ANG LALAKI SA LARAWAN

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Isang tagahanga  ang makikilala ni Marie sa mga susunod na araw….

Maraming nagsasabi na iba-iba raw ang dahilan kung bakit may mga kaluluwa na pabalik-balik  sa mundo ng mga nabubuhay.

Mahirap paniwalaan na nangyayari pa rin ang mga ganitong bagay  kahit pa sabihin na moderno na ang panahon ngayon.

Nangyari  ang isang di-maipaliwanag na kuwento nang minsang namasyal sa Tagaytay sina  Marie,  Trish, at ang pinsan niyang si  Irene.

Madali lang naman kasing mamasyal sa Tagaytay lalo na’t  malapit lang ito sa lungsod ng Maynila. Bukod sa maraming  magagandang  tanawin, talagang nakaka-refresh ang hangin sa lugar na’to.

May dalang digital  camera si Marie.  Salitan sila sa pagkuha  ng mga pictures.  Enjoy na enjoy naman sila  dahil kahit paano, nakapag-unwind sila bago bumalik  kinabukasan sa trabaho.

Nang  ma-print na ang mga larawan, may napansin si Marie.  Meron isang nakunang picture ng isang lalaki.  Matangkad  siya at  mukhang nasa early 30’s ang edad. Nagtataka siya si Marie, itinabi  na  lang niya ang picture sa lamesa.   Sabi ng mga kabarkada  niya,  baka naman nahalo lang ang ritratong  iyon nang magpa-print sila ng mga  pictures.

Simula noon, maraming  kakaibang  nangyari sa magkakaibigan.  Madalas daw bangungutin si Trish sa pagtulog.  At hindi maganda  ang mga napapanaginipan niyang mga bagay. Si Irene naman, biglaan na  lang naging malilimutin. Ayon sa kanya,  sigurado naman siya kung  saan niya ipinatong  o itinago ang isang personal  na bagay tulad ng suklay o make-up kit.  Ang  nakapagtataka nga lang ay sa ibang lugar o cabinet  niya mahahanap ang mga gamit niya.

Nang muling  makita-kita ang tatlo, napag-usapan nila ang mga kakaibang pangyayari na naganap sa isa’t isa simula  nang nagpunta sila sa  Tagaytay. Hindi naman malaman ni Marie kung  papano magko-comment dahil wala namang weird na pangyayari sa kanya.

Isang araw,  bumisita sina Trish at Irene sa bahay nina Marie.  Araw  ng Linggo noon, at sabay-sabay silang aalis para magsimba.

Habang nakaupo ang dalawa sa sala,  tumungo muna si Marie sa  kusina  para ipagtimpla ng juice ang dalawa niyang kaibigan. Wala pang apat na minuto,  bigla na lang naglakad ang isang lalaki na naka-T-shirt na puti sa sala, papunta sa kusina.

Nagkatinginan sina Irene at Trish. Nag senyasan.

Ngumiti ang lalaki sa kanila bago  pumunta sa kinaroroonan ni  Marie.  Pagbalik ni Marie  sa sala,  biniro kaagad siya ng dalawa.

“Nasaan na ‘yung boyfriend mo?” biro ni Trish.

“Boyfriend?”

“Oo kaya. Yung gwapong lalaki na sumunod sa’yo kanina,” dagdag  pa ni Irene.

“Alam n’yo namang wala akong boyfriend eh. Sino’ng lalaki ba ang sinasabi ninyo?” tanong ni Marie na nakukunot na ang  noo.

Nagkatinginan ang dalawa. Seryoso ang kanilang  mga mukha.  Binasag ni Trish ang panandaliang katahimikan.

“Marie, nasa ‘yo pa ba ‘yung  mga kuha natin sa Tagaytay?”  tanong  ni Irene.

“Oo naman. Bakit?” sagot ni Marie.

“Pwedeng mahiram?”

“Sandali, kukunin ko…”  Umakyat si Marie. Halos  mapasigaw  and dalawa nang makita ulit nila ang lalaking nakaputi!  Nakangiti  sa kanilang dalawa ang lalaki.  Paakyat siya sa itaas kung saan  nagtungo  si Marie.

“Marie! Bumaba ka rito! Yung lalaki, susundan ka!”  sigaw ni Trish. Biglang bumaba si Marie,  at takang-taka ito  sa mga kaibigan. “O,  bakit namumutla kayo?  Sino ba  kasing lalaki  ang sinasabi  n’yo? Wala namang tao sa taas kundi ako lang…”

Hindi na  nakapagsalita  pa ang dalawang magkaibigan. Agad  nilang kinuha  ang hawak na envelope ni Marie upang tingnan ang mga ritrato.

“Oh my God!”  Ito ang huling  nasambit ni Trish bago ito himatayin.

Nakita nila ang mga  ritrato.  Nagbago  ang mga kuha.  Sa lahat ng mga pictures, kung nasaan si Marie, nakatabi  rin sa kaniya ang lalaking nagpakita  sa kanila kanina…

Leave a Reply