ANG BAHAY-KASTILA

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Saan hahantong  ang bakasyon ng apat na  magkakaibigan?

Taong  1997 nang magkaayaan  ang barkada namin na  magpunta  sa probinsya ng kaklase naming si Rod.  Wala naman daw kasing  nakatira sa lumang bahay na ‘yon  dahil nasa US na ang kanyang mga magulang. Ang panganay niyang kapatid at may pamilya na at  sa Maynila na naninirahan.

Sem-break namin. Magka-kaklase kami nina Rod, Pyke at Jayson  sa isa sa mga kolehiyo sa Manila.

“Mag-e-enjoy kayo sa bahay-bakasyunan namin sa Quezon. Okay nga dun mga pare… ” aya ni Rod, habang  umiinom ng mineral water sa ilalim ng tambayan namin sa campus.

“Ano bang meron sa bahay n’yo… multo?” sagot ni Pyke.

Nagtawanan kaming lahat.  Kung sa bagay, parang nakaka-excite  nga naman  kung sa probinsya kami magbabakasyon. Parang masarap  isipin na  makakatakas  muna kami sa polusyon ng Maynila. Panibagong adventure na naman ‘to.

May kahabaan  din ang biyahe namin. Ginabi na kami sa daan. Sumakay  pa kami ng tricycle papunta sa bahay nina Rod.  Ilang minuto pa ay tumambad sa harapan namin ang bahay-bakasyunan. Binuksan ng katiwala ang malaking gate kinalawang na.

“Pare, mukhang haunted house ah, ” bulong ni Pyke sa akin. “Ang laki ng bahay pero parang kinikilabutan ako,” sabat ni Jayson.

Biglang  nagsalita  si Rod. “Mga’ tol,  tara na sa kwarto sa taas. Ayusin  sa’yo  muna ‘yung  mga gamit n’yo, at magpapagayak na ‘ko ng dinner kay Mang Joaquin.”

Malaki ang kwarto namin.  Sa tingin ko,  antigo na ang mga gamit.  Masarap din ang  hapunan namin noong gabing ‘yon. Palibhasa’y pagod  kaming lahat sa biyahe kaya medyo naparami yata ang kinain ko.  Mayamaya,  nagkwento si  Rod  tungkol  sa kasasaysayan  ng lumang  bahay.  Pag-aari pa raw ito ng lolo niya.  Nasa Amerika na lahat  ang mga kapatid  ng tatay niya kaya  wala na talagang  nakatira sa bahay na ‘yon. At ang  bahay ngang iyon  ay naging  bakasyunan na lamang ng mga pinsan niya.

Mestisuhin si Rod. May dugong  Kastila. Mayaman din ang kanilang pamilya.  Bukod  sa lumang bahay, may sarili pang bahay si Rod sa isa sa  mga  subdivision sa Maynila.

Pinasyal kami ni Rod sa loob ng villa. Napansin  ko rin  ang mga  malalaking  portrait sa loob ng sala.  Pinakita rin niya  sa amin  ang dating kwarto ng kanyang  lolo’t lola.  Ang “original  na master’s bedroom,” sabi nga ni Rod, “ay nakakandado na sa loob ng ilang taon.”

Bahay-Kastila  nga.

Nagpabili  si Rod ng beer at ng crispy pata kay Mang Joaquin para  naman  may pulutan  kami  pagsapit  ng gabing ‘yun.

“Tayo  na mga pare. Doon tayo sa isang kwarto sa taas.  Sa may  billiard room!”  aya ulit  ni Rod.

“May bilyaran?” Ayos!” sagot ni Pyke.

Bilyar. Isa sa mga bisyo  namin sa university belt.  Akala ko nga  noong una,  boring ang bilyar. Nang  matuto ako,  nakaka-addict pala.  Naging paborito naming  pampalipas  oras ang billiards, kaya  siguradong  magkaka-sukatan ng galing  ngayong  gabi.

Kami muna ni Pyke  ang naglaban.  9-ball. Mananalo  na sana ko  nang biglang nag-kumbinasyon  si Pyke ng 7 at 9. Natalo  ako.  Sabi ko  sa kanila,  hindi ko gusto ‘yung  natatalo  ako. As usual, kantiyaw  lang ang inabot ko sa dalawa. Tawanan lang.

Matagal ‘yung sumunod na laban  nina Pyke at Jayson. Nanood  lang si  Rod at halatang natutuwa naman ito dahil nang gabi pa lang,  nag-e-enjoy na kami sa bahay-bakasyunan. Ilang sandali pa  at nagpaalam muna si Rod. Check lang daw niya kung dumating na  si Mang Joaquin. Mas masarap daw ang  laban kung medyo may  amats  kami ng beer.

Panalo na naman si Jayson. Kami  ang naglaban.

Nakaka-ilang rounds na kami  nang i-akyat ni Rod ang mga  beer  at ang pulutan.  Ayos na naman. Masarap  talagang maging  bakasyunista.  Hinayaan lang kami ni Rod na maglaro.  Sa totoo lang,  no match  kami  kay Rod.  Hasler ang huli sa bilyar. ‘Di na kami  nagtataka  dahil bata pa  lang daw siya, naglalaro na talaga siya ng bilyar. Kasi naman pala, may sarili silang bilyar table.

Lumipas ang ilang oras. Nagpaalam muna si Jayson . Inaantok na raw s’ya sa sobrang pagod sa biyahe.  Hinatid si Jayson ni Rod. Kami ni  Pyke  ang naiwan.

Tuloy ang laro.

Biglang may sumilip sa pintuan, Babae. Naka-itim. Nakatalikod si Pyke. Ako lang ang nakakita.  Dilat na dilat ang mga mata nito….

“Huh?!”

“O, bakit parang nagulat ka?” biglang usisa ni Pyke.

“Pare,  may babae sa pintuan!” sambit ko, lumingon si  Pyke. Wala naman ah….”

Mabilis na gumapang ang kilabot sa katawan ko.  May nakita ako! Hindi ako pwedeng magkamali. Hindi pa ako inaantok at lalong hindi malabo ang mga mata ko. May babaeng nakatalukbong  kanina! Nawala na ang concentration ko sa laro.

“Rod!”  parang kinakapos ang sigaw ko dahil sa takot.”Rod!”

“Bakit pare?”  humahangos si Rod.

“May babae ba tayong kasama rito?”

“Babae?” tanong niya.

“Nakatalukbong ng itim…”

“Wa-wala pare. Si Mang Joaquin lang tsaka tayong apat dito eh! nagtatakang sagot ni Rod.

Gumapang ang kilabot sa katawan ko.  Maging si Pyke ay hindi  makapaniwala  na may nagpakita sa akin. ”

“May multo ba rito pare?” usisa  ni Pyke.

Huminga nang malalim si Rod  bago siya  nagsalita.  “Honestly,  maraming mga kuwento ang naririnig ko noon sa mga tito at tita ko. Na may nagpapakita raw sa bahay na ‘to.  Pero hindi ko naman pinapaniwalaan dahil wala naman ako mismong nakikita eh. Isa pa,  bakit naman tayo matatakot eh puro tayo lalaki?”

Nasa ganoon kaming usapan nang bigla kaming nakarinig  ng mga  hakbang papunta sa amin. Si Jayson. Halatang kakagising lang niya at mukhang naalimpungatan sa mahimbing na pagkakatulog.  Napatingin kaming lahat sa kaniya.

“O guys, nasaan na ‘yung mga bisita?” tanong niya.

“BISITA?!?” sabay-sabay kaming tatlo.

“Oo. Di ba may party? Kaya nga ako nagising eh.  Maliwanag  sa kwarto kanina. Nang idilat ko ‘yung mata ko, ang ganda ‘nung isang chick.   Sinundan ko kaya ako bumangon. Kaso biglang nagbabaan ‘yung mga bisita.  Nasan na sila?”  inosenteng tanong ni Jayson.

Eksaktong  pagsikat ng araw kinabukasan,  nag-early trip kami- pabalik ng Maynila.

Leave a Reply