takot. Mabait ang kaniyang lola   Nata at lagi itong tumutupad sa pangako.  Hindi siya nito mumultuhin.  Ibinurol ang kaniyang lola sa kanilang bahay.  Pumapasok pa rin sa  eskuwelahan si Lyn dahil exam week nila noon.  Isang tanghali, ikatlong  araw ng burol ni Lola Nata,  umuwi si Lyn mula eskuwelahan. Nadatnan niya ang iba pa niyang  mga pinsan sa kanilang bahay. Nagkuwentuhan  muna sila sa sala, tanaw mula doon ang kabaong ng Lola Nata ni Lyn.

Maya-may ay biglang napasigaw  ang isang tita ni Lyn- may  malaking paru-paro sa kabaong ng lola ni Lyn.  Isa iyong makulay na  paru-paro at hindi pangkaraniwan ang laki.  Noon lamang sila nakakita ng ganung klaseng paru-paro. Mula sa kabaong ng Lola Nata niya ay  lumipad ang paru-paro sa kung saan naroon ang magpipinsan. Dumapo ito sa upuan ni Lyn.  Tamang-tama namang tinatawag na sila sa kusina upang kumain.   Nang tumayo na sila, lumipad din ang paru-paro,  parang sinusundan si Lyn.  Nakita iyon ng mga tiyahin ni Lyn. Sabi ng mga ito, ang spirit daw ng Lola Nata niya ang nasa paru-paro. Natakot si Lyn. Sinabi ng mga  tiyahin niya na kausapin niya ang paru-paro. “Hindi po ba  sab ninyo,  hindi niyo ako mumultuhin? Sabi ninyo,  mahal niyo ako kaya hindi niyo ako tatakutin. Natatakot na ako, Lola Nata,” ang sabi ni Lyn, kausap ang paru-paro na hindi umaalis sa tabi  niya. Lahat ay nakatingin sa kaniya.   Pagkasabing-pagkasabi ni Lyn nin ay lumipad ang paru-paro  malapit sa mukha ng dalaga.  Bahagya itong lumapit sa pisngi ni Lyn bago  ito tuluyang lumipad palabas ng bahay. At sa oras na iyon, alam ni  Lyn na hinalikan siya ng Kaniyang lola Nata. Tumupad ang kaniyang  lola sa kaniyang pangako. Hindi nito intensiyong takutin siya.  Nais lang  nitong magpaalam sa kaniyang paboritong apo. Hanggang sa kabilang buhay, ang pangako ng kaniyang lola ay nanatiling totoo.  At hanggang  sa kabilang buhay, ang pagmamahal ng kaniyang lola ay ramdam pa rin ni Lyn.

Ngayon ay isa ng propesyunal si Lyn at araw-araw mula nang mailibing ang kaniyang lola Nata, hindi ito naalis sa isip niya.  Alam niyang wala nang hihigit pa sa pagmamahal na ipinakita at ipinadama ng kaniyang lola sa kaniya.  At minsan,  naiisip niya, sana  magparamdam na muli  ang kaniyang Lola Nata at maramdaman ulit niya ang halik nito.

Leave a Reply