ANG ALBULARYO

Ad Blocker Detected

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker.

Saan nanggaling  ang kapangyarihan ng isang mahusay na manggamot?

Marami na ngang napagaling ang lolo. Sabi nila, talaga raw  mahusay siyang manggagamot. Sa katunayan,  halos araw-araw ay puno  ng mga tao ang bakuran namin. At hindi lang mga kapitbahay namin  ang suki ng lolo, pati mga taga-ibang lugar ay dumadayo pa  sa amin  para lamang magpagamot sa lolo.

Tunay ngang kilala si Lolo Damian bilang isang albularyo. May mga nagpapagamot sa kanya na natuklaw ng ahas, nakagat ng aso, mga  biktima ng kulam, at ang iba naman ay sinapian ng masamang   espiritu….

Natatandaan ko pa noon nang gamutin niya ang isang babae na inaapoy ng lagnat gabi-gabi. Maraming beses na raw na dinala sa kung  saan-saang ospital ang babae na ito, pero hindi talaga malaman ng mga doktor ang sanhi ng sakit niya. Palagi raw nanginginig sa gabi ang babae  na parang  nawawala sa sarili at nagsasalita ng hindi  maintindihang wika.

Sinuri ng lolo  ang mga mata ng babae habang siya’y nakaupo at  nakatingin  sa malayo.  Kinausap ni lolo  ang mga magulang  ng pasyente. “Gusto ko sanang malaman,  may puno ba sa harapan ng bahay ninyo?”

“Meron po, Ka Damian,”sagot ng tatay ng pasyente.

“Anong klaseng puno?”

“Mangga po… puno ng mangga. Matagal  na iyon sa loob ng  bakuran namin,”  dagdag  naman ng nanay ng babae.

“Bakit ninyo naman itinanim sa harap  ng bahay  ang puno?” “Yung tatay ko pa po ang nagtanim ng punong  ‘yon eh. Hindi na  namin ginalaw dahil nagbibigay naman ito ng lilim sa amin,”  paliwanag pa  ng tatay ng  babae.

Tumahimik muna sandali ang lolo,  saka nagsalita. “Alam  ko na  ang dahilan kung bakit inaapoy ng lagnat ang anak ninyo.”

“Saan po ba talaga nagmumula ang sakit ng anak namin, Ka Damian?”

“May nagkakagustong elemento sa anak ninyo, at doon sa puno  ng mangga siya nakatira. Palagi niyang dinadalaw ang anak ninyo tuwing ikalawang gabi.  Ito ang dahilan kung bakit inaapoy siya ng  lagnat.”

Diyos ko!”  sambit ng nanay ng pasyente, habang  napayakap  ito sa asawa. “Ano po ang dapat nating gawin. Ka Damian?”

“Kailangan kong sumama sa bakuran ninyo para makausap ko  ang elementong nagtatago sa puno ng mangga,”  ang sabi ng lolo.

“Kailan po?”

“Mas maigi sana kung mamayang gabi na dahil unti-unti  nang kinukuha ng lalaking elemento  ang katinuan ng anak ninyo…

Hindi ko malilimutan ang gabing ‘yon.

Ako ang alalay ng lolo Damian. Pumunta kami sa baryo kung saan  makikita ang sinasabing puno na pinamahayan ng elemento.  Kaagad na lumapit ang lolo sa puno,  habang bakas ang kaba sa mukha  ng mag-asawa.

Tanging ang kandila lang at ang bilog na buwan ang nagbibigay ng liwanag sa amin noong gabing iyon. Ilang saglit pa, biglang umihip nang malakas ang hangin.  Umupo ang lolo sa ilalim ng puno  na parang may kinakausap.

Lumipas ang ilang minuto.  Maya maya pa’y lumapit na ang lolo sa  mag-asawa.

“Napakiusapan na namin ang elemento na nakatira sa puno para  ‘wag na niyang gambalain pa ang inyong anak.”

“Talaga po?” tuwang-tuwa sabi ng tatay ng pasyente.

“Oo. ngayong gabi rin ay umalis na ang elemento pabalik sa  kanyang daigdig.  Bukas na bukas din ay ipaputol na ninyo ang puno. Tandaan n’yo. ‘Wag na wag na kayong magtatanim ng puno sa harapan  mismo ng bahay ninyo,  lalo na kung natatakpan nito ang pintuan at  mga bintana,” Paliwanag pa ng lolo.

“Salamat, Ka Damian. Paano n’yo po ba napalayas ang elemento?”

“Hindi na mahalaga kung paano  namin siya napakiusapan. Ang importante ay ligtas  na ang anak ninyo at hindi na siya  muling gagambalain pa…”

Malinaw kong narinig  ang pagkakasabi ng lolo. Hindi ko alam kung bakit  sinabi niya  na napakiusapan  na raw nila ang elemento.

Sino kaya ang tinutukoy niyang mga kasama niya?  Ibig sabihin, hindi  lang siya ang nagpalayas sa mga engkanto. Nagtataka ako at nalito. Ako  ba ang tinutukoy niyang kasama?

Pero hindi naman siguro ako ang tinutukoy niya dahil wala naman akong ginawa kung hindi ang hawakan ang mga gamit at manood sa kanyang mga ritwal.

Lumipas pa ang mga araw. Parami nang parami ang mga nagpapagamot kay lolo Damian. May mga  pasyenteng meron pang  magagarang kotse na bigla na  lang paparada  sa harapan ng bakuran  namin. Meron din naman na naglalakad lang papuntang bahay namin.

Mayaman man o Mahirap, lahat sila ay umuwi na may lunas sa kani-kanilang mga karamdaman. May pambayad man sila o wala, saksi ako sa mga natulungan ni lolo.

Hindi naglaon at nakaipon nang husto si lolo  kanyang pagiging albularyo. Dumami rin ang kanyang ari-arian. Napag-aral niya pati ang kanyang mga apo at nakabili siya ng mga kabayong  pang-kalesa. Pina-rentahan niya ang mga kalesa iyon sa mga kapitbahay  namin na gustong magkaroon ng hanapbuhay.

Natatandaan ko pa noon ang mga sinasabi niya sa akin, na palagi raw akong magdasal nang mabuti  at manalig sa Diyos. Paalala rin niya  na maging masunurin daw akong anak sa aking mga magulang, mag aral nang mabuti,  at alagaan ko raw ang kalusugan ko.  Payo rin  niya ang iwasan ko ang sobrang barkada., ang pagpupuyat, at mga  masasamang bisyo. Sinabi  rin niya na matuto raw akong  maging  mapagkumbaba para magkaroon ng kakayahang makapaglingkod  sa kapwa.

Maraming magagandang  pangaral ang lolo, kahit na kung minsan  ay nababalot ng hiwaga ang kanyang tunay na pagkatao.  Isang gabi,  nakita ko ang lolo na may hila-hilang kabayo sa loob ng maluwang na  bakuran namin.  Mahirap nga sigurong paniwalaan, pero hindi  ordinaryong kabayo ang nakita ko. Puti ang kulay nito at may sungay sa noo. Hindi ko matandaang  mabuti pero  parang may pakpak sa likod  ang kabayong nakita ko.

Minsan naman, nakita ko ang lolo na naglagay ng itlog sa ilalim  ng puno  sa loob rin ng bakuran, at alam kong hindi niya alam na  nandoon ako.  Nakita ko ang itlog na unti-unting umiikot  mag-isa bago tuluyang kinain ng lupa!  Hindi lang minsan nang masaksihan ko ang mga kababalaghan sa loob ng bakuran naming iyon.

Minsan naman,  nakita ko ang Lolo Damian na may kasamang  maliit na lalaki.  Magkausap sila ng lolo at sa tingin ko ay parang  nagkakatuwaan silang dalawa  dahil panay ang halakhak ni lolo. Nakadamit ng puti ang lalaki, may balbas ito at may suot  na korona.

Nasa kasikatan ang lolo sa kanyang panggagamot nang bigla na  lamang siyang nagkasakit.  Nawalan siya ng malay habang  may sinusuring pasyente. Inapoy ng lagnat ang lolo. At nang gabing iyon, binawian siya ng buhay.

Marami ang nagluksa. Ngunit marami rin ang nagtaka dahil bakit   daw hindi nakayanang gamutin ng isang mahusay at sikat na manggagamot  ang kanyang sarili. May mga ilan pa nga na nagduda  kung talagang manggamot ba ang lolo o baka naman niloko  lang niya ang mga taong nagpatingin sa kanya.

Sari-saring opinion at haka-haka ang mga tao habang ang iba  naman ay nagdalamhati sa kanyang pagpanaw. Lubha akong nalungkot  dahil wala na ang lolo ko. Hindi ko rin mapigil ang pag-iyak. Ang mga pangaral niya ay palaging mananatiling  buhay sa aking isipan, at ikukwento ko iyon sa mga susunod pang  henerasyon.

Wala na nga  ang albularyo sa aming lugar. Ngunit ang pagpanaw  ng lolo ang siyang sumagot sa tanong na matagal  nang naglalaro  sa  aking isipan. Gusto ko  talagang malaman kung saan nanggagaling ang kapangyarihan niyang makapag-gamot….

Ngayon ay alam ko na…

Isang araw, pumunta ako sa likod bakuran, at mula doon at  natanaw ko ang burol  na hindi kalayuan. Nandoon ang lolo, nakangiti  siya sa akin. Kasama niya ang kabayong puti at ang maliit na lalaking  may korona. Sila ang kasama ng lolo sa panggagamot.

Mga puting engkanto ang mga kaibigan ng lolo.  Sila ang nagbigay  sa kanya  ng kakayahan na manggamot.  Masaya ang lolo dahil kasama  niya ang kanyang mga kaibigan. Hindi ko ala kung bakit pero wala  akong naramdamang takot nang makita ko sila.

Nakatingin pa rin  sa akin ang lolo habang isang bilog na liwanag  ang bigla na lamang lumitaw sa aking harapan.Hindi ko lubos  na maunawaan kung bakit parang may nagbubulong sa akin na kunin ko ang nakalutang na liwanag na iyon.

Nagdesisyon ako.

Hindi ko ito kukunin dahil alam kong ito ang birtud ni lolo  Damian. Nagpakita ang multo niya para ipamana sa akin ang kakayahang manggamot.

Tumalikod ako.  Tumanggi.

Paglingon ko, wala na  ang lolo….

Maraming taon na ang lumipas. Hanggang ngayon, alam kong hindi ako nagkamali sa naging desisyon ko.

Marahil,  magkaiba talaga kami ng paniniwala ng lolo. Gusto  kong mamuhay nang normal at mas nais kong makipag-kaibigan sa mga  ordinaryong tao-at hindi sa mga uri ng kaibigan na hindi sakop ng mundo ng tao.

 

Leave a Reply